Pagsisimula, pag-asa, at kasiyahang hatid ng pagkakalabaw

 

Determinasyong magkaroon ng sariling negosyo sa paggagatasan ang inspirasyon ni Abner Panaligan, 60, ng Sto. Niño, South Cotabato, sa matiyagang pag-aalaga ng kalabaw.

Nagsimula ang pangarap niyang ito matapos niyang lumahok sa Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP) ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) at mapahiraman ng kalabaw ng nasabing ahensiya.

Bata pa lang si Abner ay nakagisnan na niya ang buhay-bukid. Parehong magsasaka ang mga magulang kung kaya’t hindi na bago sa kanya ang pag-aalaga ng kalabaw lalo’t katuwang nila ito sa  pagtatanim ng palay. Dating electrician, mas pinili ni Abner ang pagbubukid sa kalaunan.

“Gusto ko ang buhay sa bukid. Simple at tahimik,” ani Abner.

Mga taong 1980s nang magdesisyon si Abner na gamitin ang bahagi ng lupang nakasanla sa kanya sa pagsasaka ng palay. Bumili siya ng isang native na kalabaw na naging katulong niya sa pag-aararo rito.

Pagkalipas ng dalawang taon ay napangasawa niya si Epifania. Sumuong siya sa iba’t ibang pagkakakitaan upang matustusan ang lumalaking pamilya.

Bumili siya ng thresher upang iparenta sa mga magsasaka ng palay at mais. Nagtanim din siya ng niyog. Pagkaraan ng higit 10 taon ay binili niya ang lupang isinanla sa kanya na aabot sa 2.6 ektarya.

Nang mapagtapos ni Abner ng pag-aaral ang tatlo sa apat niyang mga anak ay tumira na siya sa naturang lupain.

Unang nalaman ni Abner ang negosyo sa pag-aalaga ng kalabaw sa isang pagsasanay na isinagawa ng DA. Nang magkaroon ng FLS-DBP sa kanilang bayan, naisip ni Abner na ito na ang pagkakataon niyang subukan ang nasabing negosyo.

Ang FLS-DBP ay isang pagsasanay kung saan itinuturo ang wastong pangangalaga ng gatasang kalabaw, mga negosyong salig sa pagkakalabaw, at iba’t ibang teknolohiyang maaaring pagpilian at gamitin base sa kanyang kakayahan at pangangailangan. Aabot sa 34 na linggo ang haba ng pagsasanay.

Makaraan ang FLS-DBP ay napagdesisyunan ni Abner na mag-apply sa programa ng PCC na family module kung saan napahiraman siya ng limang kalabaw.

“Pinuntahan namin si Abner upang tingnan yung farm niya kung mainam ba magpalaki ng kalabaw sa lugar at kung ano ‘yong mga tanim na mayroon siya na maaaring ipakain sa mga kalabaw. Nakita namin na kuwalipikado siya kaya inaprubahan ang kanyang application,” pagbabahagi ni Nasrola Ibrahim, Carabao-Based Enterprise Development coordinator ng PCC sa University of Southern Mindanao (DA-PCC@USM).

Nagdesisyon si Abner na subukan ang paggawa ng silage o pagbuburo ng damo bilang pakain sa kalabaw na natutunan niya sa FLS-DBP.

“Maraming mais dito sa lugar namin kaya naisip ko na mainam na mag-silage. Dahil may nakaimbak na pakain, hindi ko na kailangan pang ilabas ang aking mga alaga nang isa-isa upang pakainin ng sariwang damo,” ani Abner.

Bumili siya ng chopper para sa bagaso ng mais na nakukuha niya ng libre sa mga nagsisipag-ani ng mais. Sa ngayon, si Abner lang ang tanging gumagawa ng silage sa South Cotabato.

“Balak ko magbenta ng silage sa ibang mga magsasaka,” aniya.

Sa isang araw, nakakukunsumo ang isang kalabaw ni Abner ng dalawang sakong silage. Nagpapakain siya tuwing alas-singko ng umaga at mga alas-tres ng hapon.

Bukod sa silage ay gumagamit na rin siya ng Urea Molasses Mineral Block upang mas lalo pang mapainam ang nutrisyon ng mga alaga. 

“Malaking tulong ‘yong assistance ng PCC gaya ng FLS-DBP sa mga magsasakang tulad ko dahil nalalaman namin kung anu-ano ba ang dapat gawin para mapaunlad ang kawan namin,” ani Abner.

Suportado ng pamilya niya si Abner. Ang mga anak niyang sina Jessie at Grace ang tumutulong sa pampinansyal na pangangailangan niya sa pagkakalabaw habang hindi pa siya nagsisimulang maggatas. Ang anak niyang si George ay naging dating katulong niya sa pang-araw-araw na gawain habang ang asawang si Epifania ay katulong niya mula noon hanggang ngayon.  Ang bunso niyang si Grazelle ang pinag-aaral nilang mag-anak ngayon.

Lumahok ang anak ni Abner na si Grace sa pagsasanay ng PCC tungkol sa pagproproseso ng gatas ng kalabaw. Nakikinita ni Abner na balang araw ay magiging family business nila ang paggagatas ng kalabaw at pagbebenta ng produktong may gatas. 

Sa kasalukuyan ay mayroon nang pitong kalabaw si Abner, anim na crossbreds at isang native na kalabaw.

Masayang ibinahagi ni Abner na malapit na niyang anihin ang bunga ng pagsisikap sa pag-aalaga ng kalabaw dahil buntis na ang tatlo sa mga ito.

“Sa loob ng ilang taon, pinangarap ko na magkaroon ng sariling gatasan. Nagpapasalamat ako na natupad na ang matagal ko nang pangarap. Higit sa perang kikitain ko mula rito ay ang kaligayahan na natatamo ko sa paninirahan dito sa bukid at sa pag-aalaga ng kalabaw.”

 

Author

0 Response