Sa Cebu, maliwanag na tunguhin ng LAMAC koop

 

Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang kooperatiba ng magsasaka na nagsimula lang sa puhunan na Php3,500 noong 1973 ay lalago ngayon sa isang imperyo ng mga negosyanteng magsasaka na may mga ari-arian na aabot sa kabuuang halaga na Php1.7 bilyon?

Hindi ito bunsod lang ng swerte. Ito ay dahil sa malalim na pananagutan, integridad, at paghahangad ng mga miyembro na mula sa pagiging salat ay maging sapat ang kanilang pamumuhay kung hindi man maging lubusang masagana. Higit sa lahat, matatag ang paniniwala ng mga miyembro at lider ng kooperatiba na ang pananampalataya nila sa Diyos ang nagdala sa kung nasaan man sila ngayon.

Ang Lamac Multipurpose Cooperative (LMPC), na may punong tanggapan sa barangay Parian, Cebu City, ay nagnanais na mabawasan ang kahirapan ng mga miyembrong nasa mahinang sektor gaya ng mga maliliit na magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan, matatanda, at may mga kapansanan.

Nagsimulang mapansin ng mga institusyon sa pagpapautang ang LMPC noong mairehistro ito sa Cooperative Development Authority noong Marso 1992. Ang unang nag-alok sa kanila ng pautang na Php1 milyon ay ang Land Bank of the Philippines.

“Noong una, nag-alinlangan kami kung tatanggapin namin ‘yong alok kasi naisip namin na baka hindi pa namin kayang bayaran ‘yong ganoon kalaking halaga ng utang. Humingi kami ng patnubay sa Diyos sa malaking desisyong ‘yon,” pagbabalik-tanaw ni Elena Limocon, general manager ng LMPC.

Hindi nagtagal ay tinanggap din nila ang hamon dahil, aniya, sa kahit anong negosyo ay kailangan marunong makipagsapalaran.

Sa pamamagitan ng pautang na iyon, nagsimulang yumabong ang LMPC.

Sa kasalukuyan, lumawak na ang mga negosyong pinangangasiwaan ng kooperatiba gaya ng bakery, water system, distributorship, co-op mart, agro-enterprises, at resorts. Ang pinakabagong nadagdag sa kanilang negosyong may kaugnayan sa agrikultura ay ang kabuhayang salig sa kalabaw. 

Nagsimula noong 2015 ang kanilang negosyo sa paggagatas sa pakikipagtulungan ng Philippine Carabao Center sa Ubay Stock Farm (PCC@USF) at pagkakatatag ng isang Dairy Buffalo Multiplier Farm sa Pinamungajan, Cebu. Sa parehong taon, nagsagawa ito ng mga lakbay-aral sa dairy production farms at mga pagsasanay sa pagdedebelop at pagpoproseso ng mga produktong gatas. 

“Pangkalahatan ang paraan namin ng pagtulong sa mga miyembro. Hindi kami basta nagpapautang lang,” ani Elena.

Ipinaliwanag niya na inihahanda rin nila ang mga miyembro na magsimula ng kanilang sariling negosyo at tinutulungan nila ang mga ito sa buong proseso ng pagnenegosyo. Mayroon silang business development center na namamahala sa lahat ng may kinalaman sa agro-enterprise.

Nagsimulang magbenta ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw ang LMPC nang magbukas ang una nitong pasalubong center noong 2016 sa Poblacion, Pinamungajan sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at Department of Trade and Industry (DTI). Isa pang nagbigay ng oportunidad para maipagbili ang kanilang mga produkto ay ang pagkakatatag ng Dairy Box noong 2017 sa Parian, Cebu City.

Sa parehong taon din nang makipagtulungan ang LMPC sa PCC at Cebu Technological University sa pagsasagawa ng buffalo’s milk feeding program para sa mga bata at matatanda.

Noong 2018, nakita ng LMPC na ang pagsisikap nito na mapaigting ang industriya ng paggagatas ay nagbubunga na sa bayan ng Pinamungajan kung saan aktibong sumali sa programa ang Punod, isa sa mga barangay ng bayang ito. 

Ilang mga aktibidad na may kaugnayan sa pagsusulong ng programa sa lugar ang sinimulan kabilang rito ang mga pagsasanay para sa pagpapahusay ng kakayahan, pagpapaiwi ng mga gatasang kalabaw sa mga magsasaka, pagpapatayo ng multi-milyong halagang dairy processing plant, pagdedeklara sa barangay Punod bilang “Dairy Capital of the Municipality of Pinamungajan”, at ang pagpapakita ng buong-suporta ng LGU sa programa.

Nakaplano sa limang taong “Dairy Production Development Plan” ng LMPC na sa susunod na tatlong taon ay nakikinita nito na makapagpapaiwi ito ng 120 kalabaw sa mga magsasaka sa Punod at mga karatig na barangay at makapagpoprodyus ng 180,675 litro ng gatas para sa posibleng pagpapalawak ng milk feeding program nito at para sa pagpoproseso ng iba’t ibang mga produktong gatas. Sa 2020, inaasahan din nilang makapagbubukas sila ng limang Dairy Box outlets kung saan ibebenta ang mga produkto ng kooperatiba.

Ayon kay Guillerma Abay-abay, development officer at Carabao-based Enterprise Development (CBED) coordinator ng PCC@USF, sa pakikipagtulungan nila sa LMPC ay napatunayan nilang mahalaga ang ibayong kasipagan at ganap na dedikasyon para matiyak ang tagumpay ng programang CBED.

“Buo ang desisyon ng mga namamahala sa LMPC na palaguin ang paggagatasan sa Pinamungajan at kalauna’y sa 42 na sangay nito sa buong Visayas,” ani Guillerma.

“Nais ipakita ng kooperatiba na totoong may pera sa kanayunan kaya naman hindi na kailangan ng mga tao, lalo na ‘yong mga nakatuon na sa pagsasaka, na pabayaan ang kanilang mga sakahan para lang makipagsapalaran sa siyudad,” dagdag niya.

Kung gayon, paanong nananatiling matatag ang isang kooperatibang katulad ng LMPC samantalang marami nang kooperatiba ang kusang natitibag?

Ganito naman ang nakapupukaw na tugon ni General Manager Elena: “Sa tuwing ino-orient namin ‘yong mga bagong miyembro, inilalahad namin ang buong kwento sa likod ng aming kooperatiba, kung gaano kami kaliit nagsimula at kung paano namin napagtagumpayan ang mga naging pagsubok para marating kung nasaan man kami ngayon. Pagkatapos ay ipinaiintindi namin sa kanila ang gampanin nila at kung bakit itinadhana ng Diyos na maging magsasaka sila at hindi ibang propesyon.”

Ang ganitong paraan ng pagtuturo sa pangangasiwa ay tila positibong tumimo sa mga magsasakang miyembro ng kooperatiba ayon sa ipinapakita nilang dedikasyon sa pagtataguyod ng LMPC at pagpupursigi na magtagumpay din sa kani-kanilang mga gawain.

 

Author
Author

0 Response