Ayuda para sa mga magsasakang maggagatas

 

Makakampante na ngayon ang mga maggagatas na hirap makahanap ng merkado para sa kanilang mga ani dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.

Ito ay matapos magpaabot ng suporta ang San Miguel Corporation (SMC) at umangkat ng gatas ng kalabaw sa halagang Php500,000 mula sa mga kooperatiba ng mga maggagatas.

Lumabas sa isinagawang survey ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) na may krisis sa pagbebenta ng gatas ng kalabaw ang mga magsasakang maggagatas dahil sa dalawang buwang quarantine. Sa katunayan, 50% ang nabawas sa kita ng mga maggagatas kumpara sa dati nilang kita bago ang pandemya.

Nang mapag-alaman ang kalagayang ito ng mga maggagatas, nagpasiya ang SMC na bilin ang aning gatas ng mga maggagatas na direktang naapektuhan ng krisis. 

“Sa pamamagitan ng pagbili ng sobra nilang gatas, umaasa tayo na matutulungan hindi lamang ‘yong mga magsasaka natin na manatili sa negosyo bagkus ay maidala ang masustansiyang gatas ng kalabaw sa mga komunidad kung saan marami ang mga higit na nangangailangang pamilya,” ani SMC president at chief operating officer Ramon Ang.

Nakipag-ugnayan ang SMC sa DA-PCC sa Nueva Ecija para bigyang katuparan ang inisyatibang ito at tukuyin ang mga kooperatiba ng maggagatas sa Nueva Ecija na pagbibilhan nila ng gatas.

Isa ang lalawigan ng Nueva Ecija sa mga nangunguna sa may pinakamaraming produksiyon ng gatas sa bansa. Ito ay nakapagtala ng kabuuang 1.8 milyong litro noong 2019 base sa datos ng DA-PCC.

Pagkatapos ng pagpupulong sa pagitan ng DA-PCC at SMC noong Hunyo, apat na kooperatibang inaasistehan ng DA-PCC na may mga lisensiyang magpatakbo ng negosyo mula sa Food and Drugs Administration ang natukoy, kabilang dito ang Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives, Catalanacan Multipurpose Cooperative Inc., Eastern Primary Multipurpose Cooperative, at Pulong Buli Multipurpose Cooperative.

Ang SMC, sa pamamagitan ng San Miguel Foundation Inc. (SMFI), ay bumili ng 25,000 sachets (Php20 kada 200ml sachet) ng toned carabao’s milk na may kabuuang halaga na Php500,000.

Inasistehan naman ng DA-PCC ang mga kooperatiba ng maggagatas at mga planta nito sa pagdadala ng toned carabao’s milk para sa mga benepisyaryo.

Nagsagawa ng feeding program ang SMC, sa pakikipagtulungan sa DA-PCC at mga kooperatiba, para maipamahagi ang gatas sa mga benepisyaryo kabilang ang mga bata, matatanda, at frontliners na labis na naapektuhan sa lugar ng Pampanga, Bulacan, Navotas, Manila, Malabon, Cavite, Quezon City, San Juan, at Mandaluyong.

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng pagsisikap ng SMC na matulungan ang industriya ng agrikultura at makapagbigay ng suportang pangkalusugan at nutrisyon sa mga dehadong pamilya at komunidad dahil sa hindi kanais-nais na epektong dulot ng pandemya sa ekonomiya at kapakanan ng mga tao.

Batid ng marami ang sustansiyang taglay ng gatas ng kalabaw na nakatutulong para palakasin ang resistensiya ng tao laban sa COVID-19. Ayon sa mga pag-aaral, mas mababa ang cholesterol content nito, higit pa ito sa minerals at calcium, at mas mayaman sa protina, bitamina, at sa enerhiya. Dahil dito, itinuturing na rin itong isang “pinakakumpletong pagkain”, kaya naman ginagamit din ito ng mga lokal na pamahalaan sa mga programang pangkalusugan para maiwasan ang malnutrisyon sa kanilang mga nasasakupan. 

“Ginambala ng pandemyang ito ang araw-araw na pinagkakakitaan ng dairy value chain players. Kaya naman itong inisyatiba ng SMC ay talagang napapanahon at nagpapasalamat tayo sa kanilang kahandaang tumulong sa gitna ng krisis na ito. Dumating sila sa oras na kailangang-kailangan ng maggagatas ng tulong,” ani DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio.

Ang proyekto, sa ilalim ng pangangasiwa ng SMFI, ay magkakaroon din ng pangmatagalan at tuluy-tuloy na benepisyo para sa mga magsasaka.

Ayon kay Mina Abella, hepe ng Carabao Enterprise Development Section ng DA-PCC, sa Phase 2 ng proyekto ay gagamitin ang teknikal na kadalubhasaan ng packaging arm ng SMC na San Miguel Yamamura Packaging Corp. (SMYPC) sa aspetong research and development (R&D) para sa isterilisasyon ng gatas at i-ugnay ito sa mga posibleng toll manufacturers.

Sinabi ni Ang na ang technical assistance ng SMC ay makatutulong sa DA-PCC para makalinang ng mga paraan para mapahaba ang shelf life ng gatas ng kalabaw na mula sa pitong araw ay maaari itong lumawig sa tatlo hanggang anim na buwan. Dahil sa mahabang shelf life, ang isterilisadong gatas ay maaari nang ipamahagi sa mga bata sa malalayong lugar at eskwelahan na walang storage facilities.

Ang proyektong ito ay mapakikinabangan ng mga benepisyaryo ng feeding program ng DA-PCC sa pakikipagtulungan sa Department of Education at Department of Social Welfare and Development.

 

 

Author

0 Response