Pagpapalawig ng kalabawan sa Visayas

 

DA-PCC sa VSU — Labing apat na magsasakang miyembro ng Baybay Dairy Cooperative (BDC) ang napahiraman ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) ng kalabaw bilang bahagi ng pagpapaunlad ng production zone ng Baybay City.

Isang pormal na paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) at entrustment ng labing-limang purebred Bulgarian Murrah Buffaloes ang naganap sa Biasong, Baybay City, Leyte. Ito ay isinagawa ng DA-PCC sa Visayas State University (VSU) na pinangunahan ni officer-in-charge Dr. Ivy Fe Lopez  at BDC noong Agosto 6.

 “Nalipay mig dako na aktibo atong Baybay Dairy Cooperative. Dakong paglantaw atong local government unit diri sa Baybay para sa atong mga mag-uuma ug mangingisda na naa juy makuhaan na panginabuhian maong gibuhat namo among makaya para suportaan mo. Mangayo sad mig kooperasyon sa tanan para mapalambo ug ma sustain nato ang atong nasugdan.” [Lubos ang aming kaligayahan dahil aktibo ang ating Baybay Dairy Cooperative. Gayon nalang ang pagmamalasakit ng ating lokal na pamahalaan dito sa Baybay para sa ating mga magsasaka at mangingisda kung kaya’t ginagawa namin ang aming makakaya upang suportahan kayo. Ang hinihingi lang namin ay ang inyong kooperasyon para mapanatili natin ang ating sinimulan, ” ani City Agriculturist Mora Abarquez sa kanyang mensahe.

Ipinaabot naman ni Gabriel Modina, BDC chairman,  sa DA-PCC sa VSU ang  pasasalamat sa oportunidad na natanggap at sinabing hindi nila sasayangin ang suporta ng ahensiya sa kanilang kooperatiba.

Sa DA-PCC cooperative conduit scheme, ang ahensiya ay magkakaloob ng mga purebred buffaloes sa isang kooperatiba. Pagkatapos ng entrustment, maghahanap ang kooperatiba ng isang kwalipikadong miyembro upang ipamahagi ang naturang kalabaw.

Nagkaroon ng isang oryentasyon sa Dairy Buffalo Management na pinamunuan ni Andres Amihan, Jr., Farm Superintendent II ng DA-PCC sa VSU, kung saan tinalakay niya ang wastong pangangalaga at pamamahala ng kalabaw. Bahagi ng oryentasyon ang demonstrasyon kung paano gamitin ang milking machine  at pamamahagi nito sa mga miyembro ng BDC bilang bahagi ng Shared Service Facility ng Department of Trade and Industry (DTI-VIII).

Dumalo rin sa entrustment si Mayor Jose Carlos Cari, piling  kawani ng lokal na pamahalaan ng Baybay City at kawani ng DA-PCC sa VSU. Ibinahagi ni Mayor Cari ang kanyang sariling mga paraan o proseso sa paggawa ng mga produktong galing sa kalabaw.

Ang benepisyaryong miyembro ng BDC ay mula sa mga barangay ng Biasong, San Agustin, Kabalasan, Hipungo, Pangasugan, at Santa Cruz.

 

Author

0 Response