Mindanao: Bangan ng mga pagkain, isla ng mga oportunidad

 

Pangalawa sa pinakamalaki sa tatlong isla ng bansa, kilala ang Mindanao sa mga natatanging produktong agrikultural, lalo na ng pagkain, na iniluluwas sa ibang bansa. Bantog din ito sa mga pook turismo at higit sa lahat, “ito’y isla ng mga oportunidad para sa kaunlaran”.

May sukat na 104,630 kilometro kuwadrado, ito’y bulubundukin. Sa sampo nitong bulubundukin,  ang pinakakilala ay ang Mount Apo na sa taas na 2,964 metro ay siyang pinakamataas  na taluktok sa buong bansa.

Ito ri’y napaliligiran ng apat na karagatan na binubuo ng Sulu Sea sa kanluran, Philippine Sea sa silangan, Celebes Sea sa timog, at ng Mindanao Sea sa hilaga. Dito rin matatagpuan ang Philippine Deep, isang trinsera na may lalim na 10,575 metro (34,696 talampakan) na siyang pangatlo sa pinakamalalim sa balat ng lupa na kasunod  ng Mariana Trench at Tonga Trench.

Sa lupaing agrikultural nito, inaani ang iba’t ibang produkto – hindi lang palay, mais, mga gulay kung hindi mga prutas at iba pa na sadyang matatawag na “export quality”. 

Ang pinakamalaking lunsod sa buong Mindanao ay ang Davao City na ngayo’y pamosong-pamoso dahil dito nanungkulang alkalde sa mahabang panahon ang ngayo’y pangulo ng bansa - si Pangulong Rodrigo Duterte. Ang lunsod na ito ay nagiging sentro ng mga kumbensiyon, seminar, exhibition, at iba pang pagtitipon. 

Sa lunsod ding ito masaganang inaani ang “hari ng mga prutas” – ang Durian na kung turinga’y  “mayroong amoy na tila impiyerno nguni’t may lasang makalangit” at ayon sa mga eksperto ay nagtataglay ng mga kabutihang pang-nutrisyon ng katawan. 

Mula rin sa Mindanao ang kasalukuyang kalihim ng agrikultura – si Emmanuel Piñol. Siya’y kilala bilang manunulat, broadkaster, at isang agrikultor. Naging gobernador ng Cotabato sa loob ng siyam na taon at bise gobernador ng tatlong taon, napaunlad niya ang Cotabato bunga ng programa sa patubig at “bottom-up planning” na lumundo sa pagtatanim ng rubber, palm trees, at niyog. Bunga nito, bumaba ang poverty incidence ng Cotabato mula 41.6% hanggang sa 25.6% at naiahon ito sa “poverty trap”.  

Kasunod ng Davao City bilang pinakamataong lunsod sa Mindanao ay ang Zamboanga City, Cagayan de Oro City, at General Santos City.

Nahahati sa anim na rehiyon ang buong Mindanao, gaya ng sumusunod:

Zamboanga Peninsula (Region 9).

Dating kilala bilang Western Mindanao at dating isang prubinsiya lamang na kung tawagin ay Zamboanga, ito’y binubuo ng mga lunsod ng Zamboanga,  Dapitan, Dipolog, Pagadian  at Isabela at ng mga lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay. Ang sentrong administratibo ng rehiyong ito ay Pagadian City.  (Populasyon: 3,629,783).

Northern Mindanao (Region 10).

Sakop nito ang mga lunsod ng Cagayan de Oro at Iligan at ang mga lalawigan ng Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, at Misamis Oriental. Ang sentrong administratibo nito ay Lunsod Cagayan de Oro. (Populasyon: 4,689,302).

Davao Region (Region 11). Kilala noon bilang Southern Mindanao, ito’y binubuo ng Davao Oriental, Davao del Norte, Davao Occidental, Davao del Sur, at Compostela Valley at ng Davao City. Sakop din nito ang Davao Gulf, ang Isla ng Samal at Sarangani Islands. Davao City ang sentrong administratibo nito. (Populasyon: 4,893,318).

Soccsksargen (Region 12).

Dating Central Mindanao, ito’y binubuo ng mga lalawigan ng Cotabato, Sarangani, South Cotabato at Sultan Kudarat at ng Lunsod ng Cotabato at Koronadal.  Ang pangalan ng rehiyong ito ay mula sa mga pangalan ng prubinsiya at ng mga lunsod sa rehiyon. Ang Koronadal City sa South Cotabato ang sentrong administratibo ng rehiyon samantalang ang General Santos City ang sentrong komersiyal, industriyal at ekonomiya. (Populasyon: 4,545,276).

Region (Region 13).

Ito’y binubuo ng lunsod ng Butuan City at mga prubinsiya ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands. Ang Butuan City ang sentrong administratibo. Sakop din nito ang mga kanugnog na Siargao Island at Bucas Grande Island.

Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Isang espesyal na rehiyon na binubuo ng mga teritoryong pinanahanan ng maraming Muslim, sakop nito ang mga lalawigang nasa Sulu Archipelago na Basilan, Sulu at Tawi-Tawi. Ang lunsod ng Cotabato, bagama’t hindi bahagi ng ARMM ay siyang sentrong administratibo ng rehiyon. Ang rehiyong ito ay mayroong sariling gobyerno na hindi katulad ng ibang rehiyon ng bansa. (Populasyon: 3,781,783.)

Ang mga bahagi ng timog-kanluran ng grupo ng isla ng Mindanao, lalo na ang prubinsiya ng  Maguindanao, Basilan, Lanao del Sur, Sulu, at Tawi-Tawi ay pinananahanan ng malaking bilang ng mga Muslim.

Sa Mindanao din matatagpuan ang pangalawang pinamalaking lawa ng bansa– ang Lake Lanao (34,000 ektarya) na kasunod ng Laguna Lake sa Luson (93,000 ektarya).

Sa Mindanao din, sa Iligan City, matatagpuan ang pinakamataas na talon (waterfalls) sa bansa – ang Limunsudan Falls at ang isa pang talon – ang Tinago Falls na “nakatago sa malalalim na bangin”. Gayunman, sa lunsod ding ito, na tinaguriang “City of Majestic Waterfalls” dahil sa 20 talon nito, matatagpuan ang Maria Cristina Falls na may “sakdal ganda”. May taas na 98 metro, ito’y tinatawag ding “twin waterfalls” dahil ito’y hinahati ng isang malaking bato.

Sa Dapitan City naman ay pinagdarayo ang “Rizal Shrine”.

Itinuturing na “food basket” ng Pilipinas ang Mindanao. Tinatayang mahigit sa 500,000 ektarya nito ay inilaan para pagtamnan ng mga produktong pang-eksport at ginawan ito ng maraming programa para sa  higit pang mga kapakinabangan.

Sa talaan ng mga iniluwas na produkto ng Pilipinas sa ibang bansa nang nakaraang mga taon ay kabilang ang coconut oil, sariwang saging, ilasong tuna, matamis, isinadelatang pinya, dessicated coconut, copra oil, meal at copra, sugpo, at kape. Karamihan sa mga ito ay mula sa Mindanao.

May kontribusyong 14 na porsiyento sa gross domestic product (GDP) ng bansa, ang employment rate ng Mindanao ay pinakamataas sa ibang rehiyon sa larangan ng agrikultura na may antas na 48.8 porsiyento.

Ang mga rehiyon ng SOCSKSARGEN, Northern Mindanao, Zamboanga, ARRM, Davao, at Caraga ay kilala sa produksiyon ng palay, barley, mais, pinya, at niyog at gayundin ng kape at rubber.

Dalawang kumpanya na multi-national na nasa Mindanao, ang Dole at Del Monte, ay nagluluwas sa ibang bansa ng 20 porsiyento ng saging, sariwang mga prutas at gayundin ng naka-delatang pinya.

Sa ilalim ng Mindanao Development Authority, binuo ang “Development Framework Plan” na pormularyo ng  pagtatagumpay na “peace+energy= prosperity”. Sa planong ito, nakasaad ang pag-aanyaya sa pagbisita at paglahok sa mga gawaing agrikultural, paigtingin ang kampanya sa pagtatamo ng kapayapaan sa pakikipagkapit-bisig sa iba’t ibang organisayon at itanghal ang malaking oportunidad na pang-eknomiko.

Sa panig ng Philippine Carabao Center (PCC), patuloy na pinaiigting nito ang pagpapalaganap ng Carabao Development Program sa Mindanao. Ito ay may panrehiyong tanggapan sa Bukidnon, Cotabato, Lanao Del Sur at sa Zamboanga del Norte.

Patuloy na kumakaway ang Mindanao na noon pa ma’y tinagurian nang “Lupang Pangako”.

 

Author

0 Response