Sabi ni Nanay Ana, 76, ng South Cotabato ‘Malakas, masigla ako… Salamat sa gatas ng kalabaw’

 

Sa gulang na 76, si Ana Fulgar ng Sto. Niño, South Cotabato, ay kayang-kaya pang gampanan ang mga aktibidades sa pag-aalaga ng kanyang tatlong crossbred (mestisa) na kalabaw. At sa pagdalo sa mga sosyal na gawain ng kanyang grupo, hindi siya nahahapo kahit lima pang sunud-sunod na pagsasayaw ang kanyang isinasagawa.

Kilala bilang si “Nanay Ana” sa kanilang lugar, siya’y isang aktibong miyembro ng Sto. Niño Dairy Farmers Association (SANDAFA) na inaasistehan ng Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (PCC@USM).

Ang kanyang sikreto? Umiinom siya ng kulang isang litrong gatas araw-araw mula sa nakokolekta sa kanyang isang ginagatasang crossbred.

Ayon sa kanya, hindi lamang siya ang umiinom ng gatas ng kalabaw. Maging ang kanyang asawang si Lorito Fulgar, 90, ay na-engganyo na rin niyang uminom nito at pati na ang kanyang mga apo sa tuwing magbabakasyon sa kanila.

“Noong una, ako lang muna ‘yong umiinom ng gatas. Pero sa kagustuhan kong makumbinse ang asawa ko, pa-sikreto kong nilalagyan ng gatas ng kalabaw ‘yong iniinom niyang kape tuwing umaga,” salaysay ni Nanay Ana.

Aniya pa: “Hindi naman naglaon ay nabisto rin niya ako na nilalagyan ko ng gatas ng kalabaw ‘yong kape niya. Hayun, nagustuhan na rin naman niya kasi mas malinamnam daw kaysa commercial na gatas.”

Itinuturing niya na ang gatas ng kalabaw ang dahilan kung bakit nananatili siyang malakas at masigla. Nakakaya pa niya, aniyang, hilahin ang mga crossbred niyang kalabaw patungo sa kanilang pastulan. Ito  ay itinuturing na rin niyang isa niyang ehersisyo.

“Nang magsimula akong uminom ng gatas ng kalabaw, gumaan ang pakiramdam ko at hindi na masyadong sumumpong ang arthritis ko. Kaya itinuluy-tuloy ko na,” paglalahad ni Nanay Ana.

Taong 2013 nang magsimulang uminom ng gatas ng kalabaw si Nanay Ana. Ito ay nang matiyak niyang marami ngang makukuhang gatas sa kalabaw na crossbred.

Pinatotohanan naman ito ni Jose Ricky Perida, kapwa miyembro niya sa SANDAFA at isang village-based artificial insemination technician, na siya ang nagsabi sa mag-asawang Nanay Ana at Lorito na maraming gatas ang ibinibigay ng crossbred na kalabaw. Noon kasi, di pa nila ganap na tanto ang kahalagahan ng  kalabaw na crossbred sa pagbibigay ng maraming gatas.

Si Perida ang siyang tumulong para ang mga native na kalabaw ng mag-asawa ay mabigyan ng artificial insemination para magkaroon ng lahing gatasan.

“Noong naglakbay-aral kami sa PCC@USM, sumama silang mag-asawa. Nagkaroon kami ng kaunting salu-salo doon. May sayawan at kantahan. Silang mag-asawa ay lumahok sa pagsasayaw at kahit nakalimang palit na ng tugtog ay sumasayaw pa rin sila. Tila wala silang kapaguran,” natutuwang pahayag ni Ricky.

Sa pag-aaral na isinagawa ng PCC, napatunayang ang gatas ng kalabaw ay may ibayong kabutihan kaysa iba pang uri ng gatas, maliban sa gatas ng tao. Ayon dito, mas mababa ang cholesterol content nito, higit na maraming taglay na mineral at calcium, at mas mayaman sa protina, bitamina, at sa enerhiya. Dahil dito, itinuring na rin itong isang “pinakakumpletong pagkain”.

Mainam din itong suplementong pagkain para sa mga lumalaking bata at matatanda, ayon pa rin sa isinagawang pag-aaral. 

Simpleng pamumuhay

Nagtitinda lamang noon ng isda sa palengke si Nanay Ana. Sa kalaunan, nadagdagan ang kanyang kinikita nang sumuong din sila ng kanyang asawa sa pag-aalaga, pagpaparami at pagbebenta ng kalabaw.

Sa pagdating ng programa ng PCC na ukol sa pag-aangat ng lahi ng kalabaw, hindi nag-atubili ang mag-asawa na lumahok dito hanggang magkaroon na nga sila ng mga crossbred na kalabaw. Ayon sa kanya, nakapagbenta sila noon ng hanggang anim na crossbred na kalabaw. Nasa halagang Php35,000 naman ang benta bawa’t isa lalo na kung ito’y buntis.

Hindi naglaon ay napagtapos din nilang mag-asawa sa pag-aaral ang kanilang anim na anak dahil sa pagbebenta ng mga kalabaw at sa pagtitinda ng isda. Ngayon ay ganap nang mga propesyonal ang kanilang mga anak.

Taas-noo naman niyang ipinagmamalaki ang kasalukuyang trabaho ng kanilang mga anak. Ang panganay niya ay isa nang judge sa Saranggani Province, ang pangalawa ay isang guro sa South Cotabato, ang pangatlo ay isang mechanical engineer, ang pang-apat ay associate electronic engineer sa General Santos, ang panlima ay manager sa kumpanyang gumagawa ng pineapple juice, at ang kanyang bunso naman ay isang supervisor sa kumpanya ng isang softdrinks.

Masasabi ngang “mayaman” sa mga anak si Nanay Ana at ang kanyang asawa dahil sa tagumpay na nakamit ng kanilang mga anak.

Pero maidaragdag pa rin na nakatagpo rin sila ng ibang “kayamanan” – ang kanilang magandang kalusugan.

“Nagpapasalamat kami na natutunan namin na sadyang marami ngang gatas na ibinibigay ang crossbred na kalabaw. Bukod sa may naibebenta kaming gatas, may naiinom pa kami araw-araw,” sabi ni Nanay Ana.

Ngayon, pati mga apo nila, aniya, ay labis na ring nagugustuhang uminom ng gatas ng kalabaw.

Ayon kay Nanay Ana, nais ng kanyang mga anak na patayuan sila ng malaking bahay. Pero ayaw niya. Sabi niya’y hindi nila iiwan kung ano ang mayroon sila ngayon dahil ang gusto lamang nila ay magkaroon ng simple at komportableng buhay at maliit na bahay na may katabing kulungan ng kalabaw.

Sa kanila namang asosasyon, litaw na litaw ang pangalan ni Nanay Ana at Tatay Lorito.

“Kami ang palaging ginagawang ehemplo sa asosasyon namin. Nakikita kasi nila na kahit may edad na ay aktibo pa rin kami at masigla sa pag-aalaga ng kalabaw. Plano namin ngayon na paramihin pa ang mga crossbred na babaing kalabaw namin para lalo pang dumami ang aming inaaning gatas,”  pagtatapos ni Nanay Ana.

 

Author

0 Response