Pakinabang sa lakas-kalabaw

 

Sagad-sagad ang pasasalamat ni Daniel Nahig, 50, sa alaga niyang kalabaw.

Isa siya sa mga nagpapatunay na talagang malaking bagay ang lakas-kalabaw sa agrikultura at sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka.

Kung wala ang  kalabaw, hindi lubos mawari ni Mang Daniel kung paano itataguyod ang mga gawain niya sa bukid.  Ito’y dahil sa maburol ang sinasaka niyang lupa sa Sitio Allulog, Barangay Magulon, Lamut, Ifugao. Ang kanyang bayan  ay matatagpuan may 27 kilometro mula sa bayan ng Lagawe na siyang kabisera ng lalawigan.

“Malaking tulong ang aking kalabaw sa pag-aararo at sa pagka-karyada,”ani Mang Daniel.

Siya’y nagtatanim  ng palay, mais at baguio beans na ang mga ani ay naisasapamilihan sa pamamagitan ng pagka-karyada.

Ang “karyada” ay gawaing may kinalaman sa paghahatid ng ani mula sa bukid hanggang  sa dapat patunguhan nito na gamit ang kalabaw at kariton.

“Malaking kakulangan para sa isang magsasakang tulad ko kung wala ang kalabaw. Talagang napakahalaga ng pagkakaroon nito sa aking pamumuhay,” pagbibigay-diin ni Mang Daniel.

Lakas-kalabaw sa pag-aararo

Ayon kay Mang Daniel, talagang kailangan niya ang kalabaw sa gawaing pag-aararo. Ang kabuuang lupang kanyang sinasaka ay 1.45 ektarya. Sa sukat na ito, 1.5 ektarya ang kanyang taniman ng palay sa dalawang magkahiwalay na lugar na matatagpuan sa kanilang barangay; habang 4,000 metro kuwadrado naman ang taniman niya ng mais at baguio beans na matatagpuan sa maburol na bahagi ng Sitio Allulog, Barangay Magulon, Lamut, Ifugao.

 “Maburol at matarik ang aking lupang sinasaka sa taniman ko ng mais kaya naman kahi’t gustuhin kong gumamit ng makina tulad ng hand tractor ay  mahirap at mapanganib na  isagawa,” ani Mang Daniel.

Pangkaraniwan, ayon sa kanya, tumatagal ng kalahating araw ang pag-aararo niya sa taniman niya ng mais na may lawak na 2,000 metro kuwadrado mula sa 4000 metro kuwadrado niyang lupang taniman. Ang mga bahaging hindi niya naaararo sa lugar (2000 metro kwadrado) ay tinatamnan niya ng baguio beans sa tulong ng ibang kagamitan sa bukid. Ang lupang ito ay sangla sa kanya ng isang kaibigan sa kanilang barangay sa halagang Php60,000.

“Madali lamang araruhin ng kalabaw ko ang taniman ko ng mais. Maski na may katarikan ang lugar na ito ay kayang-kayang magbalanse ng aking kalabaw ng kanyang katawan para sa pag-usad sa aming mga gawain,” natutuwang sabi ni Mang Daniel.

Gamit din ni Mang Daniel ang kanyang kalabaw sa mga gawain ng pag-aararo sa kanyang 1.5 ektaryang lupang sakahan na pinagtataniman niya ng palay. Sa sukat na ito, 2,500 metro kwadrado lamang ang kanyang pagmamay-ari samantalang 8,000 metro kwadrado ay lupang inuupahan niya mula sa isa niyang kaibigan na nakatira sa kaparehas na barangay nila.

“Wala akong hand tractor kaya’t importante sa akin ang aking kalabaw ,” ani Mang Daniel. “Kung mayroon mang hand tractor, hindi rin nito magagawang araruhin ang mga bahaging nasa gilid ng mga pilapil. Kailangang-kailangan ang kalabaw sa ‘dukit’ o pag-aararo sa mga lugar na di kayang gawin ng hand tractor,” ani Mang Daniel.

Idinagdag pa niya na:

“Kung minsan, mas mainam pa nga ‘yong kalabaw na gamitin dahil wala kang gastos na di katulad ng sa makina o hand tractor na kailangan mo pang bilhan ng diesel.”

Maliban sa sariling lupang sinasaka, siya’y tinatawag ng ibang kapwa niya magsasaka sa kanilang lugar para araruhin ang kani-kanilang bukid sa tulong ng kanyang kalabaw.

“Wala kasing kalabaw ang ibang kapwa ko magsasaka rito kaya naman nagpapaararo sila sa akin,” ani Mang Daniel. “Karaniwan, nasa halagang Php200 hanggang Php400 ‘yong binabayad nila sa akin kada araw sa pag-aararo. Karagdagan ko na ring kita ito,” masayang dagdag niyang sabi.

Mula nang taong 1992, sinabi ni Mang Daniel na nakita niyang talagang malaki ang ginagampanang papel ng kalabaw sa gawain sa pagsasaka ng kanyang mga kababaryo.

“Kitang-kita ang bagay na ito sa pag-aararo at sa pagka-karyada,” ayon sa kanya.

Lakas-kalabaw sa karyada

Sa panahon ng anihan, hindi matatawaran ang lakas na naibibigay na tulong ng kalabaw, patotoo ni Mang Daniel. Sa tuwing sasapit kasi ang panahong ito, ang kalabaw ang siyang sandigan ng mga magsasaka sa pag-aahon ng kanilang aning mais, baguio beans at palay mula sa bukid.

Partikular sa kanyang maisan at taniman ng baguio beans, kinakailangan niyang higi’t ang kanyang kalabaw. Ito’y dahil maputik at mahirap na lakbayin ang daan patungo sa nasabing lugar kaya naman hindi maraanan ng kahit anong gamit sa transportasyon maliban na lamang sa kalabaw.

Sakali’t umulan, umaabot sa hanggang siyam na pulgada ang lalim ng putik sa daan. Kung tag-araw naman, karaniwang nasa anim na pulgada ang putik sapagka’t dinaraanan ito ng tubig na nagmumula sa kanal ng irigasyon na nasa gilid ng daan.

May lapad din na 2.5 metro ang nasabing daan at kung ito’y lalakarin ng tao, aabot sa 15 minuto ang paglalakad. Nguni’t  kapag gamit ang kalabaw, ani Mang Daniel, mga nasa pitong minuto lamang ang itatagal ng biyahe mula sa kanyang bukid hanggang sa pinakamalapit na sementadong kalsada kung saan niya dinadala ang mga naaning gulay bago ito isakay sa jeep at ibenta sa pamilihan.

Sa pag-aani ng kanyang tanim na mais, katuwang ni Mang Daniel ang pito hanggang 10 manggagawa sa pag-aani ng bunga, paggigiik na gamit ang “thresher” at pagsasakay ng ani sa kariton na hinihila ng kalabaw. Binabayaran niya ng halagang Php200 ang bawa’t manggagawa sa isang araw na paggawa.

Karaniwa’y nasa 30 hanggang 50 sako ng nagiik na butil ng mais ang inaani sa kanyang bukid. Bawa’t sako ay may timbang na 48-52 kilogramo at makalawa sa isang taon ang kanyang pag-aani.

Sampung sako ang inilululan sa kariton  bawa’t biyahe na kung tutuusin ay tumitimbang ng 480 hanggang 520 kilogramo. Pero, sa lakas ng kanyang kalabaw, tila magaan lamang ito na naiaahon sa maputik na daan.

Kasama rin sa kanyang kinakaryada, na katuwang ang kalabaw, ang inaaani niyang palay. Pero hindi tulad ng sa inaani niyang mais, mas madali ang pag-aahon ng mga inaaani niyang palay dahil ilang metro lamang ang layo nito sa pinakamalapit na kalsada na nadaraanan na ng sasakyan.

Bukod sa saariling ani, nagagamit din ni Mang Daniel ang kanyang kalabaw at kariton sa pag-aahon ng ani ng  kapwa niya magsasaka na walang kalabaw.

“Ang bayad sa akin sa gawaing ito ay nasa halagang Php25 kada sako ng palay,” ani Mang Daniel. “Kumikita ako ng halagang Php3,000 dalawang beses kada taon mula sa pagkakaryada,”anya.

Katuwang sa pag-unlad

Sa mahigi’t kumulang na 40 taon ni Mang Daniel sa pagbubukid, katuwang na nga niya ang kanyang kalabaw sa iba’t ibang gawain. Sa tulong nito, masasabing malaki ang papel na ginagampanan nito sa pagpapaangat ng kabuhayan at pagtataguyod sa kanyang pamilya.

Sa kanyang pagtutuos, karaniwang kumikita siya ng halagang Php22,500 hanggang Php25,500 kada anihan sa 2,500 metro kuwadrado niyang taniman ng palay; Php45,000 hanggang Php59,500 kada anihan sa 8,000 metro kuwadradong ng tinatamnan niya ng ibang pananim; Php18,000 hanggang Php24,000 sa 2,000 metro kuwadrado niyang niyang taniman ng mais; at Php30,000 hanggang Php48,000 sa 2,000 metro kuwadrado niyang taniman ng baguio beans.

“Hindi ko kikitain ang mga halagang ito kung wala akong katuwang na kalabaw,” ani Mang Daniel.

Dahil na rin sa tulong nito, anya,  napagtapos na niya ang mga anak niyang sina Roidan at Jezreel sa kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Ifugao State University (IFSU) at Radiologic Technology sa Medical College of Northern Philippines sa Peñablanca, Cagayan, sa gayong pagkakasunod.

Kasalukuyang pinapag-aral niya sina Angel Lei sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa IFSU at si Gwendeline  na Grade 8 na sa darating na pasukan sa Hunyo. Tulad nina Roidan at Jezreel, mapagtatapos din niya ang mga ito sa kanilang mga pag-aaral sa kanyang mga gawaing kabalikat ang kanyang maaasahang kalabaw.

 

Author

0 Response