Kaiga-igayang mga biyaya mula sa pagpapalaki ng kawan

 

Ang gatas, karne, balat, maging ang lakas na galing sa kalabaw ay kapaki-pakinabang para sa maraming Pilipino. Hindi rin maikakaila ang kontribusyon ng kalabaw sa kasapatan ng pagkain sa bansa dahil sa gatas at karne nito. Maging ang balat nito ay ginagawa ring chicharon (chicharabao) na kinahuhumalingan ng marami.

Para masustini ang suplay ng gatas, karne at balat ng kalabaw, malaki ang papel na ginagampanan ng mga taong nagpupursige sa pagpaparami.

Tulad, halimbawa, ng pamilyang Larrazabal sa Leyte at pamilyang Alfonso sa Nueva Ecija.

Rancho Larrazabal 

Sa Cabaon-an, Ormoc sa Leyte, matatagpuan ang isang rancho na kung saan pinararami ang mga kalabaw na crossbred. Ito ang “MR Larrazabal Crossbred Carabou Multiplier Farm” (MRLCCMF) na inaasistehan ng Philippine Carabao Center sa Visayas State University (PCC@VSU).

Ayon kay Dr. Julius Abela, dating director ng PCC@VSU, naging susi ang MRLCCMF, upang mapabilis ang pagpapatupad ng Carabao Development Program (CDP) sa Visayas dahil may napagkukunan ng mga kalabaw.

“Maraming magsasaka ang nakikinabang sa crossbred na kalabaw [mula sa MRLCCMF],” sabi niya.

Simula noong 2010, humigit-kumulang sa 50 hanggang 60 lalake at 100 na babaeng kalabaw ang naibenta na ng rancho. Ang lalaking kalabaw ay naibebenta sa halagang Php20,000 at Php30,000 hanggang Php35, 000 naman ang babae. Ang mga karaniwang namimili ay mga asosasyon ng mga magsasaka mula sa Leyte, Samar, Cebu, at Mindanao.

Sa ngayon, nasa 500 lahat ang mga kalabaw sa ranchong ito -100 ang bagong panganak, 120 ang bulo at anim ang senior bulls. Tatlong senior bulls na Bulgarian Murrah ang pahiram ng PCC@VSU, ayon kay Amale Larrazabal, spokesperson ng MRLCCMF at anak ng may-ari ng rancho na si Melchor Larrazabal.

Nag-umpisang mag-alaga ng mga hayop ang pamilya Larrazabal sa ranchong ito noong mga taong 1980 at inasistehan na ito ng PCC@ VSU simula noong 2005.

Libangan lang ng pamilya Larrazabal ang rancho noong ito ay nagsisimula pa lamang. Mga native na kalabaw ang inaalagaan nila, kasama ng iba pang klase ng hayop. Nang lumaon, nagdagdag sila ng dalawang bulugang American buffalo na nagpasimula ng pagsilang ng crossbred na kalabaw sa rancho.

Sa kalaunan, ang mga native na bulugan ay pinalitan ng Bulgarian Murrah bulls mula sa PCC. Nangakakulong na ang mga hayop, na di-tulad noon na nakapawala lang, upang maiwasan ang inbreeding.

Hinati-hati rin sa lima ang rancho sa pamamagitan ng mga bakod. Nakahiwalay ang mga babae, lalake at mga bulo.

Ang damong pakain ay mula sa humigit-kumulang na 300 ektarya na taniman.

Maliban sa pag-aalaga ng hayop, nagpoproseso din ang Rancho Larrazabal ng mga produktong pasteurized milk, choco milk, at pastillas. Humigit-kumulang sa 500 litro ng gatas ang ipinoproseso kada linggo na dinadala sa siyam na sangay ng Andok’s Litson Manok sa Leyte. Kumikita ang Rancho ng Php180,000 kada buwan mula sa mga ipinoproseso nilang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw.

“Dati pantrabaho lang sa bukid ang gamit ng mga magsasaka sa kalabaw pero ngayon ginagatasan na rin nila ito na nagbibigay naman ng dagdag na mapagkakakitaan. Nagpapasalamat sila na may mapagkukunan silang magagandang hayop gaya ng MRLCCMF,” sabi ni Abela.

Kalabawan ng Pamilya Alfonso

Itinuturing na isa ang pamilya ni Moises Alfonso sa may pinakamaraming inaalagaang kalabaw sa Nueva Ecija na inaasistehan ng PCC.

Ngayon, 55 gatasang kalabaw na ang inaalagaan ng pamilya Alfonso. Sa bilang na ito, 10 ang kumpirmadong buntis habang 17 ang kasalukuyang ginagatasan.

Noong 2008, nagsimula lamang silang mag-alaga ng isang gatasang kalabaw na may purong lahi hanggang sa napagsumikapan itong paramihin ng kanyang amang si Carlito Alfonso, isang premyadong magsasakang-maggagatas sa San Jose City, Nueva Ecija.

Isa ang kanyang ama sa napahiraman ng PCC ng limang kalabaw na may lahing Brazilian Murrah noong 2011.

Nguni’t nang magkasakit ang kanyang ama, nagtulung-tulong sila, kasama ang kanyang ina at kuya, sa pagtutok sa kanilang kalabawan. Taong 2014, nang magpasiya si Moises na maging full-time sa pag-aasikaso sa kanilang mga alagang kalabaw. 

Bukod sa maayos na pamamahala sa kanilang kalabawan, nagagawang paramihin ng pamilya Alfonso ang kanilang kawan dahil bumibili at nagbebenta rin sila ng mga kalabaw.

Karaniwang nabibili nilang kalabaw ay mga anak ng orihinal na stock ng may-purong lahing kalabaw na ipinahiram ng PCC. Mahigit 10 na ang bilang ng nabili nilang kalabaw.

“Mula 2011 hanggang 2016, bumibili kami ng kalabaw. Sa tuwing bibili kami, tinitingnan namin ‘yong rekord kung malakas gumatas ‘yong ina noong kalabaw,” sabi niya.

Dagdag niya, nagbebenta sila ng mga anak ng inahing kalabaw na hindi malakas magbigay ng gatas. Pinipili lang nila kung alin sa mga alaga nilang kalabaw ang mataas ang produksyon ng gatas.

Para sa reproduksyon ng kanilang mga alaga, artificial insemination (AI) ang kanilang paraan ng pagpapalahi. Bumili rin sila ng bulugan sakaling hindi mabuntis sa AI ang mga palahiang kalabaw.

“’Yong bulugan ang bahala kung may naglalandi nang kalabaw. Nakahalo ito sa mga babaing kalabaw. Noong wala pa kaming bulugan, humihiram kami sa mga ka-miyiembro namin na nasa ilalim ng programang bull loan ng PCC,” wika niya.

Aniya, ginagawa niya ang mga natutunan niya sa mga pagsasanay na inorganisa ng PCC partikular na ang Farmers Livestock School (FLS) para mas mapagbuti niya ang paraan niya ng pag-aalaga.

“Natutunan ko sa FLS ‘yong tungkol sa body condition score (BCS). Alam ko nang tumingin sa katawan ng kalabaw, kaya napapansin ko na kapag buntis ang kalabaw,”ani Moises.

Dagdag pa niya: “Base rin sa karanasan ko para maging maayos ang kalagayan ng bulo, unang 10 araw pagkapanganak nito ay dapat purgahin ito. Pagkatapos ng isang buwan hanggang apat na buwan, dapat na isagawa muli ang pagpupurga at tuloy binibigyan na rin ang mga ito ng bitamina.”

Cut-and-carry system ang pagpapakain ni Moises sa kanilang mga alaga na kinukuha niya, kasama ang apat niyang katulong, sa walong ektarya nilang bukirin.

Karaniwang napier, dayami, puno ng mais, feeds, darak, at molasses ang ipinapakain niya sa kanilang mga alaga.

“Kumikita kami ng netong Php2,100 hanggang Php4,200 araw-araw,” ani Moises. Nasa 96 litro ng gatas ang naibebenta namin araw-araw,” ayon sa kanya.

Bukod sa kita sa gatas ay may kita rin sila sa dumi ng kalabaw. Ibinebenta nila sa halagang Php100 ang 25 kilogramo ng dumi sa mga nagbe-vermicomposting.

Pangarap ngayon ni Moises na paabutin sa 500 ang bilang ng kanilang inaalagaan at ginagatasang kalabaw. 

Batid niya na malaking bahagi ang pag-aalaga at pagpaparami ng kalabaw sa pagpapataas ng kita ng kanyang pamilya, maliban sa katotohanang nakakapag-ambag sila sa pagpapataas ng produksiyon ng gatas at karne ng kalabaw.

Maliban sa karanasan ng pamilyang Alfonso at Larrazabal, napatunayan din sa Value Chain Analysis (VCA), na isinagawa ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) nang taong 2015 hanggang 2017, na malaki nga ang potensyal na kita mula sa gatas at karne ng kalabaw.

Kaya naman inirerekomenda ng mga gumawa sa pagsusuri na paghusayin pa ang pagpaparami ng kalabaw na may matataas na kalidad sa susunod na limang taon dahil napatunayan na ang sustainability ng industriya ng pagkakalabawan.

Isang bagay ang tiyak na tiyak sa itinindig na pinasok na gawain at pagnenegosyo ng pamilyang Larrazabal at Alfonso: Malaki ang ganansiya sa kalabawan na katulad ng sa kanila.

 

Author
Author

0 Response