Abot-kamay na magandang bukas

 

Kasapatan sa iba’t ibang pagkain na puwedeng anihin sa pamamagitan ng agrikultura sa bansa.

Ito ang hayag na layunin ng Kagawaran ng Agrikultura. Hindi naman ito napakatayog na layunin sa dahilang may angkin ang bansa ng mga likas na yamang nakalaang gamitin sa produksyon ng iba’t ibang pagkain.

Nguni’t mayroong mga problema sa kabukiran, kabilang na ang pagiging malayo ng puso ng kabataan sa larangan ng agrikultura. Kaya madalas na nasasabi ngayon na nagkaka-edad na ang mga taong nasa larangan ng agrikultura.

Gayunman, hindi naman lubusang wala nang pag-asa na umakit ang agrikultura ng mga kabataan. Sa pagsasaka, marami-rami na rin ngayong kabataan, kabilang na ang mga nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo, ang nae-engganyo na pumalaot sa gawaing ito.

Sa paghahayupan, lalo na sa larangan ng pagkakalabawan, mayroon na ring mga kabataang kusang-loob na nagiging magsasakang-maggagatas.  Tulad ni Moises Alfonso na sumunod sa yapak ng ama at ni Jayson Albay na kusang sumubok sa larangan ng pagkakalabawan.

Nakikita nila na sadyang malaki ang pag-asa at may hatid na magandang bukas ang pagkakalabawan.

Si Moises, 23

Natatandaan pa ni Moises Alfonso, 23, kung paanong nag-umpisa at unti-unting umangat ang kanilang kabuhayan dahil sa gatasang kalabaw. Ito’y dahil sa napagsumikapang paramihin ng kanyang amang si Carlito Alfonso, isang premyadong magsasakang-maggagatas sa San Jose City, Nueva Ecija, ang iilan nilang kalabaw.

Taong 2007 nang magsimulang mag-alaga ang kanyang ama ng kalabaw. Mula sa iilan bilang pagsisimula, umabot sa pito ang gatasang kalabaw ng kanyang ama.

Ito’y bunga ng pagpapahiram ng Philippine Carabao Center (PCC) ng mga alagaing gatasang kalabaw.

Labing-tatlong taon pa lamang siya noon at nag-aaral sa high school. Kapag hindi abala sa pagpasok sa paaralan, siya, kasama ang iba pang miyembro ng pamilya, ay tumutulong sa mga gawaing may kinalaman sa wastong pagkakalabawan.

Dahil siya ang bunso sa tatlong magkakapatid, siya ang naatasan sa pagtatala kung ilang litro ng gatas ang nakukuha nila kada araw at kung magkano ang kinikita nila. Kalaunan, natuto na rin siyang mag-alaga ng kalabaw kaya siya at ang kanyang kuya Herson ang katu-katulong ng kanilang ama sa pag-aasikaso sa kanilang kalabawan.

Nang mag-kolehiyo siya, kumuha siya ng kursong Marine Transportation. Maluwalhati naman niya itong natapos. Nguni’t sa halip na humanap ng gawaing angkop sa kanyang tinapos na kurso, pinili niya ang nakamulatang pagkakalabawan.

Nang magkasakit ang kanyang ama, ang kanyang ina at kuya ang mga pangunahing tumutok sa kanilang kalabawan. Sa bandang huli,  sa kanya na naiatang ang pag-aasikaso sa kanilang mga alagang kalabaw. Ang kanyang nanay naman, para hindi masyadong mabigatan sa mga gawain, ay ang siya niyang inamuking maging tagatala ng kanilang inaaning gatas at kanilang kinikita.

Ngayon, 45  gatasang kalabaw ang inaalagaan ng pamilya sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap. Ayon sa kanya, karaniwang nakapagbebenta sila ng 48 litro ng gatas araw-araw.

“Kumikita kami ng nasa Php2,100 hanggang Php4,200  neto bawa’t araw,” pahayag ni Moises.

Natitiyak niya: mas malaki ang kita sa pagkakalabawan kaysa kung siya’y namasukan bilang isang nagtatrabaho sa barko.

 “Wala akong pagsisisi na mas pinili ko ang negosyong ito dahil maliban sa malaki ang kita, hawak ko ang oras ko dito. Hindi katulad ng kung ako’y nagtrabaho sa barko na tiyak na may among nag-uutos at sinusunod,” sabi niya.

 Ayon sa kanya, ang pangarap niya ngayon ay mabilang siya at ang kanyang pamilya na isa sa may pinakamalaking kalabawan sa probinsiya ng Nueva Ecija. Gusto niyang paabutin sa 100 ang bilang ng kanilang kalabaw na inaalagaan at ginagatasan.

Sa ngayon, pinararami pa lang nila ang tanim na napier para kapag nadagdagan ang kanilang kalabaw ay magkasya ang kailangang pakain.

Mula sa kanyang karanasan, may hamon siya sa mga kabataan na katulad niya:

“Gusto kong sabihin sa mga kapwa kong kabataan na huwag silang matakot subukan ang mga gawain sa bukid katulad ng pagkakalabawan dahil napakalaki ng kita dito. Bukod dito ay malaki ang naiaambag ng industriya ng agrikultura sa ikauunlad ng ating bansa at wala nang ibang magmamana nito kundi tayo rin,” sabi pa niya.

Kuwento niya, karamihan sa mga may-kaya sa kanilang lugar ay nag-umpisa sa pagiging magsasaka.

Kaya naman payo niya, “magtiis muna sa maliit dahil doon mag-uumpisa ang pag-unlad. Karamihan sa mga negosyong umunlad, nag-umpisa ‘yan sa maliit. Magtiyaga at magsipag at siguradong uunlad ang iyong negosyo.”

Dagdag pa niyang payo: “Dapat huwag magsawang mangarap. Huwag din laging aasa sa gobyerno. Kailangan gumawa at huwag kaagad susuko kung sakali’t hindi pa naaabot ang pangarap.”

Si JaYson, 27

Magigilas at magaganda ang pangangatawan ng mga kalabaw na makikita sa gitna ng mga maisan sa isang nayon sa Rosario, La Union.  Ang kalabawang ito ay pagmamay-ari ng pamilya ni Jayson Albay, edad 27 at miyembro ng Rosario Dairy ­Producer’s Associaton (RODPA).

Nakapagtapos si Jayson ng kursong BS Agricultural Technology.  Pumasok muna siya bilang technician sa isang pribadong kumpanya.

Nang magkaroon siya ng kakilala na mga taga-PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University (PCC sa DMMMSU ) nahikayat siyang sumubok sa pagkakalabawan.

Maliban sa katotohanang gusto talaga niya ang gawain sa bukid, isang magkakalabaw sa Rosario ang lalong naka-engganyo sa kanya dahil nakikita niyang nabubuhay nang maayos ang pamilya nito.

Nagbitiw siya sa pagiging isang technician.

Sa pag-uumpisa niya, nahikayat din ang kanyang mga magulang na tulungan siya sa napili niyang pagkakakitaan. Kaya, maliban sa inaasikaso ng mga itong maisan, tinutulungan din siya sa pag-aalaga ng kanyang mga kalabaw. Maging ang mga kapatid niya ay buong galak ding tumutulong  sa pag-aalaga sa labing-lima niyang kalabaw.

Ayon kay Gloria dela Cruz, director ng PCC sa DMMMSU, nakitaan niya ng kahusayan si Jayson sa pag-aalaga ng kalabaw. Bunga nito, nang may mga magsasakang nagsauli ng ipinahiram sa kanilang kalabaw, ipinahiram niya ang mga ito kay Jayson.

“Sa pangangalaga ni Jayson, napansin kong gumanda ‘yong pangangatawan ng mga mapapayat na kalabaw na ipinasa sa kanya,” sabi ni Direktor dela Cruz.

Ayon naman kay Jayson, malaki ang naitulong sa kanyang gawain ng mga kaalamang natutunan niya sa paghahayupan sa kanyang kurso  sa kolehiyo.

“Napakalaking advantage sa ‘kin na may alam na ako dahil agriculture ang kinuha kong kurso. Alam ko rin ang technique kung paano alagaan at paramihin nang matagumpay ang aking mga alaga,” sabi niya.

Sa ngayon, isa siya sa mga regular na nagdadala sa planta ng RODPA ng kanyang mga inaning gatas.

“Labing-tatlong litro ang karaniwang inaani kong gatas mula sa dalawa kong kalabaw na ginagatasan ngayon,” sabi niya.

Ang karaniwang kinikita ni Jayson ay Php780 kada araw. Inaasahan niyang lalaki pa ito nang apat na beses kapag nanganak na ang anim niyang buntis na mga kalabaw.

“Akala ng ibang kapwa ko kabataan, mahirap ang gawaing ito. Pero hindi naman ganoon kahirap at ang hindi nila alam, malaki ang kita dito,” sabi niya.

Kailangan nga lamang na talagang magsipag at ibigay ang kailangan ng mga inaalagaan para malaki rin ang kanilang maibigay na gatas, aniya.

Nang tanungin siya kung ano ang maaari niyang ibahagi sa mga kapwa niya kabataan, ito ang kanyang pahayag:

“Kung walang kabataang magpapatuloy sa sinimulan ng mga naunang magsasaka, walang kakainin ang susunod na henerasyon. Kailangan na mayroong mga kabataang magtataguyod sa agrikultura sa ating bansa.”

Sa mga  pahayag nina Moises at Jayson, mahihinuhang maliban sa kanilang kagustuhang umunlad ang sarili nilang pamumuhay, mulat din sila sa pakikibaka ng bansa upang matugunan ang pagkaing kinakailangan ng bawa’t mamamayan.

Marami pa sanang mga kabataan ang tumulad sa kanila. Sana nga.

 

Author

0 Response