Pagsusulong ng CCDP

 

DA-PCCNHGP — Inaasahang mapatataas ang kita ng magniniyog sa hinaharap sa pamamagitan ng kabuhayang hatid ng gatasang kalabaw. Ito ay sa tulong ng Coconut-Carabao Development Project (CCDP) na nakatuon sa pagsasagawa ng mga inisyatibang may kaugnayan sa integrated farming.

Nagkaroon ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) at ng DA-Philippine Coconut Authority (DA-PCA) na magtutulungan sa pagsasagawa ng CCDP. Isinagawa ito noong Setyembre 12 sa Milka Krem outlet sa  University of the Philippines - Los Baños (UPLB) sa Laguna at nai-broadcast online.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan nina Dr. Arnel Del Barrio, DA-PCC executive director, at Roel Rosales, DA-PCA deputy administrator -operations branch. Kasama rin sa MOA signing sina Dr. Caro Salces, DA-PCC deputy executive director, at ilang empleyado ng DA-PCC sa UPLB.

“Layon sa CCDP na magkaroon ng iba pang mapagkakakitaan ang mga magniniyog sa pamamagitan ng kabuhayang salig sa pagkakalabaw,” ani Paul Andrew Texon, DA-PCC focal person sa proyekto.

Nagkaroon din ng pagpupulong online sa pagitan ng mga kasangkot sa proyekto noong Oktubre 8 at opisyal naman na inilunsad online ang CCDP noong Oktubre 22 sa pangunguna ng DA-PCC.

Ayon kay Texon, ang MOA ay tatagal ng dalawang taon at ipatutupad sa 17 project sites sa bansa. Ang mga sites ay nasa mga piling bahagi ng Rehiyon IV A, Rehiyon IV B, Rehiyon V, Rehiyon VI, Rehiyon VII, Rehiyon VIII, Rehiyon IX, at Rehiyon XII. 

Sa ilalim ng CCDP, ang DA-PCC ay magsasagawa ng mga inisyatiba katulong ang DA-PCA. Ang mga naturang interbensyon ay kinabibilangan ng pagpakakaloob ng kalabaw, pagtatayo ng mga pasilidad para sa pagpoproseso ng gatas ng kalabaw at mga market outlets, paghasa sa abilidad ng value-chain players, koordinasyon sa mga kasangkot, monitoring, at pagsusuri sa kinahinatnan ng proyekto.

Nakatakdang magkaloob ng higit sa 800 kalabaw sa mga benepisyaryo. Ang mga napiling magsasaka ay maglalaan ng sapat na lupa para sa konstruksyon ng koral at taniman ng pakain sa alaga.

Ang DA-PCC at DA-PCA ay makikipagtulungan sa piling munisipalidad at panlalawigang lokal na pamilihan para sa pagbibigay ng suportang teknikal, pagsubaybay o pagmonitor, at paglalaan ng mga marketing facilities.  Habang ang mga cooperative conduits ay kasama sa pagsusulong ng carabao enterprise value chain. 

Bahagi rin ng CCDP ang pagsasagawa ng DA-PCC ng mga pagsasanay na may kinalaman sa pag-aalaga ng kalabaw sa pamamagitan ng Cara-Aralan sa Niyugan.

Gagamitin ang gatas na makukuha mula sa CCDP bilang isa sa mga mapagkukunan ng supply ng gatas na kinakailangan sa pagpapatupad ng National Feeding Program sa ilalim ng RA11037 o “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act”.

 

Author

0 Response