Pagsasanay sa pagpoproseso ng gatas bilang dagdag-kita

 

DA-PCC sa CSU — Nagsagawa ng pagsasanay tungkol sa wastong paraan ng pagpoproseso ng gatas ang DA-PCC sa Cagayan State University para sa mga piling kababaihan ng Bagunot, Baggao, Cagayan noong Setyembre 30 sa adhikain nitong magkaroon sila ng karagdagang mapagkakakitaan.

Walong kababaihan ang lumahok sa nasabing pagsasanay kung saan natutunan nila ang proseso sa paggawa ng iba’t ibang mga produktong gatas.

Ang isinagawang pagsasanay ay bilang tugon na rin sa kahilingan ng samahan ng mga kababaihan ng barangay Bagunot sa pangunguna ng presidente nito na si Anita Marcelo. Personal na sumulat ng kahilingan si Marcelo sa tanggapan ng DA-PCC sa CSU na turuan sila sa iba’t ibang proseso at pamamaraan ng pagluluto gamit ang gatas ng kalabaw upang makalikha ng trabaho para sa mga kababaihan.

Ayon kay Marcelo, ang bawa’t pamilya ng miyembro ng kanilang organisasyon ay may alagang kalabaw, na ang ilan sa kanila ay kabilang din sa programang paiwi ng DA-PCC.

Sa unang bahagi ay nagkaroon ng maiksing talakayan tungkol sa proper and safe handling of milk na ibinahagi ni Dr. Aileen Bulusan, science research analyst ng ahensiya. Pagkatapos nito ay sinimulan na ni Sarah Angelica Sibbaluca, laboratory aide/production manager ng planta ng DA-PCC sa CSU, ang pagtuturo sa aktwal na pagpoproseso ng pasteurized at flavored milk (pandan at melon flavors).

Bilang panghuling bahagi ng pagsasanay, inanyayahan ng DA-PCC sa CSU si Marvin Badua para ituro sa mga kalahok ang paggawa ng milk candy, isa sa mga sikat na produkto ng Cagayan. Si Badua ay milk candy processor ng Integrated Farmer’s Cooperative (IFC), isang kooperatiba na inaasistehan ng DA-PCC, na mahigit 10 taon nang gumagawa ng milk candy gamit ang gatas ng kalabaw.

“Gatas ng kalabaw ang pinakamainam na gamitin sa paggawa ng milk candy dahil sa taglay nitong mataas na total solids at kakaibang linamnam,” ani Badua

 

Author

0 Response