Indian nationals, masugid na tagapagtangkilik ng gatas ng kalabaw

 

Araw-araw, maagang bumibili si Gurnam Singh, 58, ng sariwang gatas mula sa Philippine Carabao Center sa Don Mariano Marcos Memorial State University (PCC @ DMMMSU).

Si Singh ay kabilang sa mga Indian nationals na naninirahan sa Pilipinas. Tumira siya sa bansa mula pa noong 1989. Ayon sa kanya ay nakasanayan na niya ang uminom ng gatas ng kalabaw dahil mga bata pa lang sila ay ganito na ang nakagisnan niya.

Tulad niya, sanay din ang iba niyang kababayan na uminom ng gatas ng kalabaw o baka mula pagkabata.

Sa Value Chain Analysis na isinagawa ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) at Philippine Carabao Center(PCC), nakita na isa sa pinakamaraming bumibili ng gatas ng kalabaw ang mga Indian Nationals na matatagpuan sa Luzon, partikular sa Cagayan, Isabela, at La Union.

Katulad ng mga negosyante, ipinoproseso din nila ang nabibili nilang gatas sa paggawa ng ghee (klase ng butter), paneer (klase ng keso), at iba pa. Ginagamit din nila ito bilang sangkap ng iba’t ibang pagkain.

Ayon kay Sital Singh, 49, isa ring Indian na nakatira sa La Union, kadalasang gawa sa gatas ang mga pagkain nila.

“Halos lahat ng handa namin tuwing may okasyon ay gawa sa gatas,” aniya.

Gatas at kultura ng mga Indian

Ang India ay nakapagprodyus ng 140 million metric tons ng gatas noong 2014. Ito ay 50 porsiyentong mas malaki sa produksyon ng Estados Unidos, ang pangalawang top producer ng gatas.

Ayon kay Arthur Yirmiyan, isang manunulat na Indian, may malalim na dahilan kung bakit ang India ang top producer at consumer ng gatas kung susuriin ang kultura at relihiyon ng karamihan sa mga Indiyano.

Ayon sa kanya, umiinom ng gatas at madalas gumawa ang mga Hindu ng mga produktong gawa sa gatas dahil pinaniniwalaan nilang nakapagpapadalisay ito. Ang ghee ay ginagamit  nila sa mga ritwal. Ang gatas din ay ginagamit nilang pampaligo sa mga imahe ng kani-kanilang diyos  tuwing may espesyal na okasyon. Iniaalay din nila sa kanilang mga diyos ang mga produktong gawa sa ghee at iba pang produkong gawa sa gatas.

Dagdag ni Yirmiyan, ang gatas ay parte na ng buhay ng mga Hindu. Ito ang kanilang unang pagkain bilang sanggol at gamit din ito sa mga ritwal sa patay.

Pakinabang ng gatas ng kalabaw

Bukod sa kultura, nauunawaan din ng mga Indian ang kabutihang dulot ng gatas sa kalusugan. Umiinom sila ng gatas - galing man sa baka o sa kalabaw-para sa mas malakas at malusog na katawan, ayon kay Gurnam.

Ayon naman kay Sital, mas pinipili ng mga Indiyano ang gatas ng kalabaw kumpara sa ibang klase ng gatas dahil sa nutrients na dulot nito.

Ayon sa pag-aaral, mababa ang cholesterol content ng gatas ng kalabaw nguni’t mas marami ang calories at fat content nito kumpara sa gatas ng baka. Mayaman din ito sa calcium, magandang source ng mineral kagaya ng magnesium, potassium at phosphorus. Nakatutulong din ito upang magkaroon ng malusog na buto, ngipin, at cardiovascular system.

Mga putaheng Indiyano na gawa sa gatas

Nakapagbibigay ang gatas ng tradisyunal na produktong gawa sa gatas kagaya ng yoghurt, cottage cheese (paneer), khoa, dahi, paneer, kheer, payasam, malai, kulfi at ghee.

Ang mga ito ay mga katutubong produktong gawa sa gatas.

Ang ghee ay tradisyunal na pagkain na itinuturing ng mga Hindu na banal. Isa itong klase ng butter o mantikilya na ginawa sa pamamagitan ng paghihiwalay ng fats ng gatas at protina nito.

Ayon kay Sital, isa din ang paneer sa madalas ginagawa ng mga Indiyano gamit ang gatas ng kalabaw. Ang mga hakbang sa paggawa nito ay ang sumusunod:

Ilagay ang gatas ng kalabaw sa kawali at pakuluin, habang hinahalo ito. Kapag kumukulo na ito, hinaan ang apoy at hayaang kumulo sa loob ng 20 minuto.

Alisin ang kawali sa apoy, lagyan ng katas ng isang lemon at batihin upang mamuo ang gatas. Pagkatapos ng sampung minuto, salain ang gatas gamit ang tela upang ihiwalay ang mga namuong parte.

Sa loob ng isang oras, o kung naalis na likido ng gatas (whey), pigain nang mabuti at hulmahin itong pakuwadrado.

Ilagay ito sa malinis na chopping board at lagyan pa ng isang chopping board sa ibabaw. Patungan ito ng mabigat na bagay upang lalong mapiga ito.

Hatiin ang paneer upang maging hugis kuwadrado (cubes), ilagay sa lalagyan at takpang mabuti.

Ilagay sa fridge sa loob ng tatlo hanggang apat na araw. Maaari na itong gamitin bilang sangkap sa iba’t ibang pagkaing ginagamitan ng cheese.

Kumpara sa mga Pilipino, mas malakas kumunsumo ng gatas ang mga Indian, ayon sa pag-aaral.

Si Sital ay umiinom ng isang baso ng gatas ng kalabaw bago matulog sa gabi. Minsan, ang pasteurized buffalo milk ay ihinahalo din niya sa kape o tsaa. Ginagamit din niya itong sangkap ng ice cream.

“Nararamdaman namin ang kalakasan at kalusugan dulot ng pag-inom namin ng gatas,” paliwanag niya.

 

Author

0 Response