Pagtulong sa iba samantalang pinararami ang kawan

 

Sa edad na 73, aktibo pa rin si Anthony Alonzo ng Parista, Lupao, Nueva Ecija, sa pagganap ng mga tungkulin niya sa pag-aalaga ng kalabaw. Ang kanyang rason: Makaakit sa iba para tularan at maengganyo ring sumuong dito.

Para sa kanya, hindi kahit kailan naging hadlang ang edad niya dahil ibayong kagalakan naman aniya ang hatid nito sa kanya kapag nakikita na niya ang magandang resulta ng pinagtrabahuhan niya. Maliban kasi sa dumadaming bilang ng kanyang mga alaga, magaganda rin ang mga pangangatawan nito.

“Mula noong mabago ako ng Panginoon, ang nasa isip ko na lang ay kung paanong mas kumita pa para marami akong matulungan,” ani Anthony.

Si Anthony ang chairman at founder ng Brotherskeepers Multi-Purpose Cooperative (BMPC), isa sa mga inaasistehang kooperatiba ng DA-PCC.

Nagsimula sa tatlong kalabaw lamang na pahiram ng DA-PCC, ngayon ay umabot na sa 45 ang inaalagaang kalabaw ni Anthony. Sa bilang na ito, pito ang ginagatasan at 10 ang buntis.

“Bumibili ako ng paisa-isa. Kung ipagbibili namin ‘yong lalaki, papalitan agad ng babae, kasi ang programa ko d’yan ay ang produksyon ng gatas,” aniya.

Dalawang beses (5:00 a.m. at 4:00 p.m.) ang paggagatas sa mga kalabaw kung saan nakakukuha sila ng 17kg araw-araw habang naglalaan din sila ng gatas para sa mga bulo. Binibili ang kanilang aning gatas sa halagang Php65 kada kilo ni Melchor Correa, isa sa mga progresibong magkakalabaw sa Nueva Ecija. 

Sinisiguro rin niya na tuluy-tuloy ang produksyon ng gatas samantalang inihahanda niya ang pagpapalit sa mga humihina nang magbigay ng gatas. Kapag nanganak ang mga kalabaw, mayroon na siyang mga nakasunod na manganganak ulit na pinalalaki.

Pagtulong sa iba

Ayon kay Anthony, plano pa niyang paramihin ang mga inaalagaang kalabaw para kung halimbawang wala pang stock ng kalabaw ang PCC ay siya ang magpapahiram sa miyembro nila na nais mag-alaga ng kalabaw o gustong madagdagan ang inaalagaang kalabaw.

“May seminar kami sa PCC na dinaluhan. Ang sabi nila ay maganda ang kinabukasan dito. Ang kailangan lang ay paghandaan, palakihin, at paramihin namin ang kawan. Inaral ko naman. Sinusunod ko lang ‘yon kasi tama naman sila, e. Awa ng Diyos, naging maganda naman ang farm operation namin kaya marami rin akong natulungan,” aniya.

Nagpapaalaga rin siya ng kalabaw sa mga kamag-anak na may kaukulang porsyento kapag naibenta ang kalabaw kung ito ay lalaki. Kung babae naman ang ipaaalaga, ibabalik kina Anthony ang kalabaw kapag maaari na itong palahian habang may katumbas din silang upa sa pag-aalaga.

May anim siyang tauhan sa pag-aalaga ng kalabaw at pagtatanim na natutulungan din niya sa iba’t ibang paraan.

“Bukod sa suwelduhan sila, may mga ayuda pa silang natatanggap. Kapag umaani ang aming fish pond, may porsiyento din sila. Kapag umani naman sa gulayan, hindi na nila problema ang pagkain,” wika niya.

Maliban sa pagiging magsasakang maggagatas, may sarili ring appliance center business si Anthony na nakatulong ding magbigay ng trabaho sa mga nangangailangan.

Sa kabila ng mga responsibilidad niya bilang isang negosyante at chairman ng kooperatiba, tinitiyak ni Anthony na hindi niya napababayaan ang mga gawain sa pag-aalaga ng kalabaw. Kailangan lamang, aniya, ang tamang pagpaplano at pamamahala ng oras.

Pinagbuting pamamaraan

Ilan sa mga pinagbuting pamamaraan ni Anthony at ng kanyang mga tauhan sa pag-aalaga ng kalabaw ay ang pagiging maagap sa pagkokolekta ng dumi ng kalabaw, na iniipon nila sa isang bakanteng lugar at kapag natuyo na ay gagawing organikong pataba para sa mga tanim nilang pakain.

Magkahiwalay ang kulungan ng mga bulo, dumalaga, buntis at ginagatasang mga kalabaw.

Isa rin si Anthony sa gumagamit ng dashboard, isang business tool na ipinakilala ng PCC para sa pagmomonitor ng kasalukuyang lagay ng negosyo sa pagkakalabaw.

Kapansin-pansin ang malulusog na pangangatawan ng karamihan sa mga alagang kalabaw nina Anthony. Ayon kay Jaime Alonzo, katuwang ni Anthony sa pamamahala ng farm, sinisiguro nila na natututukan ang pakain sa mga hayop.

“Tinatantya namin ang kilo ng pakain na katumbas ng timbang nila. Kapag payat naman ang kalabaw, pinapakain namin ng feed concentrates at ipinapastol para hayaang manginain ng sariwang damo,” ani Jaime.

Bumili rin si Anthony ng rotavator para mapabilis ang trabaho sa pagtatanim ng damong Napier sa apat na ektaryang lupa. Ito ang pangunahing pinagkukunan nila ng pakain sa mga kalabaw. Maliban dito, nagpapakain din sila ng bagaso ng mais, dayami na may pulot, at legumbre gaya ng ipil-ipil.

Bukod sa lumalaking kawan sa pagkakalabawan, plano rin ni Anthony na magproseso na ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw at maging regular na supplier ng gatas sa mga nangangailangan gaya ng school feeding program. Para maisakatuparan ito, target niya na magkaroon ng 30 ginagatasang kalabaw.

Positibo si Anthony na pangmatagalang gawain ang pag-aalaga ng kalabaw. Buo ang kanyang loob na pagbutihan ito sa kagustuhang maging magandang patotoo sa mga kapwa niya magkakalabaw. Naroon din ang kanyang determinasyon na mabigyang katuparan ang pangarap niya na maging isa sa may pinakamaraming kalabaw at naaaning gatas sa Nueva Ecija.

 

Author

0 Response