Mga muhon ng PCC sa nilakarang 25 taon

 

Ang ika-25 taong pagkakatatag ng Philippine Carabao Center bilang pangunahing institusyon ng pananaliksik at pag-unlad ay isa sa mga muhon ng tagumpay na ipinagmamalaki nito.

Ganito kalayo ang narating ng ahensiya dahil sa matibay at nakatuong direksiyon nito, kabilang ang mga estratehiyang ipinatutupad ng mga kawani, kabalikat na mga ahensiya at mga indibidwal. Nguni’t ang lahat ng mga ito ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa pundasyong inilatag na ng mga “haligi” at “tagapanguna” sa pagpapaunlad ng industriya ng kalabaw bago pa man naitatag ang PCC noong 1992 at kalakip ang mga unang taon ng pagkakabuo nito.

1993-1997

MGA UNANG TAON NG PAGKAKATATAG

Ito ang mga taon ng pagsibol ng Philippine Carabao Center. Nagsimula ang operasyon nito noong 1993, matapos na lagdaan ang Republic Act 7307 o Philippine Carabao Act of 1992 noong Marso 27, 1992, at matapos ilunsad ng noo’y Presidente Fidel V. Ramos ang National Carabao Development Program sa sumunod na taon.

Noong una ay may anim na sangay na panrehiyon ang PCC sa buong bansa hanggang sa madagdagan ito ng pito pang sangay noong 1994.

Sa mga panahong ito, nag-angkat din ang PCC ng 220 American Murrah Buffaloes at 403 Bulgarian Murrah Buffaloes. Nakapagprodyus ng mga ‘test-tube’ na bulo mula sa in vitro fertilized/in vitro matured na embryo at naitindig din ang national headquarters and gene pool facilities sa Nueva Ecija.

Ang iba pang mga aktibidades na naganap sa mga taong ito ay ang pagiging host ng PCC sa 2nd Asian Buffalo Congress at paglulunsad ng Carabao-based Enterprise Development (CBED) Program.

1998-2002

INSTITUSYONALISASYON NG CARABAO AND ENTERPRISE DEVELOPMENT

Sa panahong ito naitatag ang CBED sa pamamagitan ng ikalawang yugto ng paglulunsad ng Carabao Development Program na pinangunahan ng noo’y Presidente Joseph E. Estrada.

Ang iba pang mga muhon ng PCC sa mga taong ito ay ang pag-angkat ng 1,078 Bulgarian Murrah Buffaloes; groundbreaking ceremony at pagpapasinaya ng research and training facilities ng PCC; pagpirma ng gobyerno ng Pilipinas at Japan sa “Water Buffalo and Beef Cattle Improvement Project” (WBBCIP), isang proyektong naglalayon na pagbutihin ang productivity ng kalabaw at baka; pagkakaroon ng satellite laboratory para sa reproductive biotechniques sa kalabaw sa pasilidad ng Frigorifico Allana Limited sa Aurangabad, India, pagdadala sa Pilipinas ng vitrified IVM/IVF-derived na embryo na nabuo sa India at ito ay inilipat sa mga BMB na babaeng kalabaw sa national gene pool ng PCC at sa kalapit na barangay.

Sa panahon ding ito ipinanganak ang unang bulo na nabuo mula sa in-vitro produced-vitrified-warmed embryo. Kasabay nito ang ika-55 kaarawan ng dating Presidente Gloria M. Arroyo kaya’t pinangalanan itong “Glory”.

2003-2007

PAGSUNOD SA INTERNATIONAL QUALITY STANDARDS

Pagsesertipika ng PCC sa ilalim ng International Organization of Standardization (ISO) 9001:2000. Ang ahensiya ay pumasa sa kabila ng mahigpit na pagsusuri na isinagawa ng SGS (Societe’ Generale Surveillance) Philippines.

Ang iba pang mga muhon ng ahensiya sa mga taong ito ay: ipinanganak ang kambal na bulo mula sa mga embryo na in vitro-fertilized; nagsilbing host ang PCC sa 7th World Buffalo Congress; binigyan ng Bureau of Food and Drugs ang PCC ng manufacturing license para sa gatas at keso; ipinatupad ang mga proyektong “Expanding the Reach of AI Program for the Acceleration of Dairy Herd Build-Up” at “Environmental Animal Health Management”; inilunsad ang librong “Changing Lives…Beyond the Draft Carabao”; mas pinaigting ang mga gawaing pananaliksik lalo na sa larangan ng reproductive biotechnology; at pagkakatatag ng PCC Molecular Genetics Laboratory (MGL).

Sa mga panahon ding ito sinimulan ng PCC ang pakikipagtulungan sa Korea International Cooperation Agency (KOICA).

2008-2012

PAGTATALAGA BILANG PANGUNAHING INSTITUSYON SA LIVESTOCK R&D

Sa mga taong ito nagsimula ang PCC na manguna sa biotechnology R&D sa iba pang mga klase ng livestock bilang resulta ng karagdagang mandato nito mula sa DA. 

Ang iba pang mga muhon ng ahensiya sa mga taong ito ay: mas lumawak at tumatag ang pagtutulungan ng PCC at KOICA; infusion ng genetic materials para sa gatasang kalabaw; inilunsad ang International Buffalo Knowledge Resource Services (IBKRS) website; pagiging miyembro ng PCC sa International Buffalo Consortium; nagbigay ang PCC ng “international study program on livestock” sa ilalim ng JICA-TCTP; inagurasyon ng “Central Milk Collecting and Processing Facility”; binuksan sa publiko ang “Milka Krem”; isinagawa ng JICA at PCC ang Third Country Training Program para sa Myanmar; nagsilbing host sa 9th ARBS Conference; at inagurasyon ng mga bagong pasilidad ng PCC. Taong 2008 din nang kinilala ang PCC bilang “Most Outstanding Research Institution” at ginawaran ng “Tanglaw Award” ng PCAARRD.

2013-2017

RASYONALISASYON AT STRATEGIC SHIFT SA PAGSASAKATUPARAN NG PROGRAMA

Ito ang mga taon nang simulan ng PCC na isakatwiran at ilipat ang pokus nito mula sa pagiging isang “R&D institution” sa pagiging “R4D agency”. Ito’y alinsunod sa pagbabagong naging dulot ng rationalization program ng Department of Agriculture.

Maliban sa pagtutuon ng adyenda nito sa pananaliksik noong 2014, sa taon ding ito hinirang si Dr. Arnel del Barrio bilang bagong Executive Director ng PCC pagkatapos magretiro ni Dr. Libertado C. Cruz na nagsilbi sa ahensiya sa loob ng 21 taon.

Sa mga taon ding ito nag-angkat ang PCC ng Italian Mediterranean Buffaloes; itinatag at pinasinayaan ang mga pasilidad na tulad ng AI bull farms, semen laboratories at Livestock Innovations and Biotechnology Complex; inilunsad ang dairy buffalo multiplier farm module, milk supplementation program, Dairy Box, Milka Krem outlet sa Laguna; naghost at nagsagawa ng National Carabao Conference, International Training on Reproductive Biotechnology, National Knowledge Sharing Forum at International Conference on CBED; pinangunahan ang Farmers Livestock School sa gatasang kalabaw, at iba pa.

 

 

 

Author
Author

0 Response