Pagtutulungan, pagbangon sa gitna ng pandemya

 

DA-PCC sa WVSU — Nailapit na sa mga mamamayan ng Iloilo City ang masustansiyang gatas ng kalabaw at sariwang gulay sa pamamagitan ng Kadiwa Market Display. Ito’y sa tulong ng Leon Confed Farmers Dairy Association (LECOFADA), isa sa mga inaasistehang samahan ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) sa West Visayas State University (WVSU).

Ang Kadiwa ay isinasagawa ng LECOFADA tatlong beses kada linggo sa mga piling lungsod sa Iloilo. Ang nasabing market display ay nagsimula noong buwan ng Abril 2020 bilang bahagi ng DA “Kadiwa on Wheels” kung saan nakapagbebenta ng sariwang gulay at prutas na ani ang mga magsasaka galing sa bayan ng Leon.

Ilan sa mga lugar na inikutan ng Kadiwa on Wheels ay ang Western Visayas Integrated Agricultural Research Center (WESVIARC), Department of Environment and Natural Resources (DENR) Western Visayas, GT Mall Pavia, at Plazuela Dos Farmer’s Bazaar.

Ayon kay Perlito Echeche, chairman ng LECOFADA, nakapagtatala ng Php7,000-Php25,000 kita kada araw mula sa pagbebenta ng flavoured buffalo’s milk, prutas, at sariwang gulay.

“Maayo gid nga may tsansa kita nga makabaligya sa mga sites nga ni. Kis-a makapaubos kita sang flavoured nga gatas sang karabaw, kag madahog ang aton baligya nga mga laswa kag prutas kapin pa gid sa mga empleyado sang mga sites sang aton display. Ginapili sang mga tawo nga magbakal sa aton, kay kabalo sila nga fresh from Leon gid ang aton nga baligya kag barato pa, makabulig pa sa aton mga kasimanwa nga mangunguma [Mainam at may pakakataon tayong makapagbenta sa mga lugar na ito. Minsan nakakaubos tayo ng flavoured buffalo’s milk at malakas din ang bentahan ng ating mga gulay at prutas, lalo na sa mga empleyado. Mas pinipili talaga ng mga mamimili na bumili sa atin, dahil alam nilang fresh from Leon talaga ang ating mga ibinebenta. Mura na, makakatulong pa sa ating mga kababayang magsasaka],” tugon ni Ginoong Echeche hinggil sa nagpaptuloy nilang recorida.

Ang Kadiwa on Wheels na inilunsad ng DA ay naglalayon na matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani at produkto samantalang inilalapit sa mga mamimili ang sariwang gulay at prutas sa kabila ng community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Isinasagawa rin ng LECOFADA ang ‘‘Buffalo on Wheels’’ (BMW) kung saan hangad nitong maihatid, maipakilala, at maibenta sa publiko ang gatas ng kalabaw.

Author

0 Response