CCDP sa Tubigon, Bohol

 

DA-PCC sa USF — Isang strategic planning workshop ang isinagawa ng DA-PCC sa Ubay Stock Farm (DA-PCC sa USF), DA-Philippine Coconut Authority (DA-PCA), Office of the Provincial Veterinarian (OPV), Local Government Unit (LGU) ng Tubigon, at Libertad Multipurpose Cooperative (LMPC) noong Nobyembre 5-7 para sa pagtatatag ng Carabao-based Business Improvement Network (CBIN) sa Tubigon. Ang nasabing aktibidad ay hudyat ng pinakabagong inisyatiba sa pagitan ng ugnayang DA-PCC at DA-PCA sa paglulunsad ng Coconut Carabao Development Project (CCDP) na kung saan isa sa mga benepisyaryo ang LMPC ng Tubigon, Bohol.

Layunin ng workshop na makagawa ng tatlong taong konkretong planong pang-operasyon na gagabay sa program management team (PMT) na kinapapalooban ng mga nabanggit na sangay ng gobyerno at kooperatiba sa buong implementasyon ng proyekto.

Idinaos ang naturang aktibidad matapos ang paglalagda ng memorandum of agreement (MOA) ng DA-PCC at DA-PCA noong Setyembre 12. Nakasaad sa MOA na maglalaan ang DA-PCA ng pondong Php140,000,000 sa DA-PCC para sa pagbili ng mga agricultural interventions sa 17 project sites para sa implementasyon ng CCDP. Sa kabilang banda, ang DA-PCC naman ay magsasagawa ng mga orientations, social preparation, at capability-building activities para sa mga benepisyaryong magniniyog tungkol sa carabao production, processing at marketing bilang dagdag na mapagkakakitaan.

Maliban dito, dapat ding maisakatuparan ng parehong panig ang proyekto at matiyak na ang bawa’t project site ay masisimulan nang mapakinabangan nang hindi lalagpas ng dalawang taon matapos ang MOA signing, kung hindi man ay maaaring ilipat ng DA-PCA at DA-PCC ang proyekto sa ibang karapat-dapat na benepisyaryo.

“Para sa proyektong ito, ang bayan ng Tubigon sa pamamagitan ng LMPC ay napili dahil isa ito sa mga natukoy na niyugan sa probinsiya. Mainam din itong lokasyon para sa proyektong paggagatasan,” ani Emeliano Romero, PCA-Bohol Manager.

“Ang halaga ng proyekto para dito sa Tubigon ay Php10,000,000. Gagamitin ito para sa pagbili ng 50 gatasang kalabaw at pagtatayo ng dairy processing plant at isang dairy box outlet,” paliwanag ni Dr. Gundolino Bajenting, CBIN coordinator ng DA-PCC sa USF.

 

Author
Author

0 Response