Mga bagong dugo sa pagkakalabawan

 

Mahalaga, napakahalaga, ng agrikultura sa bansa. Lalo na ang larangan na may kinalalaman sa produksiyon ng palay na siyang pangunahing pagkain ng halos lahat ng mamamayang Filipino.

Bagama’t laging hindi sumasapat ang naaaning panustos na palay, maigting naman ang pagsisikap ng Kagawaran ng Agrikultura, kasama ang iba pang mga ahensiya at mga sangkot sa larangang ito, para matugunan ang kailangan para magkaroon ng sapat na ani. Naririyan ang pagbubukas ng mga bagong lupain para lumawak pa ang lupang sinasaka. Naririyan din ang pagtitindig ng mga imprastraktura, gaya ng sistema ng patubig, para makatulong sa mataas na aning palay.

Hindi rin makalilimutan ang patuloy na pagpapaige sa mga makabagong binhi na higit na malakas umani. Gayundin ang pagbubunsod ng mga nababagong pamamaraan sa pagsasaka, kabilang na ang mekanisasyon, at ang higit na matipid na paglalagay ng mga input na  hindi naman nasasakripisyo ang pagtitiyak sa mataas na ani.

  Nguni’t batay sa mga datos, hindi maikakaila na ang mga pangunahing personahe sa produksiyon ng palay – ang mga magsasaka – ay nagkakaedad na o iyong madalas na inilalarawan sa Ingles na mga magsasakang nasa yugtong “graying” o may uban na. 

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), ang pangkaligitnaang edad mula sa pinakabata at pinakamatanda (mean age) ng magsasakang Filipino ay 54 na taon.

Sa sumunod na mga pag-aaral, sa nalolooban ng sampung taon, ang mga magsasakang nasa edad na  mula 40 hanggang 59 ay tumaas ang bilang sa pitong porsiyento. Yaon namang ang mga edad ay 60 taon pataas ay tumaas ang bilang ng dalawang porsiyento.

Ang lalawigan ng Pampanga ang siyang may mataas na pangkalagitnaang edad ng mga magsasaka – na 61 taong gulang.

Ang pinakamatanda namang magsasaka ay sa lalawigan ng Quezon – na may edad na 94 taong gulang. Dalawa namang magsasaka sa Nueva Ecija, na kapwa may edad na 91, ang naitalang gumagawa pa sa sari-sarili nilang mga sakahing bukid.

Bagama’t karamihan sa mga magsasaka ay nagkakaedad na, kapansin-pansin na ngayon ang pagkakaroon nila ng masasandigang lakas sa mga gawain sa bukid – ang mga kasugpong. Sila’y mga taong karaniwang may sapat na lakas at matagal nang nasa larangan ng pagsasaka nguni’t hindi nagkaroon ng lupang sakahin.

Sila yaong puwersa sa likod ng paghahanda ng punlaan at sa gawaing pamumunla, paggagayak ng lupang pagtatamnan ng tanim na palay, pagpapatanim, pagpapatubig, pagdadamo, paglalagay ng pataba, pagwiwisik ng pamatay-kulisap, at maging sa pag-aani. Ang kanilang pakinabang sa kanilang pagiging kasugpong – sampung porsiyento ng ani at pagkakaroon ng karapatang mangutang nang walang patubo.

Sa pag-aaral na isinagawa, lubhang lumaki na ang porsiyento ng mga magsasaka o mga may-ari ng lupa na kumukuha ng kasugpong. Dahilan din ang sistemang ito para magkaroon ng lakas ng loob ang mga may sapat na puhunan para kumuha ng mga isinasanglang lupang sakahin sa kasunduang “sanglang buhay” o “sanglang patay”. 

   Sa “sanglang buhay”, ang kasunduan ay magbibigay ang sumangla ng lupa ng buwis na 10 hanggang 15 kabang palay tuwing anihan sa pinagsanglaan. Sa “sanglang patay”, hindi na obligado ang nakasangla ng lupa na magbigay ng buwis. Magtatapos ang kasunduan sa sandaling maibalik ng nagsangla ang halaga sa naging “hiraman ng lupa at pera”.

Alternatibong pagkakakitaan 

Sa kasalukuyan, mahigit sa dalawang milyon at anim na raang libo ang mga magsasakang nasa larangan ng pagpapalayan. Bawa’t isang magsasaka ay tinutumbasang nagpapapakain ng 37 Filipino.

Sa kabila ng katotohanang ang mga magsasaka ang siyang nagpapakain sa mamamayan, madalas na itinuturing na sila yaong nasa sektor na hindi gasinong mapalad na magkaroon ng sapat na kita para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya naman, ang marami sa kanila ay humahanap ng alternatibong mga gawain para magkaroon ng karagdagang kita.

Sa alternatibong mapagkakakitaan, isa sa isinulong ng pamahalaan ang pagkakalabawan, lalo na ang pag-aalaga ng gatasang kalabaw. Dalawang uri kasi ang kalabaw – yaong uring pantrabaho na tinatawag na swamp type at yaong gatasan na tinatawag na riverine type. Iyong una, ang mga inahin ay di-gasinong nagbibigay ng maraming gatas pero ang ikalawa ay kilala sa mundo na nagbibigay ng maraming gatas na pinakikinabangan para sa pagsustento sa tao sa pangangailangan sa sariwang gatas o kaya naman ay sa paglikha ng mga produktong mula sa gatas.

Ang namamatnugot sa pagpapalaganap at pagpapalago ng carabao development at sa mga industriyang salig sa kalabaw ay ang Philippine Carabao Center (PCC). May mga sangay itong panrehiyon, kaya naman patuloy na lumalawak ang larangan ng pagkakalabawan sa bansa.

Hindi maikakaila na ngayon ay marami nang mga magsasaka na sumusuong sa larangan ng pagkakalabawan. Sila ang mga tinatawag na magsasakang-maggagatas. At, hayag na rin na marami na sa kanila ang mayroong mga kasaysayan ng pagtatagumpay ng higit pa sa inaasahan.

Sabi nga nila, “may ginto sa pagkakalabawan”.

Pagpasok ng kabataan

Mayroong lumulutang ding pananaw na “darating din ang panahon” na ang mga kasalukuyang mga magsasakang-maggagatas ay tatawagin ding “graying” o magkaka-edad na rin. Ibig sabihi’y may panganib na manlumo ang pagkakalabawan dahil ang sandigang-lakas sa mga gawaing ugnay sa larangang ito ay mababawasan o manghihina na.

Huwag mabahala.

Sa isyung ito ng Karbaw Magasin, itinatampok ang mga bagong dugo sa pagkakalabawan at sa mga kaugnay na gawain. Mayroong mga kabataan na nagtapos ng kurso sa kolehiyo, naging empleyado sa mga tanggapan, nguni’t iniwan ang trabaho at pumalaot sa pagkakalabawan. Mayroon ding mga kabataan na sumuong sa pagtatatag ng sariling mapagkakitaan na salig sa industriya ng kalabaw at ganap na nagtatagumpay.

Matutunghayan din ang istorya ng mga kabataang pinili na italaga ang sarili sa pagtulong sa mga magsasakang sangkot sa pagkakalabawan. Anila, sekondaryo na ang pagkakaroon ng pakinabang na suweldo sa namamaibabaw nilang kaisipang “nakatutulong sa pagpapaangat din ng kabuhayan ng kapwa”.

Sila’y mga tunay na inspirasyon na maaaring pamarisan. Para sa kanila, naroroon ang magandang bukas dahil ang industriya ng pagkakalabawan ay itinuturing na “sunshine industry” ng bansa.

Author

0 Response