Istorya ng isang pamilya sa Bulacan Pag-asang makatapos ng pag-aaral, umasenso sa buhay abot-kamay sa negosyong paggagatasan

 

Walang hanggan ang lalong mataas na pangarap sa buhay para kay Bernadette Dela Cruz, 24, ng Diliman 1, San Rafael, Bulacan. Nadarama niya, tulad ng ipinahihiwatig ng kanyang pangalang hango sa pangalan ng hayop na may angking tapang at kakayahan, na hindi siya mabibigo.

Ang pangalang Bernadette, ayon sa website ng Baby Names Pedia, ay mula pa sa ninuno ng mga Aleman. Ito ay hango sa mga salitang “ber” at “hart” na ang ibig sabihin ay “brave as a bear” o may taglay na katapangang katulad ng isang oso.

Nagtapos ng  kursong Bachelor of Science in Food Technology, siya ay laboratory analyst sa isang kumpanyang gumagawa ng mga pampalasa sa pagkain. Sumusuweldo siya ng mahigit Php12,000 sa isang buwan.

Pangarap niya ngayon, dahil na rin sa natamong paglawak ng kanyang pang-unawa sa daigdig ng pagnenegosyo, na pagkatapos ng kontrata niya sa kumpanyang pinapasukan ay magtayo na ng sariling negosyo.

Ang naiisip niyang pasuking negosyo? 

Ito’y walang iba kundi ang pag-aalaga ng gatasang kalabaw at mga negosyong nakasalig sa kalabaw lalo na ang pangunahin nitong produkto na gatas.

“Balak ko na magtayo ng negosyo na may kaugnayan sa paggagatas at nais ko itong mapalago. Dahil graduate naman ako ng food technology, balak ko na magdebelop ng mga produkto mula sa gatas ng kalabaw. Dito sa negosyong ito kami nagsimula at umasenso, kaya naman naniniwala akong mapagtatagumpayan ko rin ito,”pahayag ni Bernadette.

Hindi lang siya ang nakatapos ng pag-aaral dahil sa alagang kalabaw ng kanilang pamilya. Ang kanyang kapatid na si Jherico Dela Cruz, 20, ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Animal Science sa Bulacan Agricultural State College at ngayo’y nag-aapplay na papuntang Amerika.

Kahirapan sa buhay

Batay na rin sa pagsasalaysay ni Bernadette,  noong wala pa silang mga inaalagaang gatasang kalabaw, palibhasa’y mga tapos lang ng elementarya ang kanyang ama na si  Bernardino, 50, at inang Evangeline, 49, hirap na hirap na iusad ang kanilang buhay at maging ang kanilang pag-aaral.

Nang siya ay nasa elementarya, dahil sa ang tanging pinagkakakitaan ng kanyang ama ay pamamasada ng tricycle, Php10 lang ang nagiging baon niya sa pagpasok araw-araw.

“Kadalasan nga, naiinggit ako sa iba kong kaklase kasi marami silang pera samantalang kami ay kaunti lang. Hindi ko tuloy mabili ‘yong gusto kong bilhin,” paglalahad ni Bernadette na kinapansinan ng panggigilid ng luha dahil sa emosyong bumalot sa kanyang kalooban.

Tulad ni Bernadette, ang kanya ring kapatid na si Jherico ay nakaramdam din ng minsang pagka-inggit sa estado ng pamumuhay ng mga kaklase nito.

“Naiinggit po ako sa mga bag ng mga kaklase ko noon, karamihan po kasi sa mga bag nila noon ay ‘yong de-gulong. Hihilahin mo na lang, hindi ka na mahihirapang magbuhat ng bag mo. Gusto ko sanang magkaroon ng ganoon pero wala naman kaming perang pambili,” salaysay naman ni Jherico.

Ayon naman sa kanilang amang si Bernardino, masakit man sa kanyang loob na hindi niya maibigay lahat ng gusto ng mga anak ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa noon na balang araw ay makaaahon din sila sa kahirapan.

“Sinasabi ko sa kanila na gamitin muna nila ulit ‘yong mga pwede pa nilang gamitin sa susunod na pasukan. Huwag na muna silang bumili, ‘ika ‘ko,  ng bago kung pwede pa namang gamitin ang luma kasi nga gipit kami talaga,” wika niya.

Sariwa pa sa kanyang ala-ala ang mga panahong kahit maghapon siyang mamasada ng tricycle ay isa hanggang dalawang kilong bigas lang ang naiuuwi niya para sa kanyang pamilya.

“Kulang na kulang ‘yong kinikita ko, malaki na ang Php200 na kita ko sa pamamasada noon. Naranasan din naming mangutang sa 5-6 at halos wala nang makain. Pero hindi ko naman pinababayaan na hindi makakain ‘yong mga anak ko, kaya kahit masama ang pakiramdam ko, namamasada pa rin ako para mairaos ang bawa’t araw,” ani Bernardino.

Aniya pa, hindi sumagi sa isip niya na pahintuin ang mga anak niya sa pag-aaral dahil nakita rin niya ang dedikasyon at interes nila dito.

Batay naman sa kanyang asawang si Evangeline, sa hirap ng buhay ay napilitan silang ibenta ang kaisa-isa nilang native na kalabaw dahil nagkasakit si Bernadette at kailangan ng pampagamot.

“Noong wala pa kaming gatasang kalabaw, madalas din kaming mag-away noon ng asawa ko dahil mainitin ang ulo ko dahil wala nga kaming pera,” wika niya.

Pero ang lahat ng mga malulungkot na karanasan na tulad nito ay nagbago nang si Bernardino ay mahikayat ng Philippine Carabao Center sa Central Luzon State University (PCC at CLSU) na sumuong sa pag-aalaga ng kalabaw.

Pagsisimula

Taong 2001 nang mapili si Bernardino bilang isa sa mga benepisyaryo ng “25 dairy cow module” ng PCC. Dahil sa kanyang kwalipikasyon bilang miyembro ng Diliman 1 Dairy Farmers Association, siya ay nakatanggap ng isang gatasang kalabaw.

Hindi nagtagal, si Bernardino rin ang napili ng mga opisyales ng asosasyon na tumanggap ng mga isinauling kalabaw ng mga miyembro.

Ayon kay Bernadette, nang magpasimula nilang gatasan ang kanilang mga alagang kalabaw, nagsimula na ring sumuong sa paggawa ng pastillas ang kanyang ina na tinutulungan naman niyang itinda sa kanilang eskwelahan.  Ang kanyang napagbibilhan ay naipandaragdag sa baon niya at ng kanyang kapatid.

“Noon na rin nakita ng aming mga magulang ang bastanteng mapagkukunan ng pambayad sa mga gastusin namin sa eskwela. Hindi na rin sila nangungutang basta ipaaalam lang namin sa kanila nang mas maaga na may babayaran kami,” salaysay niya.

Mga ilang taon ding naghintay at nagtiyaga ang pamilya Dela Cruz bago nila tuluyang nalasap ang masasabing pagkakaroon ng kaginhawaan sa buhay.

Pagdami ng kalabaw

Umabot sa 10 kalabaw ang inaalagaan ni Bernardino nang magkolehiyo na ang kanyang mga anak. Apat dito ang kanyang ginagatasan na nagbigay naman ng kita na hindi bumababa sa Php1,000  sa isang araw.

Sa isang kalabaw ay nakakokolekta siya ng lima hanggang anim na litro na ipinagbibili naman niya sa halagang Php55 kada litro sa isang bakeshop at restaurant sa may Baliuag, Bulacan. Nagbebenta rin siya ng mga lalaking kalabaw.

Nguni’t ‘di tulad ng iba na kapag may umaakyat nang pera ay pumapalaot na sa pagpapasarap sa buhay, nagsikap silang mag-impok bilang magagamit na puhunan sa ibang negosyo. Sa kalaunan, sila ay nakapagpundar ng dalawang pamasadang taxi at dalawang tricycle. Nainut-inot din nila ang pagpapaayos ng kanilang bahay at pagbili ng mga pangunahing gamit sa bahay at appliances.

Bumagay naman ang tandem ng mag-asawa dahil si Bernardino ay masipag habang si Evangeline naman ay masinop at matipid. Alam nila kung paano paiikutin at pangangasiwaan ang kinikita nilang pera mula sa pagkakalabaw.

“Pero ang totoo sa buhay, batay na rin sa aming karanasan, kahit gaano kalaki ang kita mo kung wawaldasin mo naman ay wala rin. Sa Php1,000 na kinikita namin, ‘yon lang mga pangangailangan ang  ginagastusan namin at talagang nag-iimpok kami,” paliwanag ni Bernardino.

Dagdag pa niya: “Marami ngang nakapapansin sa’kin, bakit daw ako nagpapakahirap sa kalabaw? Ang sabi ko naman, ‘and’yan ang pera namin, d’yan kami nabubuhay. D’yan ako nagsimula at ‘di ko ‘yon kalilimutan.”

Noon, ang bahay nila ay maliit lamang na may isang payak na balangkas at hallow blocks ang dingding pero walang palitada. Ngayon, napalaki na nila ito. Ang sahig ay baldosa, ang dingding ay makinis at may pinturang berde, kumpleto ang appliances, tatlo ang kuwarto at may nakabiting chandelier sa gitna ng salas. Sa kabuuan, napakaaliwalas ng tahanan ng pamilya Dela Cruz na tulad din ng kanilang samahan na pinaalwan ng kumikitang kabuhayan sa paggagatas.

Taong 2012, pinarangalan ng PCC bilang “Best Dairy Buffalo Farmer” si Bernardino dahil sa ipinamalas nitong kasigasigan at kasipagan sa pag-aalaga ng kalabaw.

“Nakatataba lang ng puso na kahit na elementarya lang ang natapos ko e posible rin pala na makaakyat ako sa entablado, humarap sa maraming tao at makatanggap ng ganitong award. Hindi ‘yon matutumbasan ng pera dahil panghabang buhay ko itong karangalan,” ani Bernardino.

Ayon naman kay Mildred Ramos ng PCC sa CLSU, tungkulin ng center na magbigay ng tulong-teknikal tulad ng artificial insemination, pagpupurga, pagbibigay lunas sa problema sa kalusugan ng mga kalabaw, marketing, pakikipag- ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno, at tuluy-tuloy na pagtuturo at pagmomonitor sa mga maggagatas na tulad ni Bernardino.

Sabi pa rin ni Bernardino, malayo na nga ang kanilang narating dahil sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw. Noong namamasada siya kahit maghapon, kaunti lang, o kaya’y di-tiyak kung kikita nga siya. Pero ngayon, pagkatapos na asikasuhin ang kanyang mga kalabaw at iba pang kaugnay na gawain, nakapamamahinga na siya ng ilang mga oras at may sigurado pa siyang kita. 

“Noon, kilu-kilong bigas lang ang nabibili ko para sa pamilya ko. Ngayon, may pambili na ako ng saku-sakong bigas,” sabi ni Bernardino.

Suporta sa pag-aaral

Nakatulong ang kita nila mula sa pagkakalabaw upang matustusan ang pambayad sa matrikula ng mga anak nila, allowances, mga libro at lahat ng iba pang gastusin sa eskwelahan.

“Noong kumikita na talaga kami, Php100 na ‘yong baon nila, minsan sinosobrahan ko pa. Hindi naman sila maluluho, kaya talagang ginanahan kaming pagtapusin sila ng pag-aaral,” ani Bernardino.

Tatlong taon namang naging scholar si Bernadette noon sa kolehiyo kung kaya’t kalahati lang ng matrikula niya ang kailangang bayaran. Umabot noon sa mahigit na Php15,000 sa isang taon ang matrikula nilang magkapatid.

Para kay Bernardino, ang edukasyon ay isang karangalan na kailanman ay hindi matutumbasan ng anuman. Ito, aniya, ang susi ng bawa’t isa tungo sa magandang kinabukasan.

Inani na nga nina Bernardino at Evangeline ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan. Nagtagumpay sila na mapagtapos ng pag-aaral si Bernadette noong 2013 habang taong 2016 naman si Jherico.

Nagpapasalamat ang magkapatid sa kanilang mga magulang dahil hindi sila binitiwan at sinukuan na makatapos ng pag-aaral sa kabila ng naging hirap sa buhay.

Sa pananaw ng pamilya Dela Cruz, hindi dito nagtatapos ang buhay sapagka’t nasaksihan nila na may asenso sa kabila ng kahirapan. Umaasa sila na magiging halimbawa sa iba ang kwento ng kanilang buhay.

“Hindi dapat maghirap ang Pilipino. Basta’t masikap, matipid, at may mahusay na pangangasiwa, ang lahat ay may pag-asang umunlad,” ani Bernardino.

At si Bernadette, sapat ang naging pundasyon niya sa mga katangiang kailangan para sa pag-angat sa buhay. Sapat din ang kanyang edukasyon at pananaw ukol sa magandang negosyo. Hindi malayo, maaabot niya ang pinatayog niyang pangarap sa buhay.

Si Jherico, malamang na isang araw ay palipad na siya sa bansang pangarap na patunguhan para sa magandang gawain at pagtatamo rin ng sariling kinabukasan.

 

Author

0 Response