Patotoo ng isang kabataan: Magagamit ang naiibang kasanayan sa pagkakalabawan

 

Paggamit ng makabagong teknolohiya sa agrikultura. Ito’y isang paraan para maka-engganyo ng mga kabataan na sumangkot sa industriya ng pagsasaka.

Sang-ayon ito sa di-iilang eksperto na nagsabi ring bukod sa malaki ang kaibahan nito sa makalumang pamamaraan, napadadali at nagiging maganda ang resulta, at halos nakatitiyak ng higit na malaking pakinabang. 

Hindi maikakaila na madalas na iniuugnay ng mga kabataan ang agrikultura sa kahirapan. Tingin nila ay hindi ito maipagmamalaki kaya mas pinipili nilang lumayo at magtrabaho sa mga lungsod o sa ibang bansa, ayon sa Asia Farmers Association for Sustainable Rural Development (AFA).

Sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang teknolohiya, kabilang na ang Information and  Communication Technologies (ICT), sa pagsasaka, maikokonekta ng mga kabataan ang kanilang kaalaman sa pagpapabuti sa industriyang ito.

Isang patotoo si Ian Joseph Timothy Selda, 30, ng Sindangan, Zamboanga del Norte, na nagsabi na ang   industriya ng agrikultura sa bansa ay sadyang maipagmamalaki rin.

Nakapagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology sa Silliman University si Ian. Dahil sa kanyang angking kaalaman sa Information Technology, nakabuo siya ng isang digital mapping system na sa pamamagitan nito’y madaling makikita ang lokasyon at impormasyon tungkol sa mga kalabaw at mga magkakalabaw sa isang lugar.

Ang system na nagawa niya ay tinawag niyang “Mga Impormasyon at Lokasyon ng mga Kalabaw sa Pilipinas” (MILK-P).

Simula

Sa pagsasalaysay  ni Ian, nagkaroon siya ng interes na makatulong sa industriya ng pagkakalabawan nang minsang sinamahan niya ang kanyang ama na dumalaw sa Philippine Carabao Center (PCC) National Headquarters and Gene Pool sa Science City of Muñoz.

Mayroong malaking aktibidad noon ang ahensiya at inimbitahan ang kanyang ama upang dumalo dahil siya noon ang officer- in-charge ng Municipal Agriculturist’s Office sa Sindangan. Napansin noon ni Ian na walang datos tungkol sa mga kalabaw sa Mindanao na naipresenta sa aktibidad na ito.

“Naisip ko noon na puwede naman akong gumawa ng sistema para makuha ang mga datos sa Mindanao,” sabi niya.

Dati nang may nagawa si Ian na sistema sa pagkuha ng datos na tinawag niyang Project CHILD o Children’s Information and Location Database.

Ang unang pinasukang trabaho ni Ian pagka-graduate niya noong 2010 ay sa Local Government Unit (LGU) ng Sindangan. Ayon sa kanya, pagkatapos ng ilang taong pagtatrabaho niya doon, napansin niyang kulang ang mga datos tungkol sa  mga mamamayan.

“Kailangan ang  tama at eksaktong datos upang makapagdesisyon ang LGU nang tama dahil magba-base sila sa datos kung  sino ang kanilang  ang uunahin na maging recipients  sa mga proyekto ng gobyerno,” paliwanag niya.

Kaya naman, gumawa siya ng system kung saan naka-geotag o nakatala ang lahat ng bahay at taong nakatira doon sa Sindangan.

Nang makaugnay  nilang mag-ama si Dr. Arnel del Barrio, executive director ng PCC, nabanggit nila ang tungkol sa nagawang system ni Ian. Naging interesado ang direktor kaya hinimok niya si Ian na patuloy na makipag-ugnayan sa PCC.

MILK-P

Ang proyektong MILK-P ay isinasagawa ngayon sa Sindangan.

“Dito muna  namin pinasimulan ang proyekto  para mas malapit at madaling matutukan,” pahayag ni Ian.

Sa ngayon, ipinagpapatuloy pa ng grupo ni Ian ang pag-geotag sa mga kalabaw na nasa kanilang lugar. May mga enumerator na pumupunta sa bawa’t magkakalabaw at sila ang nag-i-input sa MILK-P software ng mga kailangang datos. Ang mga datos na itinatala ay  kagaya ng kasarian, breed o lahi, edad, at iba pa.

Kinukuha  rin nila at itinatala ang mga datos tungkol sa mga magsasaka kagaya ng kung ilang ektarya ang kanilang lupa, kabuuan nilang kita, at iba pa.

Ayon kay Ian, kung sakali mang may maging interesado sa kanyang system, ipapamigay niya ito nang libre at ang babayaran na lamang ay ang kanyang professional fee kapag itinuro niya kung paano gamitin ang system na ito.

Batay  na rin sa pagpapatunay sa kanyang nagawa, binibigyang-diin  ni Ian na ang kaalamang napag-aralan at nakasanayan sa  iba’t ibang propesyon ay magagamit din at lubhang mapapakinabangan sa pagpapabuti pa ng agrikultura sa bansa.

 

Author

0 Response