Bagaso ng mais para sa mas malusog na kalabaw

 

Mahalagang alamin ang tamang nutrisyon para sa alagang kalabaw upang masiguro ang kalusugan nito. Isa sa maaaring ipakain ay ang bagaso ng mais na nakapagbibigay enerhiya.

Noong nakaraang taon, nagsimulang kumuha ng bagaso ang DA-PCC sa halos 100 ektaryang taniman ng mais sa Brgy. Concepcion, Sto. Domingo, Nueva Ecija. Ito ay sa pakikipag-ugnayan sa ilang magsasakang masayang ibinigay ang kanilang mga bagaso sa ahensya.

Ang bagaso ay by-product ng mais na kadalasang sinusunog lamang.

Ayon kay Rogelio Antiquera, DA-PCC Science Research Technician III, bukod sa nakatutulong ang ahensiya sa pangangalaga ng kalikasan, nagkakaroon din ng benepisyo ang mga magsasaka mula rito.

“Kalimitang tumatagal ng 75-85 araw ang taniman ng mais. Pagkaraan ay palay at sibuyas naman ang ipatatanim kaya kailangang malinisan ang mga bagaso sa bukirin,” dagdag niya.

Dahil kinukuha ng DA-PCC ang bagaso, hindi na kinakailangan pang iupa ng Php3,500 ang pagtatanggal dito.

Nakakukuha ang DA-PCC ng 25 toneladang bagaso kada isang ektarya o nasa kabuuang 80-100 tonelada noong 2019 nang magsimula ito.

Mula Mayo hanggang Hunyo naman ngayong taon ay mayroon nang 300 tons na nakolekta ang DA-PCC. Ito ay sapat nang pakain hanggang Disyembre nitong taon para sa higit 400 na kalabaw na inaalagaan ng ahensya sa Science City of Muñoz at Saranay, San Jose City, Nueva Ecija. 

“Kung noong nagsimula tayo, hindi pa natin napagplanuhan nang maigi ang pagsasagawa dahil biglaan, ngayon mayroon nang grupo na nakatutok dito,” pagbabahagi ni Antiquera.

Binigyang-diin niya na mahalagang malaman ang tamang panahon ng pagkuha nito lalo’t ang mais ay malimit inaani tuwing tag-init, panahong may kakulangan sa pakain sa kalabaw.

Ang bagaso ng mais ay ginagawang silage o burong pakain ng DA-PCC upang maiimbak ito ng mahabang panahon at mapreserba ang nutrients nito. Tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo ang pagbuburo ng bagaso.

Isang beses sa isang araw o tuwing umaga lamang ipinakakain ng DA-PCC ang silage sa mga alagang kalabaw. Nagpapakain din ng pinagbuting damo at concentrates upang mapainam pang lalo ang kalusugan ng mga kalabaw. 

“Maganda ang kinalabasan ng ugnayan natin sa mga magsasaka dahil hindi lamang tayo ang nagkaroon ng benepisyo dito, maging sila. Sa katunayan, nakatipid din tayo dahil mas mahal kung uupa tayo ng lupang puwedeng tamnan ng mais,“ ani Antiquera.

Sa kabilang banda, tradisyunal pa rin ang pagtingin ng mga magsasaka sa Brgy. Concepcion sa kalabaw. Ginagamit nila itong katuwang sa kanilang pagsasaka kahit na karamihan ay mayroon nang mataas na lahi.

“Hindi pa masyadong alam ng mga magsasaka doon sa barangay ang mga teknolohiya ng DA-PCC. Kaya puwede namin silang higit pang matulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga kaalaman sa negosyong salig sa pagkakalabaw na maaaring magbigay ng dagdag kita sa kanila,” paglalahad ni Antiquera.

Tunay nga na ang pagtutulungan ay nagbubunga ng maganda. Isang patunay nito  ang DA-PCC at mga magsasaka ng mais sa Brgy. Concepcion na ngayo’y patuloy na tinatamasa ang  mga kaiga-igayang pakinabang na hatid ng kanilang ugnayan.

Magandang i-silage ang mais kasi nasa 65%-70% ang moisture content nito. Kapag mas mataas pa rito, maaaring mabulukan ka.

Rogelio Antiquera

DA-PCC Science Research Technician III

 

Author

0 Response