Ayon sa dating OFW na ngayo’y maggagatas na, ‘Totoong may kita sa gatas ng kalabaw’

img
Totoo nga, sa gatas ng kalabaw siguradong araw-araw ang kita. Hindi ko na kailangan pang malayo sa pamilya ko para lang kumita ng pera.” Freddie Ledda Magsasakang Maggagatas Naguilian, La Union

Sa kabila ng mga ilang negatibong komentong naririnig niya mula sa mga kapitbahay patungkol sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw, hindi nagpaapekto o pinanghinaan ng loob si Freddie Ledda, 48, ng Cabaritan Sur, Naguilian, La Union.

Isa sa mga natanggap ni Ka Freddie na negatibong komento ay “napakahirap alagaan ng mga kalabaw”.

“Hindi ako huminto sa pag-aalaga kahit sabihin pa nilang mahirap dahil na-inspire ako sa mga nababasa kong kwento sa mga magasin ng PCC. Nakasaad doon ang mga testimonya ng mga magsasaka tungkol sa kanilang kita mula sa gatas ng kalabaw,” wika ni Ka Freddie.

Taglay ang paniniwalang may kita sa gatas ng kalabaw, ipinagpatuloy niyang paramihin ang mga alaga. Hindi naman siya nabigo, mayroon na siya ngayong 18 alagang kalabaw at napatunayang may kita nga sa paggagatas gaya ng kanyang nababasa sa magasin.

 

Pagsisimula

Si Ka Freddie ay may dalawang anak. Siya ay dating Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtrabaho bilang isang elektrisyan sa Saudi ng dalawang taon.

Dahil sa hirap ng trabaho, nagdesisyon siyang umuwi ng bansa noong 2003 upang makasama ang kanyang asawa at masubaybayan ang kanyang mga anak.

Sa kanyang pagbabalik, sinubukan niyang maghanap-buhay. Namasada siya gamit ang tricycle na naipundar niya nguni’t itinigil din niya ito dahil, aniya, madalas hindi sumasapat at hindi sigurado ang kanyang kita.

Taong 2014 nang mahikayat naman siya ni Jessie Aromin, isang village-based AI teknisyan, na mag-alaga ng gatasang kalabaw kaya bumili si KaFreddie ng isang crossbred na kalabaw. Ayon sa kanya, pagkaraan ng anim na buwan ay nabuntis na ito.

Taong 2015, nagsimula na itong magbigay ng gatas. Lima hanggang anim na litro ang nakolekta niya araw-araw sa loob ng 10 buwan. Ipinagbibili niya noon ang kanyang aning gatas sa halagang Php50 kada litro.

Laking tuwa ni Ka Freddie nang mahawakan niya ang unang kita niya sa bagong negosyong sinuong niya. Naranasan niya ang araw-araw na kitang hatid ng gatasang kalabaw kaya naman hindi siya nag-atubiling dagdagan pa ang kanyang alaga at bumili ng isa pang inahing crossbred. 

“Ngayong may gatasang kalabaw na ako at kumikita na, madali na akong nakapagbibigay ng baon sa eskwelahan ng aking mga anak at natutustusan na rin ang pang araw-araw na pangangailangan ng aking pamilya,” ani Ka Freddie.

“Nakapagpagawa rin ako ng kulungan ng mga kalabaw ko, nakabili ng kolong-kolong at jeep panghakot ng pakain,” dagdag niya.

Hindi na rin nagsayang pa ng panahon si Ka Freddie, sa parehong taon, nakipag-ugnayan siya kay Carlo Jowan Aspiras Jr., AI teknisyan ng PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University (PCC sa DMMMSU) upang ipahayag ang kanyang interes na umaplay sa programang paiwi ng PCC para madagdagan ang kanyang alagang kalabaw.

Matapos ang isinagawang pagsusuri kung siya ay kwalipikado, tinugunan ni Dir. Gloria M. Dela Cruz, center director ng PCC sa DMMMSU, ang kanyang kahilingan. Siya ay napahiraman ng dalawang purong lahing gatasang kalabaw bilang inisyal na “paiwi” sa ilalim ng family module ng PCC at tinuruan din siyang magtanim ng pakaing damo.

 

May kita sa gatas ng kalabaw

Kasabay ng pagdami ng kanyang alagang kalabaw ay ang pagdami rin ng kanyang nakokolektang gatas. Nguni’t gaya ng karaniwang nagiging problema sa isang negosyo, naging suliranin ni Ka Freddie kung saan niya ibebenta ang gatas.

“Noong una, ayaw bilhin ng mga kapitbahay ko ‘yong gatas ng kalabaw sa kaisipang ito ay madumi dahil ang mga kalabaw daw ay lumulublob sa putikan,” kwento niya.

Nguni’t hindi sumuko si Ka Freddie, ipinaliwanag niya ang paraan niya ng pag-aalaga at paggagatas sa mga kalabaw para matiyak na malinis ang gatas.

“Noong mapatikman ko sa kanila, napagtanto nila masarap pala ang gatas ng kalabaw,” ani Ka Freddie.

Sa kanyang paghahangad na maipakilala ang gatas ng kalabaw, sinubukan ni Ka Freddie na magbenta sa munisipyo ng Naguilian, La Union at maging sa mga paaralan. Hanggang sa dumating ang panahon na siya’y nakilala at dinarayo na ng mga mamimili sa kanyang bahay, ilan sa mga ito ay Indian nationals.

Ang kanyang mga anak at mga kamag-anak ay natuto na ring uminom ng gatas. Nang lumaon, nakumbinsi rin niya ang kanyang kamag-anak, kapitbahay, maging ang iba pang magsasaka, na sumubok ding maggatas ng kalabaw.

Lima ngayon ang ginagatasang kalabaw ni Ka Freddie at ang nakokolektang gatas ay ipinagbibili niya ng Php75-Php80 kada litro.

Siya ay may kabuuang kita (gross income) na hindi bababa sa Php40,000 kada buwan, mas malaki aniya kumpara sa Php17,000 na kinikita niya noong siya ay nasa Saudi.

 

Totoo nga, sa gatas ng kalabaw siguradong araw-araw ang kita. Hindi ko na kailangan pang malayo sa pamilya ko para lang kumita ng pera.” Freddie Ledda, Magsasakang Maggagatas, Naguilian, La Union

0 COMMENTS

0 Comments