‘Diploma’ ng mga anak, inayudahan ng paggagatasan at ng koop

 

Gaya ng iba pang mga magulang, si Catalina Visda ay naniniwalang walang hihigit pa sa mataas na edukasyon ang maipamamana sa mga anak lalo pa nga’t ito’y iginagapang lamang dala ng kahirapan.

“Nakabili ang asawa ko ng isang ektaryang lupa sa pagtatrabaho niya sa ibang bansa,” ani Catalina. “Dala ng mahirap ding pagtatrabaho sa ibang bansa na hindi naman gaanong malaki ang kita, umuwi siya upang mapagtulungan naming trabahuhin ito,” dagdag niya.

Ang lupang sakahin ay sa Barangay Pulong Buli sa Sto. Domingo, Nueva Ecija.

Sa munting bukid na ito, siya at ang asawang si Lorenzo ay nagsikhay para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya – kabilang na ang pagpapaaral sa limang mga anak.

“Mahirap talaga. Talagang said na said ang kinikita namin lalo pa nga’t nagkakasabay-sabay ang pag-aaral ng mga anak,” pahayag ni Catalina.

Gayunman, hindi naman daw sila nabigong mag-asawa.

Kung ang gagawing sukatan ay ang pagpapatapos ng mga anak ng kani-kanilang kursong naibigang abutin at makapagtamo ng diploma, masasabi ngang ganap ang kanilang tagumpay at kasiyahan. Dalawa sa kanilang mga anak ay tapos na ng pag-aaral sa kolehiyo,  ang ikatlo ay nasa ikalawang taon na sa Nueva Ecija University of Science and Technology-Sumacab campus sa lunsod ng Cabanatuan sa kursong Industrial Technology, ang ikaapat ay nasa unang taon sa hayskul, at ang bunso ay nasa huling taon na sa elementarya.

Ang maganda, wala sa kanilang mga anak ang naranasang mahinto sa pag-aaral.

“Magandang diskarte sa buhay ang nangyari sa amin,” pagmamalaki ni Catalina.

Sinabi niyang ang pinaghuhugutan niya ng tatag ng loob at malalim na pananalig na matatamo ang pangarap ay ang gabay na sinabi ng kanyang mga magulang noon. Kahit anong bigat daw ang maranasan sa pagpapa-aral ng anak ay huwag susuko sa paghanap ng paraan upang hindi maipagkait ang  karapatang ito sa pagtatamo ng mataas na edukasyon.

Ang magandang diskarte

Sumapi si Catalina at naging opisyal ng Pulong Buli Multi-Purpose Cooperative (PBMPC) nang taong 1998. Ito ang naging daan niya sa pagkakaroon ng  oportunidad upang masuportahan ang lumalaking pinansyal na pangangailangan ng mga anak na nag-aaral.

Isang gatasang kalabaw mula sa Philippine Carabao Center (PCC) ang naipagkaloob sa kanya. Mga ilang buwan lang ay nanganak ang kalabaw at nagsimula ang kanilang paggagatas at pagbebenta ng gatas.

“Tuwing alas-kuwatro ng umaga ay gumigising na kaming mag-asawa at ginagatasan ang alaga naming kalabaw. Alam namin na kung aasa lang kami sa pagtatanim, kakapusin talaga dahil sabay-sabay nga ang pangangailangan ng mga anak naming nag-aaral,” ani Catalina.

Sa paglipas ng mga taon, naging 14 ang inaalagaan nilang gatasang kalabaw. Ang maganda pa, naging matibay nilang sandigan ang natatanging programa ng kanilang kooperatiba ukol sa pagkakaloob ng tulong na pinansiyal.

“Nakatulong ng malaki ang educational loan program ng aming kooperatiba,” pahayag ni Catalina.

Sa ilalim ng programang ito, na kabilang siya sa mga bumalangkas noong 1992 bunsod ng ipinanukala noon at pinagsikhayang mabuo sa pamamagitan ng tagapangulo nilang si Primo Natividad, ang mga kasapi na may mga  anak na hindi makapag-aral dahil sa kakapusan ng panustos, ay pagkakalooban ng tulong.

“Sa ilalim ng programa, babayaran ng kooperatiba ang  matrikula ng anak ng miyembro na humiling na mabiyayaan. Bukod dito, Php700 kada linggo ang ipauutang bilang panggastos sa eskwelahan ng mga tinutulungang mag-aaral,” paglalahad ni Catalina.

Pag-aaral mula sa lebel na elementarya hanggang kolehiyo ang nakalaang panustos.

“Isang porsiyento lamang ang patong na interes sa inutang mula sa educational loan program ng aming kooperatiba. Ang pagbabayad ay nakadepende sa nanghiram. Hindi siya inoobliga ng kooperatiba pero siyempre tungkulin ng miyembro na huwag kalilimutan ang kanyang pananagutan. Kapag nakaluwag-luwag siya’y dapat na kusang magbayad,” pagsasalaysay ni Catalina.

Aniya, dapat buhay na buhay ang tunay na kahulugan ng pagtutulungan at mataos na katapatan at pananagutan para magpatuloy sa kanyang buhay at pagsulong ang koopertatiba.

Sa pag-aaral ng kanilang mga anak, pagtatapat ni Visda, sadyang malaki ang papel na ginampanan ng programa nilang ito sa kooperatiba. Naging magaan para sa kanila ang benepisyong hatid ng nabanggit na programa ng PBMPC, aniya.

“Kaya naman, bilang miyembro at opisyal pa nga ng aming kooperatiba, sinusuklian ko ng mahusay na pakikisama at pagtulong para manatiling maayos ang estado ng operasyon ng aming samahan,” ani Catalina. “Sa paraang ito, nakapagbabalik ako ng kagandahang-loob na ipinadama sa akin ng koop,” dugtong niya.

Pagtutulungan

May sarili nang pamilya si Raphael, panganay na anak ni Catalina.  Gayunman, tumutulong pa rin siya sa mga gastusin ng tatlo pang nag-aaral na kapatid. Siya’y kasalukuyang tagapamahala ng isang kompanya na nagbebenta ng motor sa Laur, Nueva Ecija. Kursong Business Administration ang kanyang natapos.

“Sabi niya sa ‘kin, kahit na may pamilya na siya, basta mayroon ay hindi siya mag-aatubiling magbigay,” ani Catalina. “Maliit pa naman daw ang kanyang anak at gusto niyang makatapos din ang kanyang mga kapatid na nag-aaral pa,” dagdag niya.

Si Paul John, na sumunod kay Raphael, ay nakatapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology at nagtatrabaho na rin.  Nakapag-aabot na rin ito ng tulong sa pagbili ng pangangailangang pang-araw-araw  sa kanilang bahay.

Sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon si Catalina, kanyang sinasabi sa kanyang mga anak na nakatulong sa kanila ang mga gatasang kalabaw at ang smga ito ay kanilang yaman, ang tagapagpausad ng kanilang kabuhayan, na nagtaguyod sa kanilang lahat. Dapat aniya na hindi lamang ito alagaan kundi pakamahalin.

Sinabi rin ni Catalina na hindi naman parang naging pensiyonado ang dalawa nilang anak na sina Raphael at Paul John. Naging katuwang sila sa pagsasakate, pagpapakain, pagsusuga at pagpapaligo sa kanilang mga alagang kalabaw, paliwanag niya.

“Si Philip ko ay mahilig magkutingting ng makina at mga gamit sa bahay. Balak yatang kumuha ng kursong automotive. Ang bunso naman naming si Catherine ay pangarap maging nars,” saad ni Catalina.

Inspirasyon

Sa kanilang lugar sa Pulong Buli, ibinabahagi ni Catalina ang kanyang istorya sa tuwing tatanungin siya kung paano niya napagsabay-sabay na pag-aralin ang mga anak. Lagi niyang itinutugon ang pagtitiyaga at kaisipang naroroong laging may paraan sa bawa’t problema.

Aniya, walang pagsubok sa buhay na hindi kayang lagpasan basta’t ilagak lamang ang lahat ng ito sa Panginoong Diyos na may-akda ng lahat.

 “Wala namang nag-alinlangan sa magandang hangarin ng PCC na makatulong sa pag-aangat ng kabuhayan ng magsasaka mula sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw,” pagbubuod ni Catalina. “Ako, hindi ko pinanghihinayangang sumubok sa gawaing ito.”

Idinagdag pa niya: “Ang nakapanghihinayang ay ‘yong hindi ka pa man sumusubok ay sinasabi mo na agad na isa itong mahirap na gawain.”

 

Author

0 Response