Santuwaryo ng Kalabawan sa Calayan Island, Cagayan, Pinatitibay ng PCC

 

Hindi alintana ang 15 oras na paglalakbay mula sa punong tanggapan ng Philippine Carabao Center sa Science City of Munoz, Nueva Ecija para sa muling pagbisita sa santuwaryo ng kalabawan sa Calayan Island. Hindi kasi maikakaila ang payak na kagandahang ipinamamalas ng lugar na ito at higit sa lahat ang mainit na pagtanggap ng mga taga Calayan.

Isang grupo ng mga mananaliksik ng PCC ang nagsagawa ng “Calayan Kalabawan: Pagbabalik Tanaw” noong Abril 22-24. Kabilang sa grupo ang PCC sa Cagayan State University (PCC@CSU) Center Director na si Franklin Rellin at PCC@CSU Senior Science Research Specialist Edelina Rellin, at mga mananaliksik mula sa PCC national headquarters para sa DABIOTECHR1506 (Proyekto mula sa DA-BAR & DA-Biotechnology Program) na sina Lilian Villamor, Aivhie Jhoy Escuadro, at Therese Patricka Cailipan.

Ang muling pagbisita ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PCC na masuportahan ang mga lokal na mga magsasaka at pamahalaan mula pa noong unang siyasatin ang isla bilang santuwaryo sa mga katutubong kalabaw o native carabaos noong 2015.

Ilan sa mga mahahalagang bagay na tinalakay ay ukol sa mga programang salig sa kalabaw, pagtukoy ng klase o katangi-tanging lahi ng katutubong kalabaw sa Calayan, at pangangasiwa sa paggawa ng komunal na pasilidad para sa hayop sa isla.

Nakilahok sa aktibidad na ito ang mga opisyales mula sa lokal na pamahalaan at mga magsasakang may mga kalabaw mula sa siyam na barangay kabilang ang Balatubat, Cabudadan, Centro 2, Dadao, Dibay, Dilam, Magsidel, Minabel, at Poblacion.

Ang layunin ay para makapamili at makabili ang PCC ng kahit 31 bulugang kalabaw mula sa mga lokal na magsasaka at ang mga ito ay gagamitin bilang paunang kalabaw para sa konserbasyon.

Ang aktwal na pag-iimbentaryo sa lugar para sa pagpili ng bulugan ay batay sa natukoy na mga hayop bilang katutubong kalabaw at ayon sa kanilang pisikal na katangian tulad ng taas (height at withers), laki, at haba ng katawan.

Adhikain ng proyekto na matukoy at maintindihan ang pagkakahalintulad at pagkakaiba ng mga lahi ng katutubong kalabaw sa Pilipinas. Nauna nang isinama sa pagsusuri ang mga kalabaw sa Calayan upang malaman ang pisikal na katangian at makakolekta ng dugo para sa molecular characterization.

Base sa paunang resulta ng isinagawang pagsusuri, tinutukoy na katangi-tangi ang lahi ng kalabaw sa Calayan sa Luzon. Ito ay nagsisilbing impormasyon para maunawaan ang pagkakaiba ng lahi ng hayop sa bansa tungo sa estratehikong paraan ng pangangalaga, pangangasiwa, at paggamit ng lahi ng katutubong kalabaw. 

“Ang bagong impormasyon na ito sa mga katutubong kalabaw ay patuloy na maggaganyak sa mga magsasaka para protektahan, palakasin, at pangalagaan ang kalusugan, nutrisyon, at pagpaparami pa ng kanilang mga alagang hayop,” ani Lino Llopis, Municipal Agriculture Officer ng Calayan.

Kasalukuyan namang nakatayo sa 100 ektaryang lupaing ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng Calayan ang komunal na pasilidad para sa konserbasyon ng mga katutubong kalabaw sa lugar. Inaasahang makukumpleto ang pagtatatag ng nasabing pasilidad sa katapusan ng taong ito.

Ang pasilidad ay may kapasidad na maglaman ng 40 mga katutubong kalabaw na magiging paunang kalabaw para sa pagpapalahi at pangangalaga nito. Katugon nito ay magkakaroon din ng opisina para sa mga mananaliksik ng PCC at mga teknikal na tauhan na palagiang bibisita at mamamahala sa mga hakbanging isasagawa sa santuwaryo.

Bagama’t malayo ang biyaheng kailangang tahakin patungo sa islang ito, hindi ito hadlang para sa pananaw na tulungan ang Calayan na maging mas makulay na komunidad ng mga progresibong magsasakang may alagang kalabaw.

Kaagapay ang PCC at ang hindi maikakailang positibong tanawin at pag-asa ng mga taga Calayan ukol sa Carabao Development Program, ang pananaw na ito ay hindi manananatiling pananaw lamang bagkus ay magkakaroon din balang araw ng katuparan.

 

Author
Author

0 Response