Milk feeding para sa maayos na kalusugan, masaganang kabuhayan

 

DA-PCC sa USM — Sa pagsasagawa ng School-Based Feeding Program o SBFP sa lalawigan ng Cotabato, nasa 11,000 mga bata ang mabebenepisyuhan ng programa sa ilalim ng milk feeding component nito.

Ang naturang aktibidad na pinangungunahan ng Department of Education-Cotabato Schools Division katulong ang DA-PCC sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) at D&L Dairy Farm ay nagsimula nang magpamahagi ng gatas ng kalabaw noong Oktubre sa mga natukoy na bata sa bayan ng Pikit, Kabacan, Matalam, M’lang, Tulunan, Magpet, at Makilala.

Ang bawa’t benepisyaryo ay makatatanggap ng 200 ml toned carabao’s milk kada araw sa loob ng 20 araw.

Sa ilalim ng slogan nitong “Tangkad, Lusog, Talino para sa Batang Pilipino”, inilahad ni Cotabato Division SBFP Focal Person Riza Bakong, RN ang malaking partisipasyon ng mga guro sa pagsasakatuparan ng hangarin ng gobyerno na masugpo ang malnutrisyon sa mga batang itinuturing na pag-asa ng bansa.

“Napakalaki ng ginampanang responsibilidad ng mga guro sa araw-araw na pagpapamahagi ng gatas sa mga estudyante,” dagdag pa ni Bakong.

Naging aktibo rin sa pamamahagi at pagtulong ang DA-PCC sa USM sa pangunguna nina Center Director Benjamin John Basilio at Dairy Processing Head Ludivina Estimo.

“Dahil sa lumalaganap na pandemya, kailangan nating sumunod sa mga safety precautions kaya naman mas naging maingat tayo sa pagganap natin ng proyekto. Pero sa kabila ng COVID-19, mas naging masigasig tayo lalo sa paghahatid ng tulong para sa mga batang nangangailangan ng dagdag nutrisyon,” ani Estimo.   

Ayon naman kay Dir. Basilio, matutugunan din ng nasabing programa ang pangangailangan sa siguradong merkado ng produkto ng mga maggagatas sa probinsya.

“Ang paglagda ni Pangulong Duterte sa R.A 11037 noong 2018 ay nagsilbing magandang oportunidad hindi lamang para masugpo ang malnutrisyon sa bansa kundi para rin mapataas ang demand sa lokal na produksyon ng gatas na makapagbibigay ng tiyak na kita sa mga magkakalabaw,” pagbibigay-diin ni Dir. Basilio.

Ang D&L Dairy Farm sa M’lang, North Cotabato ang supplier ng gatas ng kalabaw na ipinagkaloob sa mga pampublikong paaralan sa nabanggit na mga munisipalidad.

“Kaming mga carapreneurs ay lubos na nagpapasalamat sa biyayang ito. Isa sa mga hangarin namin ay tangkilikin at maging kilala ang kalabaw hindi lang bilang pantrabaho sa bukid kundi bilang mapagkukunan ng masustansyang gatas para sa atin, lalung-lalo na sa mga batang Pilipino,” ani Dominic Paclibar, may-ari ng D&L Dairy Farm, na inaasistehan ng DA-PCC sa USM.

Ang SBFP ay isinasagawa ng DepEd alinsunod sa R.A. 11037 o mas kilala bilang “Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act”. Batay rin sa batas, isinama ang fresh milk o gatas sa hot meals na ipinagkakaloob para sa mga undernourished na estudyante sa mga pampublikong paaralan. 

 

Author

0 Response