Malulusog na kalabaw para sa mas maunlad na kabuhayan

 

“Angkop at matiyagang pag-aaruga sa mga kalabaw. Bakit naman hindi mo ito isasapuso at isasagawa e sila iyong kaagapay naming mga magsasaka sa pagsulong ng aming kabuhayan?”

Ayon ito kay Genielex Raymundo, presidente ng Sinaoangan Sur Dairy Association sa San Agustin, Isabela, na isa sa mga matatagumpay sa pagkakalabawan sa nasabing bayan.

Kabilang si Raymundo sa mga dumalo sa pagsasanay na tumalakay sa wastong pag-aalaga at pagsisiguro sa kalusugan ng kalabaw. Ginanap ang pagsasanay noong Mayo 16-18, 2018 sa Isabela.

Bunga ng kanyang natutunan sa pagsasanay, naiiwasan na ngayon ni Raymundo ang pagkakaroon ng “fasciola”, “mastitis” at “surra” sa kanyang mga alagang hayop.

Si Raymundo ay isa sa napiling mapabilang sa proyektong “Development of Health Care Technologies and Practical Farm Practices in Support of Increasing Buffalo Milk Production”.

Nangungunang layunin ng proyekto na masugpo at maiwasan ang mga natukoy na mga sakit ng kalabaw na may lubhang negatibong epekto na idinudulot sa produksyon ng gatas.

Ikatlong Proyekto

Ayon kay Dr. Claro Mingala, ang proyekto ay naka-angkla sa hangaring  maabot ang produksiyon na 2,000,000 kg ng gatas sa Nueva Ecija at 197,000 litro ng gatas sa loob ng tatlong taon sa San Agustin. Ito ang ikatlong bahagi ng programang “Enhancing Milk Production of Water Buffaloes through S&T Interventions”.

Ang programa ay isinasagawa sa pagtutulungan ng PCC at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).

Taong 2016 nang nagsimula ang  ikatlong proyekto. Saklaw nito ang mga kooperatiba mula sa National Impact Zone at San Agustin, Isabela.  Tagapanguna sa likod ng tatlong taong proyekto  sina Dr. Mingala, Dr. Marvin Villanueva at Dr. Ermyn Ermitanio ng PCC.

Mayroong kabuuang apat na inisyatibo na napapaloob sa proyekto.  Una, ang pagdetermina sa mga naging pangunahing sanhi ng pagkabawas ng produksyon ng gatas. Ikalawa ay pag-alam sa mga teknolohiyang magagamit ng magsasaka upang mapababa ang insidente ng pagkakasakit ng kalabaw. Ikatlo ay pagpapasa ng  mga kaalaman at teknolohiya sa mga magsasaka, at  ika-apat ay paggawa ng paraan upang maagang matukoy ang mga gatas na apektado ng sakit sa pamamagitan ng molecular-based tests.

Kada taon ay kinukunan ng datos ang progreso ng proyekto. Sa unang taon pa lamang ng proyekto ay nakakitaan na ng pagbaba ng bilang ng mga kalabaw na nagtataglay ng mga natukoy na mga sakit.

Pamamaraan laban sa mga sakit

Ang Fasciola, Surra at Mastitis ay itinuturing na mga pangunahing sakit ng kalabaw. Sa pamamagitan ng proyekto, tiniyak ang mga kaalamang kinakailangan sa paglaban o pag-iwas sa mga nasabing mga sakit.  

Ang Fasciola o liver fluke, ayon sa mga eksperto, ay sakit na hatid ng mga parasitikong nagmumula sa kontaminadong damong pakain sa kalabaw. Nagdudulot ito ng pagkabawas ng nutrisyon ng kalabaw.

Ayon kay Raymundo, natutunan niyang dapat na siya mismo ang magsakate ng pakain para sa kanyang mga kalabaw upang matiyak niya  na hindi ito kontaminado ng parasitiko.

Inirerekomenda din niya na dapat na isagawa ang pagpupurga at tiyaking malinis ang tubig na ipinaiinom upang maiwasan ang fasciola. Kailangan din, aniya, na ibilad muna ng isang araw ang damo  bago ito ipakain sa kalabaw.

Ang mastitis o ang pamamaga ng “dede” ng kalabaw ay sakit na ‘di lang nakapagbabawas ng produksyon ng gatas kundi pati kalidad nito.

Sa paglalahad ni Raymundo, sinabi niya na bago niya gatasan ang kalabaw ay nililinis muna  niya ang “dede” sa pagsasawsaw ng mga utong nito sa tubig na may iodine solution. Pagkaraang gatasan, muli niyang hinuhugasan ang “dede” upang maiwasang makapasok ang bakterya na siyang dahilan naman ng pagkakaroon ng mastitis.

Ang ginagawa niya, dagdag pa ni Raymundo, ay isa lamang sa pamamaraan upang maiwasan ang mastitis. Dapat din, aniya, na  panatilihing malinis ang koral at paligid ng mga gatasang hayop. Hindi rin dapat, aniya pa, na hayaang umupo ang hayop sa loob ng isang oras pagkatapos na ito’y magatasan.

Sinabi pa ni Raymundo na nararapat na ihiwalay ang mga apektadong hayop at gumamit ng antibiotiko na rekomendado ng beterinaryo. Kailangan ding panatilihin ang kalinisan ng mga gamit sa paggagatas at ugaliing suriin ang kalabaw sa pamamagitan ng Somatic Cell Count at California Mastitis Test, dagdag pa niya.

Ang surra naman, sa kabilang banda, ay nagiging sanhi ng paghina ng hayop at ng aborsyon.  Ito ay naipapasa sa hayop mula sa kagat ng mga insekto na gaya ng Tabanus o horse fly.

Ganito naman ang pahayag ni Florencio Madulid ng Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative sa San Jose City.

“Simula ng makunan ang kalabaw ko, naging kaugalian ko na ang pagpapaturok ng anti-surra sa mga buntis kong kalabaw”.

Upang maiwasan ang pagkalat ng surra, naglalagay ng mga NZI trap ang PCC sa iba’t ibang lugar sa NIZ at San Agustin, Isabela. Gumagamit din ito ng trypanocidal drugs sa kalabaw.

Ang NZI trap ay pamitag na  gawa sa tela at nilalagyan ng ihi ng kalabaw upang maakit ang mga insekto at sila’y madaling matipon.        

Sa pagtatapos ng proyekto sa Enero ng susunod na taon, tiniyak ng ahensiya na mas lalo pang palalawigin ang inisyatibo sa pagbabahagi ng kaalaman at teknolohiyang pangkalusugan sa mga magsasakang maggagatas.

Kasalukuyang inihahanda na ang mga babasahin at mga polyeto ukol dito upang magsilbing giya sa mga magsasakang maggagatas, ani Dr. Mingala.

Base sa datos na nakalap, bumaba sa 21.2% mula sa 51.6% ang insidente ng Fasciola. Sa Surra, mula sa 16% ay bumaba ito sa 5.7% at  sa Mastitis naman, mula 26.95% sa 17.36% .

Author

0 Response