Hatid ng mga kabataan, Sigla't saya sa pagkakalabawan sa Masaya Sur

 

Habang binabagtas nila ang madamong daanan patungo sa bukid ni Ruel Taguiam, isang magsasakang-maggagatas sa lugar na iyon, masayang kuwentuhan at halakhakan ang maririnig mula sa mga kabataang miyembro ng Youth Engagement for Sustainable Dairy Industry (YESDI) sa Masaya Sur, San Agustin, Isabela.

Nang hapong iyon, tatamnan nila ng mga punla ng superior na damong pakain sa kalabaw ang isang parte ng bukid ni Mang Ruel.

“Gusto naming makatulong sa komunidad partikular sa mga magkakalabaw. Habang ginagawa namin ito, kumikita din kami kaya nakapag-aambag din kami sa mga gastusin ng aming mga pamilya,” sabi ni Deziree Liberato, isa sa mga miyembro ng grupo.

“Hindi lang kami ang makikinabang kundi makatutulong din kami sa   ibang tao para mapaunlad ang industriya ng paggagatasan,” sabi naman ni Manny Aguilar, pangulo ng YESDI.

Dalawampu’t apat na kabataan na may edad 16 hanggang 24, ang mga miyembro ng YESDI. Karamihan sa kanila ay taga-Masaya Sur, isa lamang ang galing sa ibang barangay.

Sila’y nagpakita ng ganap na interes na masangkot sa industriya ng pagkakalabawan at paggagatasan.

“Mayroon silang mga planong gustong isagawa para sa grupo, kabilang na ang pagkakaroon ng gatasang kalabaw,” sabi ni Ma. Theresa Sawit, OIC ng Operations Unit ng Philippine Carabao Center (PCC). “Hindi naman kami nag-atubiling tulungan at gabayan sila,” dagdag niya.

Sa ilalim ng proyektong “Enhancing Milk Production of Water Buffaloes through Science and Technology Interventions”, binuo nila ang samahang YESDI at ang mga miyembro ay sumailalim sa mga pagsasanay.

Ang proyekto ay itinataguyod sa San Agustin, Isabela sa pagtutulungan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) at ng PCC.

Kita sa gatasang kalabaw

“Maraming magsasaka ang nagmamay-ari ng kalabaw sa San Agustin nguni’t mas ginagamit nila ang mga ito sa bukid. Mangilan-ilan lang sa kanila ang naggagatas,” sabi ni Kevin Dave Cho, veterinarian at isang kasangkot sa proyekto.

Ayon sa kanya, isa sa mga layunin ng grupo ay ipakita sa mga magsasaka ang benepisyo ng paggagatas ng kalabaw ayon sa kanilang natutunan. Kabilang sa ihahatid nilang pagtulong ay kasanayan mula sa tamang pag-aalaga ng kalabaw na gamit ang mga makabagong teknolohiya, paggagatas, pagpoproseso ng gatas, at pagbebenta sa mga produktong mula sa gatas.

Kabataan sa pagkakalabawan

“Naisipan naming buuin ang grupong ito dahil kailangan ng mga second liners na magpapatuloy sa sinimulan ng kanilang mga magulang upang mapaunlad ang pagkakalabawan. Isa pa, tumatanda na ang edad ng mga magsasaka kaya kailangang ma-mobilize ang mga kabataan,” paliwanag ni Honorato Baltazar, isa sa mga nag-isip sa pagbuo ng organisasyong ito.

Ayon naman kay Sawit, nag-survey sila sa San Agustin at nakita nilang nagkaka-edad na nga ang mga magsasaka sa nasabing bayan kaya naisip nila na kailangan talaga ang pakikisangkot ng mga kabataan.

Ang San Agustin ay isa sa mga bayan sa bansa na maraming crossbred na kalabaw. Ibig na ibig nga ng mga namumuno sa nasabing lugar na kilalanin ang kanilang bayan bilang “Crossbred Carabao Capital of the Philippines”.

“Bago namin isinangkot ang bawa’t miyembro sa grupo, tinanong muna namin ‘yong pangarap nila sa buhay at natuwa kami dahil may pangarap silang kumita upang makatulong sa kanilang pamilya,” pahayag ni Baltazar.

Isa din sa mga layunin ng pag-organisa sa grupong ito ay mabigyan ng pagkakakitaan ang mga kabataan na hindi nila kailangang lumabas sa kanilang komunidad, ayon pa sa kanya.

Dagdag pa niya, ang mga kabataang miyembro ng YESDI ay mabilis na napagsama-sama kaya naging madaling naisagasa ang mga kaukulang mga aktibidades nila.

 “Marami silang potensiyal na kahit sila mismo ay hindi nila nabibigyan ng tamang halaga kaya kailangang gabayan sila para sa kanilang pag-unlad at makatulong sa kanilang pamilya at komunidad,” paliwanag pa ni Baltazar.

Higit pa sa kita

“Hindi lang pagkakakitaan ang gusto nating ipaunawa sa kanila. Batay na rin sa kanila, gusto din nilang magkaroon ng pagbabago sa kaisipan,” sabi ni Baltazar.

“Angkop naming saloobin ito sa dahilang sila ang mga susunod na lider sa kanilang lugar. Sa pamamagitan nila, mapapabuti at mapapanatili ang industriya ng paggagatasan,” paliwanag ni Baltazar.

Ang mga miyembro ng grupo ay sinasanay sa iba’t ibang teknikal na aspeto ng carabao dairying, animal health, at forage production. Ginagabayan din sila kung paano maging community-based facilitator upang makatulong din sila sa mga pagsasanay na ginagawa ng PCC sa mga magsasakang-maggagatas sa kanilang lugar.

“Basta pumasok ang tamang values sa kanila, tingin ko ay maitataguyod nila nang tuluy-tuloy ang proyektong ito,” dagdag niya.

Paliwanag pa niya, kailangan ng makabagong pamamaraan upang ipakilala ang mga teknolohiya sa pagkakalabawan at ito ang isa sa mga naisipan nilang paraan.

Para sa kinabukasan

Sa ngayon ang organisasyon, bagama’t nagsisimula pa lamang, ay nagsasagawa na ng mga gawaing nakabase sa mga planong isasagawa ng samahan, ayon kay Cho.

“May pondo ang grupong ito na Php390,000. Ginagamit namin ito para sa iba’t ibang kaparaanan na nagsusulong sa mga gawain,” sabi ni Cho.

Paliwanag niya, para sana sa forage supply na ibinibigay sa mga magsasaka at sa mga laborers na magtatanim at magdi-distribute ng mga itatanim na damo gagamitin ang pondo pero naisipan nilang imbes na magbayad ng mga laborers, bumuo na lang ng grupo ng kabataang gagawa nito.

 “Sinasanay rin namin sila sa pagpaparami ng mga damong pakain, pagtulong sa pagbibigay ng artificial insemination, pag-aasiste kapag maysakit ang mga kalabaw dahil walang veterinarian ang San Agustin, pagtulong sa paggagatas at sa paggawa ng iba pang gawain na hindi gamay ng mga magkakalabaw sa lugar na ito,” paliwanag ni Cho.

Paliwanag pa ni Cho, ang grupong ito ay umpisa lamang ng mga mabubuo pang grupo ng mga kabataan sa buong San Agustin at maaaring sa iba pang lugar sa Pilipinas.

Hayag naman ang kasiglahan ng mga miyembro ng grupo. Nang dalawin sila ng mga manunulat ng magasing ito, hapon na at dama pa rin ang init ng panahon nguni’t di nila ito alintana. Tutok na tutok sila sa pagtatanim ng legumbreng-pakain sa kalabaw sa bukid na kanilang pinuntahan.

“Gusto naming makatulong sa mga magsasaka sa komunidad at gusto rin naming matulungan ang aming pamilya,” ito ang halos sabayang sagot ng mga kabataan kung bakit sila’y sumali sa grupo.

Sa bawa’t pagdakot nila ng lupa upang tabunan ang ugat ng mga punlang legumbre, makikitang puno sila ng sigla at nakabanaag ang pag-asa sa kanilang ginagawa. Ito’y ang pagiging masaya ng industriya ng pagkakalabawan sa Masaya Sur dahil sasagana ang pamumuhay dito dala ng mga gatasang kalabaw.

 

Author

0 Response