Pamilyang kapit-bisig tungo sa maunlad na pagkakalabawan

 

DA-PCC sa USM — “Walang imposible sa pagkamit ng maunlad na kabuhayan kung isang pamilya kaming magtutulung-tulong sa mga tungkulin sa pagkakalabawan”.

Ito ang naging pananaw ng pamilya ni Rodel Estañol ng Barangay Canahay, Surallah, South Cotabato tungo sa masagana at maunlad na kabuhayaang salig sa kalabaw.

Ang pamilyang Estañol ay isa sa mga nakilahok sa programa ng DA-PCC sa University of Southern Mindanao noong 2017. Bago sila pinagkalooban ng anim na Italian Mediterranean buffaloes, sumailalim sa mga pagsasanay ang mag-asawang Rodel at Loida upang mas mapahusay pa ang kakayahan sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw.

Noong unang mga taon ng kanilang pag-aalaga, ibinahagi ni Rodel na parang silang lumulusot sa butas ng karayom sa pagharap ng mga balakid at problema. Aminado silang may pag-aalinlangan sila sa proyekto dahil ito ay bago para sa kanila at sa kanilang lugar.

Baun-baon ang positibong pananaw sa buhay, naging mas pursigido ang pamilya Estañol, katuwang ang LGU-Surallah at DA-PCC sa USM, sa pagkatok sa pintuan ng oportunidad sa pagkakalabawan.

Hindi naglaon, naging kasangga ng mag-asawang Rodel at Loida ang kanilang mga gatasang kalabaw sa pagtataguyod ng kanilang pamilya lalung-lalo na sa mga panahon ng unos.

“Naalala ko pa noong 2019, halos ilang buwan na walang ulan dito sa amin. Sa mga panahong iyon, tanging gatas lamang ang pinagmumulan ng perang pinambibili namin ng mga pagkain sa pang araw-araw. Kaya naman malaki ang pasasalamat namin sa DA-PCC dahil sa ipinagkatiwalang mga gatasang kalabaw,” maluha-luhang sambit ni Loida.

Nakakukuha ang pamilya ni Rodel mula sa mga ginagatasang kalabaw ng mahigit 530 litro kada buwan. Ito ay kanilang ipinagbibili sa D&L Dairy Farm sa halagang Php65-75 kada litro. Ang kanilang kita ay ang siyang ipinantutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya at pag-aaral ng mga anak.

Noong una, ang tanging hangad lamang ng mag-asawang Estañol ay ang madagdagan ang kanilang kita upang makaahon sa kahirapan.

 “Noong wala pa kaming gatasang kalabaw, nakikisaka lang kami ng aking misis. Wala kaming sariling lupa para sakahin at umaasa lang kami sa kung sinong magpapatrabaho sa amin sa bukid. Aalis kami sa bahay ng maaga at darating naman ng gabi. Halos wala na kaming mailaan na oras para sa aming mga anak,” kwento ni Rodel.

Nguni’t ngayon, naging katuwang ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa pag-aalaga ng kalabaw. Mula sa pagpapakain, pagpapastol at paggagatas ay laging nakaalalay ang kanilang apat na mga anak. Ito, anila, ang nagsisilbing oras ng kanilang pagsasama bilang isang pamilya.

“Hindi namin sukat akalain na hindi lamang pera ang hatid ng kalabaw kundi maging tali na magbibigkis sa relasyon ng aming pamilya,” nakangiting sabi ni Loida.

Maliban dito, isa nang ganap na Village-Based Artificial Insemination Technician o VBAIT ang kanilang anak na si Rey John matapos ang isang buwang pagsasanay sa DA-PCC sa USM ng Basic Artificial Insemination at Pregnancy Diagnosis noong Hulyo 6 hanggang Agosto 4.

Sa salaysay ni Loida, tuwing naglilibot si Rey John upang mag AI, hindi magkamayaw ang mga tanong ng kanilang mga kabarangay ukol sa programang hatid ng DA-PCC. Nakikita kasi nila ang unti-unting pag-usbong ng kanilang buhay dahil sa mga kalabaw. 

Sa ngayon, naging tagapaghatid ng balita ang pamilyang Estañol sa biyayang handog ng gatasang kalabaw. Anila: “Nagsisilbing tulay ang DA-PCC ng biyayang pampamilyang pangkabuhayan”.

 

Author

0 Response