Pagkakaisa sa iisang adbokasiya

 

Maliban sa adhikaing mabawasan ang malnutrisyon na umiiral sa mga bata, ang merkado para sa aning gatas ng mga magkakalabaw ay garantisado na rin sa ilalim ng magkasamang proyekto ng Department of Agriculture-Philippine Council for Agriculture and Fisheries (DA-PCAF), DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC), at Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO).

Ito ay matapos nilang lagdaan ang isang memorandum of agreement, na naglalayong isulong ang kamalayan sa kalusugan (health awareness) ng mga mamamayan bilang tugon sa peligrong hatid ng pandemyang COVID-19.

Sa ilalim ng pagtutulungan, sigurado na ang merkado para sa gatas ng NEFEDCCO dahil sa pagbili ng PCAF ng halagang Php100,000 ng gatas ng kalabaw (300 litro) na gagamitin sa milk feeding program sa loob ng tatlong buwan. Ito ay magbibigay benepisyo sa 46 na mga batang (3-5 taong gulang) kulang sa nutrisyon sa mga piling barangay sa Talavera, Nueva Ecija.

Ang DA-PCAF, sa pangunguna ni OIC-Executive Director Dr. Liza Battad, ay nakipag-ugnayan sa NEFEDCCO at lokal na pamahalaan ng Talavera para sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng milk feeding program. Nakapili ito ng 46 na benepisyaryo sa mga lugar kung saan mataas ang insidente ng malnutrisyon. Ang iba pang mga bagay na isinaalang-alang sa pagpili ay ang kalapitan ng feeding center sa pagkukunan ng pasteurized milk at pagkakaroon ng cooling facilities.

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng pagsisikap ng DA-PCAF na makatulong sa mandato ng DA na matiyak ang pagkakaroon ng sapat na pagkain at makapagbigay ng kita sa mga magsasaka at mangingisda.

Layunin din ng proyekto na maging isang advocacy program na maaaring tularan ng iba pang mga lokal na pamahalaan kung saan mayroong mga maggagatas at mga batang kulang sa nutrisyon.

Sa kabilang banda, inasistehan naman ng DA-PCC ang NEFEDCCO sa pagsasagawa ng proyekto sa pamamagitan ng National Impact Zone na saklaw ang probinsya ng Nueva Ecija sa ilalim ng Carabao Development Program nito. Nagbigay din ng suporta ang DA-PCC sa NEFEDCCO sa pagsusuri ng gatas at iba pang mga kaugnay na teknikal na serbisyo para masiguro ang kalidad ng mga produktong gatas sa tulong ng Carabao Enterprise Development Section nito. 

Nagsimula ang milk feeding noong Hunyo 1 at matatapos sa Agosto. Ang NEFEDCCO at DA-PCC, sa pakikipag-ugnayan sa LGU-Talavera, ay patuloy na susubaybay sa proyekto at magbibigay ng feedback sa DA-PCAF ukol sa implementasyon nito.

Ang adhikaing ito ay naglalayong hikayatin ang mga kooperatibang salig sa kalabaw na inaasistehan ng DA-PCC sa iba’t ibang panig ng bansa na maging mga miyembro ng agricultural and fishery councils bilang advisory bodies ng DA. 

Author

0 Response