Paggawa ng 'Powdered Milk' mula sa kalabaw, iba pang mga produkto, tinutuklas, ginagawa sa 'Food Innovation Center' sa CSU sa Tuguegarao

img
Powdered carabao’s milk

Mga nababago, kakaiba o binibigyan ng pagbabago, ito ang lundo ng hangarin ng “Food Innovation Center” (FIC) ng Cagayan State University (CSU) sa Tuguegarao, Cagayan sa pagsasakatuparan ng gawain nito.

Kaugnay nito, nagbibigay ng serbisyong teknikal ang sentrong ito sa may-ari ng micro, small, at medium enterprises (MSME) at iba pang stakeholders lalo na sa may kinalalaman sa mga produktong agrikultural at aquakultural.

“Ang FIC ay itinindig sa pagtutulungan ng CSU at Department of Science and Technology (DOST),” ayon kay Engineer Arthur Ibañez, Program Manager ng CSU-DOST O2 FIC.

Sinuportahan ito nina Dr. Urdujah A. Tejada, presidente ng CSU, at Dr. Romeo R. Quilang, na dating pangulo ng CSU, dagdag niya.

Si Dr. Tejada ay dating DOST assistant secretary, Program Manager for Countryside Development, at dating regional director.

“Sa pamamagitan ng center na ito, magiging mas madali para sa mga MSME owners na makakuha ng kailangan nilang suporta at serbisyo. Mas madali ring maibabahagi sa kanila ang mga makabagong teknolohiya at mabibigyan ng ganap na tulong sa paggamit nito,” dagdag ni Ibañez.

May siyam na project components ang CSU-DOST 02 FIC. Isa sa mga ito ang product development.

“Tinitingnan namin ang lahat ng produkto ng mga agricultural campuses ng CSU, sinisiyasat at ginagawan ng nararapat pang pagbabago upang ganap na ma-develop,” paliwanag ni Ibañez.

Isa sa pinagtutuunan ng pansin ng FIC sa ilalim ng kategoryang product development, aniya pa, ay ang mga produktong ginawa mula sa gatas at karne ng kalabaw.

Powdered carabao’s milk

Nagsagawa na ng mga kaukulang hakbang ang FIC sa paggawa ng pinulbos na gatas ng kalabaw (powdered carabao’s milk), pahayag ni Ibañez.  Gamit ang sangkap na maltodextrin at ang kanilang high impact technology solutions (HITS) equipment tulad ng dryer, fresh dryer, water retort, vacuum fryer, at vacuum packaging machine, may panimula nang tagumpay na posibleng maging daan sa paggawa ng powdered milk mula sa purong gatas ng kalabaw, dagdag niya.

Sinimulan ang proyekto sa paggawa ng powdered carabao’s milk sa FIC noong 2016.

“Na-develop na ng FIC ang packaging at na-establish na ang shelf life nito,” paliwanag ni G. Denis Policar, Project Leader ng CSU-DOST 02 FIC. 

Sa kasalukuyang pamamaraan, aniya, makagagawa ng 180-200 gramo ng powdered milk mula sa isang kilogramo o litro ng gatas ng kalabaw. Kayang gawing pulbos ang anim hanggang pitong litro ng gatas ng kalabaw sa isang oras.

Gayunpaman, ayon pa kay Policar, hindi pa ito ganap na handa para isapamilihan.

“Kailangan pa ng karagdagang pag-aaral tungkol dito dahil may mga kailangan pang mapagbuti kagaya ng solubility o kakayahang agarang malusaw ito sa tubig,” dagdag niya.

Pero ang maganda sa proyektong ito, ayon sa kanya, ay malaki ang potential ng powdered milk na mapakinabangan dahil mas matagal ang shelf life nito kumpara sa sariwang gatas ng kalabaw na ibinebenta ngayon. Dagdag pa niya, masisiguro ng mga bibili, kapag na-commercialize na ito, na talagang purong gatas ng kalabaw lamang ito.

Ayon sa datos ng National Dairy Authority, halos lahat ng gatas, lalo na ang milk powder, ay inaangkat ng Pilipinas mula sa ibang bansa dahil hindi kayang tustusan ng local production ang kailangang gatas ng bansa.

Corned carabeef

Isa sa mga produktong mula sa karne ng kalabaw na nabuo na ng FIC ay corned carabeef.

“Dahil mas mura ang karne ng kalabaw at napatunayang mas masustansiya ito, sinubukan kong gumawa ng corned carabeef sa tulong ng FIC noong 2012,” ani Marlene A. Baculi, Professor III sa College of Industrial Technology ng CSU.

Ayon kay Baculi, upang makagawa ng corned carabeef, hinihiwa ang karne ng pakuwadrado, nilalagyan ng mga kinakailangang sangkap; pinalalambot, hinihimay, at iginigisa bago isa-pakete.

“Pagkabili ng carabeef, dapat munang hugasan ito ng mabuti pero huwag hahayaang maalis ang mga taglay na sustansya,” sabi ni Baculi.

Ang dalawang mga produktong ito mula sa kalabaw, anang mga kinauukulan sa FIC, ay mga halimbawa ng mga produktong nais na mai-demonstrate ng sentro sa mga gustong magnegosyo.

Marami pang iba’t ibang produkto, anila, ang patuloy na sinusubukang tuklasin at isagawa ng CSU-DOST 02 FIC.

Kung may kinalalaman naman sa paglilipat ng teknolohiya o pamamaraan sa paggawa ng mga produktong ito, ito’y isinasagawa alinsunod sa Technology Transfer Law.

 “Ginagawa natin ito upang makatulong sa mga MSMEs na makapag-market ng mga produktong may potensiyal na maging patok sa panlasa ng mga mamimili,” pagbibigay-diin ni Ibañez.

 

0 COMMENTS

0 Comments