Mga natatanging karanasan, gawi sa pagpapapalahi gamit ang Bulugang Kalabaw sa LuzViMinda

 

Isang malaking hamon sa pag-aalaga ng kalabaw ang pagpaparami nito lalo’t kaugnay ng matagumpay na pagpapalahi ang pagpapaunlad ng kabuhayang salig sa kalabaw.

Sa ilalim ng Bull Loan program ng Philippine Carabao Center (PCC) ay maaaring mapahiraman ng bulugan ang mga maggagatas, kooperatiba, at institusyon na nag-aalaga ng kalabaw, 

Base sa datos ng PCC, buhat sa mga napahiraman ng bulugan, ang mga nangunguna sa calf drop o bilang ng naipanganak na kalabaw sa Luzon, Visayas, at Mindanao ay ang DVF Dairy Farm, na may 75 kalabaw na naipanganak; si Manuel Avalon, 80 kalabaw; at ang Caraga State University (CarSU), 199 kalabaw. 

Talavera, Nueva Ecija

Ang DVF Dairy Farm ay kilala sa kanilang mga produktong may gatas ng kalabaw. Aabot sa 66 na kalabaw ang kanilang inaalagaan sa 3.8 ektarya ng lupain na matatagpuan sa Nueva Ecija.

Aabot sa limang bulugan ang naipahiram ng PCC sa Central Luzon State University (PCC@CLSU) sa nasabing farm buhat nang taong 2011 hanggang sa ngayon. 

Kabilang si Renato “Nato” Villeza, AI technician at bull handler ng DVF Dairy Farm,  sa mga sinanay ng PCC sa tradisyunal na pagpapalahi gamit ang bulugan na kinakailangan upang maging kuwalipikado sa Bull Loan program ng ahensiya.

Ani Nato, mabisa ang bulugan sa pagpapabuntis. Isinasama niya ang isang bulugan sa di tataas sa 25 naglalanding babaing kalabaw sa isang kulungan. Ito’y upang matutukan ang panahong kinakailangan buntisin ang kalabaw na kalimitang tumatagal ng 18 oras lamang.

“Kapag lumagpas ka sa takdang oras, kailangan mo nang mag-antay ng 18-21 araw bago maglandi ulit ‘yong kalabaw,” paglalahad ni Nato. Sa 10 kalabaw ay kaya, aniya, ng kanilang bulugan na makabuntis din ng 10.

Masigasig  na nagmomonitor at nagtatala ng datos si Nato upang matukoy ang mga naglalanding kalabaw at maiwasan ang mga silent heater. Ito ang tawag sa mga kalabaw na kalimitang hindi nagpapakita ng senyales ng paglalandi tulad ng mucus discharge, pagiging maingay, matamlay minsan, at pagsampa sa mga kasamang hayop.

Sinusubaybayan ni Nato ang estrous cycle ng kalabaw bilang gabay sa kanyang pagtatala o recording ng kondisyon ng hayop.

Naging gawi na ni Nato na gamitin ang bulugan sa unang panganganak o first calving ng kalabaw lalo’t mahirap buntisin ang dumalaga. Sa mga susunod na pagbubuntis ay halinhinan siyang gumagamit ng articial insemination at bulugan.

Ngayong taon ay umabot na sa 32 ang bilang ng kalabaw na naipanganak sa farm. Ang mga anak na babae ay pinalalaki upang maging gatasang kalabaw.

Ayon kay Romeo Mercado, DVF Dairy Farm manager, hindi na nagpapataba ng mga batang lalaking kalabaw upang maiwasan ang karagdagang gastos sa pakain at pag-aalaga. Ang mga anak na lalaki na nasa edad na apat hanggang anim na buwan ay ibinebenta ng aabot sa Php16,000 o higit pa.

Isang beses sa isang araw maggatas ang DVF Dairy Farm ng  mga kalabaw. Ito ay nagsisimula ng alas-singko ng umaga at natatapos ng alas-siyete ng umaga. Sa 19 na kalabaw ay nakakukuha ng 97 litro ng gatas na naipagbibili ng Php50-70 kada litro.

Hand-milking ang ginagawa namin dito sa halip na gumamit ng milking machine. Mayroon kaming apat na taga-gatas. Sa ganitong paraan nakatutulong ang DVF Dairy Farm sa pagbibigay ng trabaho,” ani Mercado.

Dagdag ni Mercado, nag-aalaga din sila ng mga baka na siyang pinagkukunan ng ipinaiinom sa mga bulong kalabaw. Ito, aniya, ay upang ‘di na mabawasan pa ang gatas ng inahing kalabaw na ‘di hamak na mas mataas ang halaga kumpara sa Php28 kada litro na gatas ng baka.

Nagbebenta ng raw, pasteurized at naiprosesong gatas ang DVF Dairy Farm. Ilan sa mga produkto nito ay chocomilk, ice cream, yogurt, flavored milk, pastillas, at kesong puti.

May products outlet na siyang pinaglalagakan ng mga inaangkat na produktong ipinapasa sa mga piling establisyimento at malls sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ayon kay Mercado, ngayon ay nasa 70 na ang empleyado ng DVF Dairy Farm.

Upang lalong makatulong, mayroon din ang DVF Dairy Farm na inisyatiba sa pagpapaiwi ng kalabaw. Ani Mercado,ipinaaalaga ang kalabaw sa isang magsasaka at ang isang bulo nito ang siyang ibinabalik bilang kapalit habang ang lahat ng ganansiya ay sa tagapag-alaga na napupunta.

Samantala, ayon kay Mark Antonio, DVF Dairy Farm nutritionist, minimintina nang maigi ang pangangatawan at kalusugan ng mga hayop.  Pinapakain sila ng 40% na soya, 40% na damo at 20% na feeds.

“Importanteng i-kondisyon mo ‘yong bulugan kasi kapag pinabayaan mo manghihina ‘yong katawan at kahit gustong sumampa ay  hindi kakayanin,” ani Nato.

Sa hinaharap, inaasahan ng DVF Dairy Farm na ang mga naipapanganak na mga babaing kalabaw mula sa pagpapabulog ang siyang magsisilbing kapalit ng mga kasalukuyang mga ginagatasang kalabaw.

San Roque, Northern Samar

Sa gawing Kabisayaan, itinuturing si Manuel Avalon, 80, isang tubong Bisaya at may lahing Espanyol, na may “ginintuang kamay” sa pagpaparami at pag-aalaga ng kalabaw.

Aniya, nag-aalaga noon ng 390 kalabaw at 150 baka ang kanyang ama, na siyang naging malaking impluwensiya at dahilan sa pagkahilig niya sa nasabing gawain. 

Nagsimula sa pag-aalaga ng dalawang native na babaing kalabaw noong 1983, napagpasiyahan ni Avalon na magtrabaho sa Nebraska sa Amerika at ipaalaga muna ang naiwang mga kalabaw. Mula sa dalawa, pagbalik niya sa bansa noong 1996 ay umabot na ito sa 28 kalabaw at ‘di nagtagal ay mas dumami pa. 

“Hindi ko masyadong pinagkakakitaan ‘yong pag-aalaga ng kalabaw kasi ang ibinebenta ko lang naman ay mga lalaking kalabaw. ‘Yong mga babaing kalabaw ay itinitira ko,” ani Avalon sa wikang ingles.

“Masaya lang ako na nakikitang dumarami ‘yong mga alaga ko at makapagbigay ako ng trabaho o pagkakakitaan sa mga tao,” dagdag niya.

Ipinagbibili niya sa halagang Php24,000-25,000 ang lalaking kalabaw depende sa laki at edad. Minsan naman, aniya, nagbebenta siya ng babaing kalabaw sa halagang Php30,000-35,000 kung bibilhin ito para alagaan.

Taong 2013 nang magsimula ang ugnayan ni Avalon at ng PCC sa Visayas State University (PCC@VSU) noong mag-aplay siya sa programang Bull Loan nito. Mapalad naman siyang napahiraman ng isang bulugang may lahing American Buffalo na may ID number na 4US10059.

Base sa datos ng PCC@VSU, mula 2013 umabot sa 80 ang bilang ng naipanganak na bulo sa kalabawan ni Avalon hanggang sa mai-award ang bulugan sa kanya noong Abril 2017.

Ayon kay Edgar Nuñez, bull loan at AI coordinator ng PCC@VSU, nanggaling sa PCC sa Ubay Stock Farm ang American buffalo na ipinahiram nila. Hiniling, aniya, ni Avalon ang ganitong lahi ng bulugan para ang maging anak nito ay malalaki at mainam na pang-karne.

Ibinahagi rin ni Nuñez ang kainaman ng natural na pagpapalahi sa kalabaw. 

“Maaaring isama ang isang bulugan sa 25 babaing kalabaw. Sa loob ng isang taon, mabubuntis halos lahat ang mga ‘yon. Nasa 70-80% ang efficiency rate kung bulugan ang gagamitin sa pagpapalahi,” paliwanag niya.

Aniya pa, kapag umabot na sa tatlo hanggang apat na taon ang bulugan sa kawan ay pwede na itong tanggalin para maiwasan ang inbreeding.

Ayon naman kay Roel Morillo, bayaw ni Avalon na katulong niya sa pag-aalaga ng mga kalabaw, isinasama niya ang bulugan sa mga babaing kalabaw. Pagkaraan ng dalawang buwan ay kukunin niya ang bulugan, tatalian, at patatabain sa pamamagitan ng pagpapakain ng pinagbuting uri ng damo.

Sa kasalukuyan, 90 ang inaalagaang kalabaw ni Avalon na may lahing native at crossbreds. Sa bilang na ito, 65 ang kumpirmadong buntis. 

Ang mga kalabaw niya ay magkakasamang nakasuga at nanginginain sa 45 ektaryang rancho na inilaan niya para sa mga ito. Sa kabuuan, mayroon siyang mahigit 100 ektaryang lupain na namana niya sa kanyang ama.

Sa tulong ng isa pa niyang bayaw na si Romy Morillo na isang beterinaryo, nasisiguro ang regular na pagbabakuna at pagbibigay ng bitamina sa mga alagang kalabaw.

Aminado si Avalon na hindi pa niya sinubukan at ng kanyang bayaw na gatasan ang mga kalabaw para sa karagdagang pagkakakitaan dahil sa ang mga ito ay maiilap.

Nguni’t para sa kanya, hindi naman niya isinasarado ang posibilidad na subukan din ang paggagatas ng mga kalabaw basta lamang masiguro muna niya ang merkado ng gatas sa kanilang lugar at pagkakaroon ng milking machine.

Nabanggit din ni Avalon na, sa kasamaang palad, namatay ang bulugan na nai-award sa kanya ng PCC matapos itong matuklaw ng ahas noong 2017. Pinalitan naman ito ng PCC ng dalawang Italian Mediterranean bull noong 2019 kalakip ang panibagong kontrata.

Gayunpaman, malaki ang pasasalamat niya sa programang bull loan ng PCC dahil mabibilis lumaki ang mga naging anak ng bulugan at magaganda ang mga katawan. Hindi taliwas sa inaasahan niyang resulta na magiging anak ng lahi ng bulugang hiniling niya.

Ampayon, Butuan City

Labinsiyam na taon na ang nakalilipas nang magsimula ang ugnayan sa pagitan ng CarSU o dating NORMISIST at ng PCC sa Central Mindanao University (PCC@CMU).

Unang pinagkalooban ng PCC ng 10 babaing kalabaw at isang bulugan na may lahing Bulgarian ang nasabing institusyon noong 2001. Ngayon, ay umabot na sa 54 na kalabaw ang inaalagaan ng CarSU.

“Nakita ko na talagang pursigido noon si Dr. Emmanuel Nono na dating tagapamahala sa Dairy Carabao Project (DCP) ng institusyon. Mahalaga ito lalo’t dapat pagbutihin mo ang pagpapalahi para dumami ang kalabaw na mapagkukunan mo ng gatas,” ani Dr. Lowell Paraguas, PCC@CMU center director.

Ang DCP ay isa sa mga Income Generating Projects o IGP ng CarSU.

Buhat nang magsimula, apat na bulugang kalabaw na ang naipahiram ng PCC@CMU sa CarSU. Aabot sa 199 bulo ang naianak sa CarSU-DCP farm sa tulong ng bulugan, na siyang pinakamataas na bilang sa buong bansa. 

Nasa 13 ektarya ang laki ng CarSU-DCP farm na pinaglagakan ng kawan, at taniman ng pakain. Mayroon na ring products outlet kung saan ipinagbibili ang gatas ng kalabaw at mga produktong naiproseso mula dito. Ang mga nasabing pasilidad ay matatagpuan sa loob ng CarSU, Brgy. Ampayon, Butuan City sa Mindanao. 

Ayon kay Dr. Tomas M. Austral, Jr., CarSU -DCP project-in-charge, upang maiwasan ang inbreeding sa mga kalabaw ay nagsasagawa ng rotational breeding system. Kada dalawa hanggang tatlong taon ay nagkakaloob ng panibagong bulugan ang PCC@CMU sa CarSU upang palitan ang bulugan nito.

“Kalimitan ‘yong pinapalitan namin na bulugan ay ibinebenta nang buhay sa halip na katayin para maiwasan na din ang dagdag gastos kung iproproseso pa ang karne nito bilang produkto,” dagdag ni Dr. Austral.

Ibinibenta rin ng CarSU ang mga isang taong gulang na lalaking kalabaw sa halagang aabot sa Php 20,000-Php 25,000.

Upang makatulong sa pamayanan, nagbibigay ang CarSU-DCP team ng libreng serbisyo sa pagpapabulog sa kalabaw. Sa ngayon, dalawang bulugan mula sa PCC@CMU ang nasa pangangalaga nito.

Nakagawian na ng CarSU-DCP team na pagsamahin ang bulugan at mga naglalanding babaing kalabaw sa iisang kulungan. Kalimitang kasama ng isang bulugan ang 16 na babaing kalabaw.

Binabantayan din ng maigi ni Nerejan Lamoste, CarSU-DCP farm bull handler at caretaker, ang estrous cycle ng kalabaw upang maisagawa ang pagpapalahi sa tamang panahon.

 “Sa isang taon, nakabubuntis yung mga bulugan namin ng di bababa sa 16-17 kalabaw. Mainam ang bulugan kasi base sa obserbasyon ko nabubuntis agad yung mga kalabaw. Maganda ito sa’min lalo’t wala agad-agad na artificial insemination technician na makapupunta kung sakaling may maglandi, ”ani Mr. Lamoste. 

Bilang isa sa IGPs ng CarSU, nagkakaroon ng semi-annual review at evaluation ang DCP. Ang resulta nito ang ginagamit upang mapagbuti pa ang operasyon ng nasabing proyekto.

Batay sa datos ng CarSU -DCP, noong nakaraang taon, nakakuha sila ng 17 litro na gatas mula sa siyam na gatasang kalabaw. 

Ibinebenta nila ang raw at pasteurized carabao’s milk sa halagang Php 90 kada litro. Madalas silang nagproproseo ng chocomilk , at pastillas habang by order naman ang yoghurt at white cheese.

Ayon kay Marivic Bautista, CarSU-DCP dairy processing staff, ang primaryang tumatangkilik ng gatas ng kalabaw ay mga Indian nationals. Dagdag niya, sa panahong kinakailangan nila ng karagdagdagang suplay na gatas ay bumbili sila sa mga lokal na maggagatas.

Binibigyan ang mga kalabaw sa CarSU-DCP farm ng supplemento, dewormer, vitamins at minomonitor din ng maigi ang mga ito upang masiguro ang kanilang mga magandang pangangatawan.

Semi-annually,  may blood collection, fecalysis, at surra test kami sa pakikipagtulungan sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) para masuri namin ang estado ng kalusugan ng mga kalabaw,” ani Dr. Austral.

Bukod sa PCC@CMU ay nakikipag-ugnayan na din ang CarSU-DCP team sa Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology, at Bureau of Agricultural Research – Agriculture Competitiveness  Enhancement Fund program upang mas mapainam pa ang inisiyatiba sa proyekto.

“Sa gatasang kalabaw, importanteng magkaroon ng maayos na sistema sa pagpapalahi. Dapat isaalang-alang ang mga estratehiya, makabagong teknolohiya pati na rin ang market ng iyong produkto sa pagsasagawa ng mga plano sa pagpapainam ng kawan,” paglalahad ni Dr. Austral.

Dagdag niya, ang pagkakaroon ng komunikasyon at pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng PCC, at ng mga indibidwal, at institusyon na sumuong sa paggagatas ay magbubunga ng mas marami pang oportunidad o trabaho.

Sa pangkalahatan, mainam ang magpalahi ng kalabaw gamit ang bulugang kalabaw lulan nang mataas na potensiyal na makapagpabuntis dahil nakaantabay na ito kung sakaling maglandi ang alaga.

Ang mga pakinabang na hatid ng pagpaparami ng kalabaw ay pagkakaroon ng magandang lahi, paglaki ng kita ng magsasaka dahil maraming mapagkukunan ng maibebentang gatas o karne, at pagpapatuloy ng kabuhayan dahil may mga kalabaw na hahalili sa mga kasalukuyang alaga.

 

Author
Author

0 Response