Sa Nueva Ecija, isang natatanging pagpapalaki ng kawan

 

Iyon, ang lugar na iyon sa Sitio Lomboy, San Jose City, ay isang lambak o mababang kalupaan sa pagitan ng dalawang bundok. Sa kaliwa, patungong norte, ay nakabalatay sa gilid ng bundok ang Maharlika Highway at sa kabilang gilid ay ang Digdig River. Sa pagbaba sa lambak, tatambad ang isang katangi-tanging bukid na gamit sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga gatasang kalabaw.

Ito ang Stephenhan Dairy Farm (Df), na maituturing na pinakamalaki sa kanyang uri sa bansa.

Ang lawak – 60 ektarya. Mula dito, 50 ektarya ang taniman ng pakain at ang iba pa ay para sa imprastraktura na limang malalaking kural, working corral para sa kaukulang pagbibigay ng gamot sa mga hayop, lugar gatasan, mga imbakan ng binuburong pakain at giniikan, at iba pang mga pasilidad.

Maitutulad sa orihinal na Eden, kung ihahambing ang lugar na ito dahil napadadaluyan ng saganang tubig mula sa isang ilog na siyang nag-aangat-buhay sa masaganang damong-pakain, ipil-ipil, mga legumbre, at iba pang mga halaman. 

Ang namamahala sa lugar na ito: si Dr. Libertado Cruz, dating executive director ng Philippine Carabao Center (PCC). Nang mag-retiro sa serbisyo, minarapat niyang isuong ang sarili sa gawaing may kinalaman sa Carabao Development Program (CDP) sa halip na manatili lang sa bahay. Ito’y mula noong Hulyo 2015.

“Inuupahan ko ang lugar na ito sa halagang Php130,000 sa isang buwan,” sabi ni Dr. Cruz. “Sa inaalagaang mga kalabaw, kausap ko ang PCC at ang isang kumpanyang may ari ng maraming kalabaw,” dagdag niya.

Sa PCC, 40 ang ipinagkatiwalang kalabaw ng PCC sa ilalim ng “multiplier farm project” ng ahensiya. Ang 120 kalabaw naman ay mula sa GEMCO na siya noong “winning bidder” na nagsuplay ng mga gatasang kalabaw na ito mula sa Italy. 

“Mayroon akong hiwalay na kasunduan sa GEMCO sa pangangalaga ng Italian Mediterranean Buffaloes,” paliwanag ni Dr. Cruz.

Ang mga pasilidad ng lugar na ito ay ginastusan sa pamumuhunan para sa isang matatawag na “dairy buffalo genetic farm”. 

Sa ngayon, ang Stephenhan Df ay may kabuuan nang 310 na Italian Mediterranean Buffaloes. Sa bilang na ito, 90 ang ginagatasan na ang karaniwang ani ay anim hanggang 11 litro bawa’t isa. Kapansin-pansin ang mga nakahiwalay na mga bulo, may mga kaukulang ID tags, mabubulas, masisigla at tila nalalapit nang ipamahagi sa mga nais ding magkaroon ng magagandang stocks ng gatasang kalabaw.

“Mayroon nang dumalaw at tumingin sa mga bulo,” ani Dr. Cruz. “Naghahanda na ang GEMCO na magbenta ng mga bulo,”dagdag niya.

At ang katangi-tangi: interesado ang mga kinatawan mula sa tatlong bansa sa Timog Silangang Asya na umangkat ng mga bulo sa mga kawan na ito.

“Gusto nila ang Italian Buffalo Genetics bukod sa pagiging FMD-free ng Pilipinas,” ani Dr. Cruz.

Mga aral sa karanasan

Nang umagang yaong dalawin namin ang Stephenhan Df ay wala pa si Dr. Cruz. Mga ilang minuto, dumating ang isang pick-up truck na may lulang mga nakasakong mga bagay.

“Mga sapal ng soya beans,” sabi ng bumabang nagmamaneho ng pick-up, si Dr. Cruz. “Binili ko sa Guimba (isang bayan sa Nueva Ecija), mabuting dagdag na pakain sa mga kalabaw,” dugtong niya.

At mula sa kanya, napag-alaman namin ang mga aktuwal at hindi sinasalita lamang na mga gawain na siyang sandigan sa wastong pag-aalaga at pagpaparami ng gatasang kalabaw.

“Kailangan ang bastante at mga nutritious na pakain. Sagana sa sariwang damo, binurong mga damo, kaukulang legumbre, concentrate at iba pang kahingian sa mabuting pag-aalaga. Sa madaling sabi, ang pangunang isyu ay ang mapagkukunan ng sapat na pakain” sabi ni Dr. Cruz.

Dapat ding bastante ang tubig, para sa mga alagang hayop at para sa pagpapalago ng inaalagaang damong pakain. Ang kalakhang bahagi ng gatas ay tubig kaya kinakailangang bastante ang tubig para sa mga alagang kalabaw, sabi ni Dr. Cruz.

“Nakikita ninyo na maraming tumutubong napier grass. Pero di pa kasiya-siya iyan. Halos kalahati pa lamang ng potensiyal na dapat na makuhang 500 tonelada sa isang ektarya,” ani Dr. Cruz. “Sa isang kalabaw kasi, ang kailangang dami ng pakain ay 12 hanggang 13 tonelada ng damong pakain sa isang taon,” dagdag niya. 

Kailangan pa ang karagdagang makina na panghakot ng mga organikong abono para lalo pang humusay ang pertilidad ng lupa, aniya.

“Kailangang gawing episyente ang kawan sa punto ng naibibigay na gatas at magagandang mga bulo. Kailangang ang inahin ay malakas na magbigay ng gatas at ang pagitan naman ng pagbubuntis ay isang taon hanggang sa isang taon at isang buwan at kalahati,” paliwanag ni Dr. Cruz.

Nararapat ang “culling” o pag-aalis mula sa kawan ng mga kalabaw na hindi maganda ang performance, sabi niya. Mabulas nga, kain nang kain, nguni’t hindi naman maganda ang ibinabalik na biyaya, ay patungo sa pagkalugi, dagdag niya.

“Siyempre kailangan ang mga tamang tao sa pagganap ng kanya-kanyang gawain lalo na yaong may kinalaman sa pangangailangan ng inaalagaang mga kalabaw,” ani pa ni Dr. Cruz.

Pagpapatakbo ng dairy farm

Sa kabuuan, 15 ang mga manggagawa sa Stephenhan Df na nahahati sa grupo ng nag-aalaga ng mga gatasang kalabaw at mga bulo, gumagatas sa kalabaw at nag-aasikaso sa naaning gatas, nangangasiwa sa mga gamit na makina, at tagatingin sa kalusugan ng mga hayop. Sila’y nasa ilalim ng isang tagapamahala ng tao. 

Pinagdadalhan ng gatas: karamihan ay sa Arce Dairy, makalawa isang linggo ay sa Ocampo’s Sweet at sa Magnolia, at gayundin sa Milka Krem ng PCC.

“Kaunti pa lang ang kita. Nasa ibebentang bulo ang malaki-laking ganansiya. Kung baga, sa magandang stock ang pag-asa,” sabi ni Dr. Cruz.

At idinagdag pa ni Dr. Cruz:

“Puwedeng-puwedeng magkaroon ng ganitong dairy farm. Kailangan nga lang ang matinding pagsisikhay at ganap na commitment dahil madali sa salita pero mahirap ding isagawa.”

 

Author

0 Response