Pagsasanay sa AI, PD sa panahon ng pandemya

 

DA-PCC sa MLPC at DA-PCC sa UPLB — Alinsunod sa mga bagong direktiba ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng corona virus, nilimitahan ng DA- Philippine Carabao Center (DA-PCC) ang bilang ng mga kalahok na sasailalim sa bawa’t pagsasanay na isinasagawa nito.

Dahil dito, pinapangkat ng ahensya sa ilang grupo ang mga kalahok para makadalo. Noong Setyembre 28 hanggang Oktubre 25, nagsagawa ng pagsasanay sa “Basic Course on Artificial Insemination (AI) and Pregnancy Diagnosis (PD) in Large Ruminants” ang DA-PCC sa Mindanao Livestock Production Complex (DA-PCC sa MLPC) para sa pangatlo at pang-apat na grupo ng mga kalahok nito. Sila ay mula sa bayan ng Siocon, Sindangan, Katipunan ng Zamboanga del Norte, Tabina, Zamboanga del Sur, at RT Lim, Zamboanga Sibugay.

Apat sa mga ito ang sinanay bilang Village-based Artificial Insemination Technician (VBAIT) habang dalawa naman bilang Local Government Unit (LGU) technician.

Layunin ng pagsasanay na paunlarin ang kakayahan at kaalamang teknikal ng mga AI technicians na makapagbigay ng serbisyo sa mga hayop kahit pa sa ilalim ng “New Normal”. Layon din nito na mapahusay ang kakayahan ng mga kalahok sa pagpapalahi ng hayop at matukoy kung buntis na ang mga ito.

“Maglaan kayo ng oras upang matuto at maging seryoso sa paglahok sa programa para matulungan natin ang mga magsasaka na mapabuti ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kalabaw na magaganda ang lahi,” ani Dr. Cecelio Velez, center director ng DA-PCC sa MLPC.

Ang pagsasanay ay kinapalooban ng mga talakayan kaugnay sa artipisyal na pagsesemilya at aktwal na pagsasagawa ng mga natutunan o practicum sa mga natukoy na lugar.

Sa kabilang banda, nagsagawa rin ang DA-PCC sa University of the Philippines Los Baños (DA-PCC sa UPLB) ng nasabing pagsasanay sa iba’t ibang lugar noong Setyembre 1 hanggang Oktubre 1 sa Magdalena, Laguna; Setyembre 14 hanggang Oktubre 13 sa OPV, Batangas; at Setyembre 27 hanggang Oktubre 28 sa Nasugbu, Batangas.

Dahil na rin sa pandemya, nilimitahan lamang ng DA-PCC sa UPLB sa dalawa ang bilang ng mga kalahok sa bawa’t lugar.

“Isang napakagandang karanasan po na makalahok sa pagsasanay na ito. Natutunan ko halos lahat ng nangyayari sa field kagaya ng dystocia at iba pa. Nagpapasalamat po ako sa DA-PCC dahil natuto po ako nang maayos at makatutulong na rin po ako sa mga kapwa ko magsasaka na nangangailangan ng serbisyo sa pagsesemilya sa kanilang mga alaga,” pagbabahagi ni Harvey Talabis, isa sa mga kalahok.

Noong mga nakaraang taon, ang pagsasanay ng AI at PD ay isinasagawa sa opisina ng DA-PCC sa UPLB kung saan umaabot sa 12 ang mga kalahok.

“Kung ikukumpara ang pagsasagawa ng AI at PD training noon at ngayong may pandemya, mas mahirap ang implementasyon dahil kailangang sumunod sa mga health protocols, IATF guidelines, at iba pa. Maraming dapat isaalang-alang para sa kapakanan ng lahat,” paliwanag ni Joela Malijan, Training Coordinator III ng DA-PCC sa UPLB.

Ang pagsasanay ay binubuo ng theoretical at practical na aspeto kung saan susuriin ang mga kalahok batay sa mga aspetong ito bilang bahagi ng panghuling pagsubok ng kurso.

 

Author
Author

0 Response