Ang kalabaw para sa isang manlilikha ng sining

 

Para sa nakararami, marahil ang “leon” ang nagsisilbing hari ng kagubatan dahil sa taglay nitong lakas at awtoridad sa ibang mga hayop.

Pero para kay Mike Garcia, isang nakikilalang pintor ngayon, hindi lang sa Palawan kundi sa buong Pilipinas na rin, ang kalabaw ang hari ng mga hayop.

Ang kanyang dahilan? Ang kalabaw ay may mga natatanging karakter katulad ng nasabi sa ibaba. Bukod dito, isa sa mga napakaimportanteng hayop ang kalabaw  para sa mga Pilipino dahil sa mga hatid nitong pakinabang tulad na lang ng pagiging kaagapay ng magsasaka sa bukid at gayun na rin naman sa pagpapaunlad ng kabuhayan.

Karakter ng kalabaw

Para kay Mike, napakaraming mabuting karakter ng kalabaw. Ilan sa mga ito ay ang pagiging malakas, masipag at matapat na sumasalamin din sa karakter ng mga Pinoy.

“Mayroon ding malakas na personalidad ang kalabaw dahil sa mga katangian nito,” masayang sabi pa niya.

Kaya naman, pagdating sa kanyang mga likhang sining, mapapansin na ang kalabaw ang may pinakamalaking personahe o kaya naman ay lagi itong kasama sa kanyang mga ipinipinta.

“Ang sungay ng kalabaw ay ang nagsisilbing korana rin nito,” dagdag pa niya. Sa pananaw na ito, makikinita na itinuturing niya ang kalabaw bilang hari ng hayop sapagka’t ang pagkakaroon ng korona ay para lamang sa mga hari at reyna o doon sa may mga dugong bughaw.

Mga parangal at pamumukod-tangi

Ayon kay Mike, sa tuwing isinasama niya ang kalabaw sa kanyang mga ipinipinta, laging nananalo sa mga paligsahan ang kanyang mga obra.

Sa katunayan, ilan sa mga natanggap niyang parangal ay ang mga sumusunod: (1) Top 10 Finalist sa “Don Papa Rum National Art Competition” noong February 23, 2019 sa The Link Ayala Center, Makati; at (2) Top 5 Regional Winners para sa Luzon sa “Philippine Art Awards 2015-2016” sa Yuchengco Museum, RCBC Plaza Makati kung saan siya nakilala bilang kauna-unahang Palaweno na nanalo sa nasabing patimpalak. Lahat ng mga obra niya sa mga parangal na ito ay obra na may imahe ng kalabaw.

Bukod dito, nagkaroon din siya ng iba pang parangal at pamumukod-tangi katulad ng mga sumusunod: (1) Outstanding Artist Awardee sa “My SM, My City, My Art” noong October 25, 2018 sa SM City Puerto Princesa; (2) 1st Place Winner sa “Palawan Artist Juried Exhibition 2015” sa Puerto Princesa Provincial Capitol, Palawan; at (3) Representate ng Palawan sa “National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Philippine Visual Arts Festival 2013” sa Pagadian City, Zamboanga Del Sur.

“Mula ng magbalik ako sa probinsiya, naging inspirasyon ko ang mga kalabaw dahil sa isa itong malakas at masipag na katuwang sa buhay ng mga Pinoy. Kaya naman, sa pamamagitan ng sining, minabuti at ginusto ko silang bigyan ng pansin, importansya, at pagpapahalaga,” masayang pagtatapos ni Mike.

 

Author

0 Response