Payo ng isang asensadong maggagatas, 'Manalig sa Sariling Kakayahan'

 

Para kay Richard Reyes, 34, ng Dolores, Bacolor, Pampanga, mahalaga ang pananalig sa sariling kakayahan at pagbubuhos ng matinding pagsisikap para magtagumpay sa isang gawain.

Aniya pa, hindi nararapat na maging masyadong palaasa sa biyayang ibinibigay ng gobyerno.

“Ang gobyerno ay dapat ituring na kabalikat o partner at hindi dapat gawing palagiang sandalan sa anumang gawain,”ani Richard.

Pinatunayan niya ito sa kanyang gawain sa pagkakalabawan.

Ibinahagi ni Richard na siya’y nagsimulang ma-engganyo sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw nang masaksihan niya at matiyak sa kanyang amang si Redentor Reyes at mga kaibigan na may kita mula sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw.

Ito ang tumimo sa isip niya nang ipasya niyang magtrabaho sa ibang bansa bilang machine operator.

“Bago ako umalis, sinabi ko sa sarili ko na pagbalik ko, bibili ako ng kalabaw. Mag-aalaga ako at magpaparami ng mga gatasang kalabaw,”aniya.

Tumiim sa kanyang isip ang saloobing iyon. Siya’y nagsikhay, nag-ipon, at nang siya’y bumalik galing sa pagtatrabaho sa Taiwan noong 2010, bumili siya ng dalawang mestisang kalabaw na may lahing Indian Murrah buffalo.

Sa ngayon, siya’y mayroong 10 gatasang kalabaw.

“Naging huwaran ko nga ang aking ama sa pagpaparami ng kalabaw. Noong mga taong 1980 ay 20 ang mga alaga niyang kalabaw,” ani Richard.

Si Richard ay kasalukuyang chairman ng Villa de Bacolor Dairy Farmers’ Association na naitatag noong 2016.

Umakit sa iba

Nangyari na ang kanyang amang si Redentor ay nangailangan ng malaking halaga ng salapi kaya’t ang mga una nitong mga alaga ay naipagbili. Gayunman, bunga ng halimbawang kanyang naipamalas sa pagkakalabawan, naakit din ang isa niyang kamag-anak na may sapat na kakayahang bumili ng mga gatasang kalabaw na pumalaot din sa pagkakalabawan. 

Umabot sa 10 kalabaw na crossbred at purebred ang nabili ng pamangkin ni Redentor na pinsan ni Richard. Si Redentor ang siyang umaruga sa mga kalabaw batay sa napagkasunduang sistemang paiwi – na ang unang dalawang anak ay sa kanyang pamangkin at ang pangatlo ay kay Redentor. Salitan na ang partihan sa mga susunod na mga magiging anak ng mga kalabaw.

Sa kabuuan, 76 na kalabaw ang inaalagaan nila na may lahing crossbred at purebred. Mula sa bilang na ito, 40 ang kay Redentor na naging bayad sa paiwi at mga nabiling kalabaw. Ang iba naman ay sa kanyang pamangkin at kay Richard.

“Nagbebenta ng kalabaw ang pamangkin ni Tatay kaya hindi gaano dumami ang kanyang gatasan, pero kami ni Tatay madalang lang magbenta. ‘Yong mga lalaki lang ang ibinebenta namin. Kapag nagkakaroon ng kaunting puhunan bumibili pa kami ng kalabaw para madagdagan ang kawan,” ani Richard.

Nasa Php50,000 hanggang PHp60,000 ang karaniwang presyo ng buntis na mestisang kalabaw na binibili nina Richard habang Php150,000 naman ang pinakamahal nilang nabiling inahing kalabaw na may kasamang anak.

Sa kasalukuyan, 18 ang ginagatasan nilang kalabaw, tatlo sa mga ito ang kay Richard. Umaabot sa 70 litrong gatas araw-araw ang nakokolekta nila na isinusupply naman nila sa Susie’s Cuisine.

Binibili ng isang nagnenegosyo ng mga produkto ng gatas ang naaani nilang gatas sa halagang Php73 kada litro. Nasa Php27,000 ang karaniwang kita nila sa isang linggo. Kapag naman puno na ng gatas ang mga freezer ng may-ari ng tindahang pinagdadalahan nila, ipinagbibili naman nila ang ibang ani sa ibang lugar.

Pag-aalaga

Ang mga kalabaw na inaalagaan nina Richard ay pinapastol sa 2.8 ektaryang bukid na naipundar nila mula sa kita sa paggagatas. Kadalasan ding nanginginain sa mga nakatiwangwang na lupa na malapit sa kanilang lugar ang ilan sa kanilang mga alaga.

Ayon kay Richard, mga natural na damong tumutubo sa bukid na pinagsusugahan tulad ng paragrass ang nagsisilbing pagkain ng kanilang mga kalabaw.

Mula alas kwatro hanggang alas sais ng umaga ang kanilang paggagatas. Pagkatapos gatasan ay isusuga na rin nila ang mga ito at iuuwi tuwing alas singko ng hapon.

“May suplementong painom ako sa aming mga ginagatasang kalabaw. Naniniwala akong nakatutulong ito ng malaki sa produksyon ng maraming gatas ng aming mga alagang kalabaw,” pahayag ni Richard.

Ang kombinasyon ng suplementong ito na ipinaiinom nila para sa isang kalabaw ay naglalaman ng apat na kilong sapal ng taho (Php250 kada sako) na may halong 80-100 litrong tubig, apat na tasang pulot, at apat na kilong soya.

Nilalagyan din nila ng asin ang tubig na iniinom ng kanilang mga alaga.

Aniya, noong nakaraang Oktubre ay umabot sa 105 litrong gatas ang nakolekta nila sa isang araw mula sa 18 ginagatasan nilang hayop. Ang karaniwang aning ito sa isang araw, dagdag niya, ay tumagal ng dalawang linggo.

“Umaani ako ng walong litro sa F2 (50-50 ng lahing purebred at native) at 11 litro sa crossbred na F3 (75-25 ng purebred at native) namin,” pagmamalaki niya.

Puspusan din ang ginagawang pagbabantay nina Richard sa paglalandi ng kanilang mga alagang kalabaw para maseguro ang mabilis na pagkabuntis ng mga ito.

Tuwing alas sais ng umaga at hapon, inilalabas ng isang tauhan nila ang purong lahing bulugan at inilalapit sa mga babaing palahiang kalabaw. Kapag natiyak na ng bulugan na naglalandi na ang nilapitang kalabaw ay hinahayaan na itong bulugin.

Gumagamit din siya ng prostaglandin sakaling matagal nang hindi naglalandi ang kalabaw. Aniya, ang pinakamahabang calving interval ng mga alaga nila ay 14 na buwan.

“Sa una pa lang na palatandaan ng paglalandi, ipinabubulog ko na agad. ‘Pag hindi nabuntis sa pangalawang pagpapabulog, ipinaiilalim ko na ito sa pagsusuri,” ani Richard.

Bagama’t sariling pagsisikap ang pinaiiral ng pamilya Reyes sa pagpaparami ng kanilang kalabaw, ibinahagi rin niya ang mga naging tulong ng Philippine Carabao Center (PCC) sa kanila at gayundin sa mga miyembro ng kanilang asosasyon.

Nagpahiram ang PCC ng isang bulugan, na may purong lahing gatasang kalabaw, sa ilalim ng bull loan program ng ahensiya. Bukod dito, inaasistehan din sila ng PCC sa Central Luzon State University (PCC@CLSU) sa teknikal na pangangailangan tulad ng pregnancy diagnosis, ear tagging, proper documentation, at milk recording.

Para naman sa mga gustong pumalaot sa pag-aalaga ng kalabaw ganito ang kanyang payo:

“Dapat pag-aralan nilang mabuti ang mga gawain, kabilang na ang mga kaukulang teknolohiya, kung hindi pa nila ganap na alam ang pagkakalabawan. Hindi ‘yong ‘pag narinig mo dahil trending e bibili ka na agad ng kalabaw para makiuso sa pagkakalabawan.”

Dagdag pa niya:

“Kailangan ding isaalang-alang ang merkado kung mag-aalaga ka ng kalabaw. Kung desidido ka talagang matuto, magsanay ka bago ka bumili para walang pagsisisi sa dakong huli.”

 

Author

0 Response