Kwento at Kwenta ng isang nagkakalabawan

 

Sa kanyang kuwenta, nakapagbenta na siya ng 87,407 litro ng gatas sa loob ng 12 taon na kung saan ang kabuuang halaga nito ay umabot sa mahigit na Php3 milyon.

Sa kanya namang kuwento, nagsimula lamang siya sa isang gatasang kalabaw hanggang sa naparami niya ito at umabot sa bilang na 33 noong 2013.

Ito ang buod ng paglalahad ni Leoncio Callo, 57, miyembro ng Catalanacan Multi-Purpose Cooperative (CAMPC) sa Science City of Muñoz, sa kanyang kuwento at kuwenta sa pagpapalaot niya sa programa sa pagkakalabawan na isinusulong ng Philippine Carabao Center (PCC).

Aniya, mula sa kanyang kinita sa gatas ay nakapagpagawa siya ng bahay, nakapagpaaral ng apat na anak na tatlo sa mga ito ay nakatapos ng kani-kanilang mga kurso, nakapagpundar ng mga gadgets, appliances, lupa, at higit sa lahat ay nakaipon ng salapi sa banko.

Bukod sa gatas, nakapagbenta rin siya ng mga lalaking kalabaw na ginamit niya sa pagpupundar ng kotse, dalawang tricycle, dalawang motorsiklo, isang owner-type jeep at konkretong kulungan ng mga alagang kalabaw.

Sa kanyang pagkukuwento, taong 1999 nang ang kanilang kooperatiba ay mapahiraman ng isang module na may 25 gatasang kalabaw. Isa siya sa nakakuha ng isang kalabaw na pinalad na mabuntis agad at magbigay ng gatas.

Sa unang panganganak ng kanyang si “Putol”, umabot lang sa karaniwang ani na 3.5 litro sa isang araw ang nakukuha niya sa loob ng 10 buwan.  Nguni’t sa ikalawang panganganak, namangha siya’t napuspos ng galak nang umabot sa 8.5 litro ang gatas na nakuha niya sa isang araw. Ang aning gatas ay ibinebenta niya noon sa PCC sa Central Luzon State University sa halagang Php28 kada litro.

Hindi pa roon natatapos ang pagpapakitang gilas ni “Putol” sa larangan ng paggagatasan. Sa ikatlong panganganak nito noong 2004, umabot sa 11.5 litro araw-araw ang karaniwang dumaloy mula sa puklo nito.

“Nanlaki ang mata ko, nangiti pati tainga ko. Napa’wow’ ako talaga. Sabi ko, ang laking pera nito,” buong pagsasaya na sabi ni Ka Leoncio.

Ayon sa kanya, 12 ang naging anak ni “Putol” (tatlong babae, siyam na lalaki) bago ito pumanaw noong 2015 dahil sa katandaan.

Samantala, kagaya ni “Putol” ang mga anak niyang babae tulad ni “Putot” ay mabilis ding mabuntis at malakas magbigay ng gatas. Kung susumahin ay nasa 40 ang naging lahing kalabaw ni “Putol”.

Hindi naman na idinetalye ni Ka Leoncio kung bakit “Putol” at “Putot” ang naging tawag niya sa kanyang dalawang paboritong mga alagang kalabaw.

Huwarang magsasaka

Dahil na rin sa maayos na pamamahala at kumpletong pagtatala ng datos ng kanyang mga alagang kalabaw, kinilala at pinarangalan ng PCC si Ka Leoncio bilang “Best Dairy Buffalo Farmer” sa ilalim ng “Semi-commercial Category” noong Marso 2013.

Taong 2014 nang muling maging chairman ng CAMPC si Ka Leoncio mula nang magbitiw siya sa puwesto noong 2005.

Sa taon ng kanyang panunungkulan ay naumpisahan ang iba’t ibang negosyong salig sa kalabaw tulad ng vermicomposting, milk processing at product development. Sa sumunod na taon, nailunsad naman ang Dairy Box sa kanyang pangunguna at sa tulong na rin ng PCC. Ito ngayon ang nagsisilbing dairy products’ outlet ng CAMPC.

Taong 2017 nang magbitiw siya sa pagiging chairman. Nguni’t gaya ng inaasahan ang mga proyektong naiwan niya ay ipinagpatuloy ng kasalukuyang nanunungkulan, partikular na ang sa Dairy Box, na sa taong ito ay kumita ng mahigit isang milyong piso.

Susi ng pag-unlad

Ang kalabawan ni Ka Leoncio na pinangalanan niyang “LNC Farm” ay nakarehistro na sa Department of Trade and Industry. Nagsasanay na rin siya ng mga nais matuto at pumalaot sa paggagatas.

Noong 2016 ay nagkaroon siya ng return on investment (ROI) na 56.57% sa kita niya sa isang beses na paggagatas. Tumaas naman ang ROI niya sa 67.65% nang magsimula siyang mag twice-a-day milking noong 2017.

Sa kasalukuyan, 17 ang inaalagaang kalabaw ni Ka Leoncio. Anim sa mga ito ang ginagatasan habang tatlo ang kasalukuyang buntis. Nakakokolekta siya ng 37 litro ng gatas araw-araw na ipinagbibili niya sa halagang Php55 kada litro sa kanilang kooperatiba.

“Ang aming negosyo sa pagkakalabaw ay ginawa naming family business. Lahat kaming magkakapamilya ay tulung-tulong na gumagawa. Magmula sa panganay hanggang sa bunso ay marunong magsuga at magbigay ng wastong pag-aalaga sa aming mga kalabaw,” ani Ka Leoncio.

Ibinahagi niya ang ilan sa mga pinagbuti niyang gawain (good practices) sa pag-aalaga ng kalabaw. Aniya, malaki ang naging pakinabang ng ginawa niyang swimming pool ng kalabaw para mabilis mabuntis ang kanyang mga alaga.

“Bukod sa nalilinis ‘yong kalabaw kapag inilulublob sa swimming pool, nakatutulong din ito sa mabilis nilang pagbubuntis. Kahit tag-araw kapag sila’y naglandi, ilublob lang sila pagkatapos ma-AI, naniniwala akong nakatutulong ito para agad mabuhay ang semilya sa kanilang sinapupunan,” sabi niya.

Dagdag pa niya, mahalaga rin ang wasto at kumpletong pagtatala ng mga datos ng kalabaw para mabantayan ang kanilang performance at malaman kung alin ang may problema.

“Para magtagumpay sa gawain, una, dapat manalig at idulog natin lahat sa Panginoon. Pangalawa, mahalin natin ang mga alagang kalabaw at pag-aralan ang mga ugali nito. At panghuli, kailangan ang sipag at tiyaga at ganap na pagtutulungan ng pamilya,” wika niya.

Sa ngayon, maliban sa pagiging abala niya sa kanyang kalabawan, malimit din siyang maanyayahan bilang tagapagsalita sa mga malalaking pagpupulong at seminars. Kamakailan lang ay naimbitahan siyang ibahagi ang kanyang “kuwento at kuwenta” sa National Carabao Conference sa Nueva Ecija at festival sa Bohol at seminar sa Pampanga. 

Iyan si Ka Leoncio at ang kanyang kaiga-igayang “kuwento at kuwenta” sa pagkakalabawan. Hindi maikakaila, lantay siyang patunay na maituturing na tampok siyang hiyas sa mga pagbabahagi ng mga pagtatagumpay at pagtatamo ng biyaya sa ilalim ng programang isinusulong ng PCC.

Author

0 Response