PCC sa Mindanao, matatag sa pagsusulong sa Carabao Development Program

 

Sa buong Mindanao, tatlo ang mga tanggapan ng Philippine Carabao Center (PCC). Ang mga ito’y sa Mindanao Livestock Production Complex na tinatawag na PCC@MLPC; sa Central Mindanao University (PCC@CMU); at sa University of Southern Mindanao (PCC@USM).

Katulad ng iba pang mga tanggapang panrehiyon ng ahensiya sa Luzon at sa Visayas, ang mga ito’y masidhi ring nagsusulong sa Carabao Development Program (CDP) na siyang lundo ng pagsisikap ng PCC.

Masidhi rin ang mga ito sa pagganap ng kanilang mga tungkulin upang tugunan ang mga mandatong iniatang sa PCC sa bisa ng Republic Act 7307 na mas kilala sa tawag na “Philippine Carabao Act of 1992”.

Ang mga gampaning ito’y gaya ng sumusunod:

•pagyamanin, paramihin at palaganapin ang kalabaw bilang mapagkukunan ng lakas-hayop, gatas, karne at katad;

•bigyang kapangyarihan ang mga magsasaka lalo na ang mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), na mapakinabangan ang kalidad ng lahi ng kalabaw sa makatuwirang halaga;

• magsagawa ng paglilipat ng teknolohiya sa pag-aalaga at produksiyon ng kalabaw at sa pagproseso ng kanilang karne at gatas;

•hikayatin  ang dairy development sa mga kanayunan;

•magsagawa ng pananaliksik sa pagpapaunlad ng kalabaw, at

•palaguin ang taunang pagpaparami ng populasyon ng kalabaw.

Sa programa sa CDP,  nakatutok ang mga pagsisikap sa pagpapataas ng uri at lahi ng kalabaw sa bansa. Nakapailalim sa programang ito ang mga proyekto ng ahensiya na gaya ng artipisyal na pagsesemilya sa kalabaw; pagpapahiram ng bulugan;  pagkakatiwala sa mga magsasaka ng gatasang kalabaw para sa kaukulang pagmomodelo sa panggagatasan, at pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga  produkto at negosyong nakasalig sa kalabaw.

Mga hamon sa Mindanao

Nguni’t, kaiba sa ibang mga panrehiyong sentro ng PCC, ang tatlong sentro ng PCC  sa Mindanao ay mayroong mga  kinahaharap na malalaking suliranin o hamon sa pagpapatupad ng CDP.

Ilan sa mga suliraning ito,  ayon kay Dir. Benjamin John Basilio, center director sa PCC sa USM,ay ang problema sa peace and order, isa na rito ay ang hindi nasasawatang nakawan ng kalabaw.

“Gusto mang paramihin ng mga magsasaka dito sa amin ang mga kalabaw nila ay ‘di nila ito magawa”, ani Dir. Basilio. “Ang dahilan nga ay yaong mga insidente ng nakawan ng  kalabaw na nagpapahina ng loob ng mga magsasaka para paramihin ang kanilang mga kalabaw,” dagdag niya.

Idinagdag pa niya:

 “Kung minsan nga, mayroong mga magsasaka dito na nakikita niya ‘yong kalabaw niya na hinihila ng limang lalake. May baril man siyang dala ay wala siyang magawa dahil nakikita niyang armado rin ang tumatangay ng kanyang kalabaw. Hinahayaan na lamang na makuha  ng mga lalake ‘yong kalabaw niya kaysa naman mapahamak pa siya.”

Ayon naman kay Jeffrey Rabanal, science research specialist at pinuno ng grupong nagsasagawa ng artificial insemination (AI) sa PCC sa USM, kahit alam nilang maraming breedable female animals sa ilang  lugar, hindi sila makapunta dahil alam nilang  pugad iyon ng Moro Islamic Liberation Front o kaya naman ay New People’s Army (NPA). Hindi, aniya, madaling magpunta sa lugar na may mga grupong ganoon para isagawa ang kanilang gawain.

“Ganoon pa man, hindi naman kami tumitigil sa aming gawain. Patuloy pa rin naming isinusulong ang programa dahil alam namin na kahit paano ay nakatutulong ito sa mga magsasaka,” ani Dr. Basilio.

Napag-alaman nila, aniya, na kahit bata pa ay naibebenta na ng mga magsasaka ang kanilang ang mga crossbred na kalabaw. Gayunman, mayroon na rin namang  naitutulong sa mga magsasaka dahil mas mahal nilang naibebenta ang kanilang crossbred na kalabaw kaysa sa native na kalabaw.

“Isinusulong din nga naming talaga ang paggagatasan kahit na mahirap na isagawa. Kaya nga, isa nang malaking bagay na kahit papaano ay may nabubuo kaming kooperatiba ng mga nag-aalaga ng gatasang kalabaw dito,” sabi ni Dir. Basilio.

Ipinakikita ng mga datos ng PCC na kaugnay ng mga proyektong ipinatutupad sa ilalim ng CDP sa Mindanao, lumalabas na mula Enero 2015 hanggang Nobyembre 2016, mayroong naisagawang 29,194 na AI services sa iba’t ibang dako; naipahiram na 70   bulugang kalabaw; at 3,509 naipanganak na mga bulo mula sa mga kalabaw na nakapailalim sa proyekto.

Tinukoy niya na ang Sto. Niño Dairy Farmers Association (SANDAFA) ay matagumpay na nabuo at ngayo’y masiglang natatamo ang mga layunin nito. Ang kooperatiba ay matatagpuan sa Sto. Niño, South Cotabato.

Sa kabilang dako, ang PCC@MLPC at PCC@CMU ay maituturing ding may kahalintulad  na karanasan sa PCC@USM.

Bukod sa rito, natukoy ng mga opisyales at mga tauhan ng mga tanggapang ito  na lubhang mahirap din ang pangungumbinsi sa mga magsasaka sa kanilang nasasakupang lugar na magsagawa ng paggagatas sa kalabaw. Pinakamalaking kadahilanan ukol sa bagay na ito, anila, ay ang kagustuhan nila ng agarang kita sa sa pag-aalaga ng kalabaw.

Sa kabila ng mga hamon sa pagkakalabawan sa Mindanao, ipinakikita ng mga datos ng PCC na kaugnay ng mga proyektong ipinatutupad sa ilalim ng CDP sa Mindanao, lumalabas na mula Enero 2015 hanggang Nobyembre 2016, mayroong naisagawang 29,194 na AI services sa iba’t ibang dako; naipahiram na 70   bulugang kalabaw; at 3,509 naipanganak na mga bulo mula sa mga kalabaw na nakapailalim sa proyekto.

Sa produksiyon naman ng gatas, umabot din sa 469,658.75 litro ang inani sa mga gatasang kalabaw sa Mindanao.

Mahirap man, dala ng matitinding problema at hamon, maluwalhating naisusulong ang CDP sa Mindanao, salamat sa pagpupunyagi ng mga opisyales at manggagawa ng PCC sa tatlong sentro nito sa nasabing isla.

 

Author

0 Response