Pagpapaigting pa ng Carabao Crossbreeding sa San Agustin, Isabela

 

Batay sa mga produkto, kagawian, o di naman kaya’y naiibang katangian, ang isang bayan ay nagiging tanyag at kilala.

Tulad halimbawa ng kaganapan sa San Agustin, Isabela.

Ang bayang ito’y lumikha ng magandang pangalan sa pagpapaangat ng lahi ng kalabaw, isang katangiang  walang  ibang bayang maaaring makapantay. Kaya naman kadalasang binabansagan ang bayang ito na “Crossbred Carabao Capital of the Philippines” ng di-iilang mga opisyales, mga magsasaka at mga karaniwang tagapagmasid.

Mula nang ilunsad ang carabao upgrading program (CUP) o pagpapaangat ng lahi ng mga katutubong kalabaw bilang banner program ng San Agustin noong taong 1995, patuloy na umiigting pa ang programang ito sa pagkakalabawan.

Populasyon ng mga crossbreds

Kilala ang bayan ng San Agustin sa pagdiriwang nito ng “Nuang Festival”. Ang “Nuang” ay salitang ilokano na ang ibig sabihin ay kalabaw.

Isa ang “Nuang Festival” sa mga pagdiriwang na talaga namang inaabangan ng mga magkakalabaw dahil ang kanilang mga crossbred o mestisang kalabaw ang siyang sentro ng atraksyon sa nasabing pista. Sa pagdiriwang na ito ay nabibigyan din ng pampublikong pagkilala ang mga magsasaka sa kanilang pakikiisa sa pagpapanatili ng programa sa pagpapaangat ng lahi ng mga native na kalabaw.

Ang munisipyo ng San Agustin, sa hangarin nitong ipagpatuloy at umani pa ng magandang bunga sa crossbreeding, ay nagsanay ng ilang mga Village-Based AI Technicians (VBAITs) sa PCC sa Cagayan State University (PCC@CSU) para sa pagpaparami pa ng bilang ng mga crossbreds sa nasabing bayan.

“Maliban sa kanya-kanyang aktibidad ng mga sinanay na VBAITs sa PCC at mga teknisyan mula sa Department of Agriculture (DA), nagsasagawa rin ng dalawang beses sa isang taon ng malawakang AI activities sa iba’t ibang barangay para mas mapaigting pa ang programa,” ani Celso Quinet, Community Development Officer I ng PCC@CSU.

Lahat ng biyolohiko (biologics) na ginagamit sa pagbabakuna at pagpupurga ay ibinibigay ng lokal na pamahalaan, aniya pa.

“Bukod dito, umaagapay din ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) upang lalo pang umigting ang programang ito,” dagdag ni Quinet.

Bunga ng mga pagsisikap na ito, inaani na ng bayan ng San Agustin ang  pagpupursige nito sa crossbreeding.

Ang patotoo ay ang mataas na bilang ng crossbreds sa nasabing bayan.

“Noong nakaraang Marso, umabot na sa 2,068 ang bilang ng crossbreds sa San Agustin,” ani Hannah Flor Jalotjot, science research assistant ng PCAARRD project 5 na nagsagawa ng pag-imbentaryo ng mga inaalagaang kalabaw ng mga magsasaka sa San Agustin. “Sa bilang na ito, ay 199 ang kumpirmadong buntis,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, ang bayan ay may 13 dairy associations. Ang mga asosasyong ito’y nasa ilalim ng San Agustin Dairy Cooperative (SADACO).

Ang kabuuang produksyon ng gatas ng nakaraang taon ay umabot na sa 39,283.54 litro batay sa tala ng SADACO. Ito’y tumaas ng malaki kumpara sa 2,803.25 litrong ani noong 2010 nang simulan nilang gatasan ang kanilang mga crossbreds.

Pinoproseso ng SADACO ang mga aning gatas upang maging iba’t ibang produktong gatas na tulad ng flavored milk drinks, pastillas, at iba pa. Ang mga ito ay mabibili sa San Agustin Dairy Processing Plant na sila rin ang namamahala.

Maliban sa processing plant, regular din silang nagsusuplay ng kanilang mga produktong gatas sa isang tindahan sa Echague, Isabela.

Karaniwan namang bumibili sa kanila ng sariwang gatas ang mga Indian nationals sa Santiago, Isabela at mga gumagawa ng milk candies sa Alcala, Cagayan. 

Para masustini ang CUP, inirekomenda ng mga eksperto ng PCC sa bayan ng San Agustin ang pagsasakatuparan ng iba’t ibang estratehiya tulad ng pagbuo ng roadmap at municipal livestock development plan, pagpapalawak pa lalo ng bull loan program, pagpapatibay ng AI program, pagbibigay ng post-production support, teknikal na pagsasanay, community organizing, social preparation at suporta sa pagsasapamilihan, at pagkakaroon ng kolaborasyon at pagtutulungan.

Bunsod ng sama-samang pagsisikap ng LGU, PCC, at iba pang mga kabalikat at tagasuporta, matayog ang pag-asa sa bayan ng San Agustin na lalo pang sisigla at magtatagumpay ang kanilang pagkakalabawan.

 

Author

0 Response