Pag-aalaga ng gatasang kalabaw, lalo pang sumisigla sa Bukidnon

 

Kapansin-pansin na muling nagsisimula at dumarami ang mga magsasakang na-engganyo sa pagkakalabawan sa Bukidnon, isang bulubunduking probinsiya na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Region X sa Isla ng Mindanao.

Nag-ugat ito sa nakikita nilang natatamong ganansiya sa pag-aalaga ng kalabaw ---pagkakaroon ng dagdag at siguradong kita mula sa pagbebenta ng naaaning gatas.

Sa buong Bukidnon, tatlo pa lamang ang naitatatag na asosasyon ng mga magsasakang maggagatas, ayon kay Dr. Lowell Paraguas, center director ng PCC sa Central Mindanao University (PCC sa CMU) na may punong-tanggapan sa Maramag, Bukidnon. Gayunman, palatandaan na ito na nasisimulan nang muli ang pagtitindig at pagpapalakas ng programa sa pagpapahiram ng gatasang kalabaw.

Ang kaganapang ito’y bunsod ng mga hakbang na isinasagawa ng PCC sa CMU tulad ng pagpapahiram ng buntis na kalabaw.

“Noong una, talagang nagsasauli ng kalabaw sa amin ang mga magsasaka dahil naiinip sila sa paghihintay na mabuntis, manganak at pagkakitaan ang kanilang mga alagang hayop. Pero ngayon, dahil  buntis na nga ang naipahihiram naming mga kalabaw sa kanila, nadarama nila agad ang biyaya sa paggagatas ng kalabaw,” masayang sabi ni Dr. Paraguas.

Ang mga aktibong asosasyon ngayon sa Bukidnon ay ang mga sumusunod: (1) Don Carlos Buffalo Dairy Farmers Association; (2) Muleta-Side Buffalo Dairy Association (MUSBUDA); at (3) Dologon Kisanday Buffalo Dairy Association na pawang sa mga bayan ng Don Carlos at Maramag.

Kabilang sa mga matatagumpay nang mga magsasakang maggagatas na mula sa iba’t ibang asosasyon ay sina Ifraim Alayon, Carlo Abellanosa, at Julito Cuaton. Sila’y may kanya-kanyang istorya sa gawaing paggagatasan.

Si Ifraim Alayon

Taong 2017 nang magsimulang mag-alaga ng gatasang kalabaw mula sa PCC sa CMU si Ifraim Alayon, isa sa mga miyembro ng  board of directors ng Don Carlos Buffalo Dairy Farmers Association sa bayan ng Don Carlos.

Ganito ang pagkukuwento niya:

 “Taong 2016 pa lamang, interesado na talaga ako sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw. Ang ginagawa ko noon ay malimit na nag-o-obserba at bumibisita sa kapwa ko magsasakang maggagatas na napahiraman ng kalabaw ng PCC sa CMU para magtanong kung paano ako makapag-a-aplay sa programa ng nasabing ahensiya. Masuwerte naman na noo’y may isasagawang  pagsasanay sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw. Iyong pagsasanay ay noong Agosto hanggang Setyembre 2016 at nasama ako at  nasanay ako sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw”.

Kanya pang dagdag:

“Dinala rin ako noong Oktubre 2017 ni  Dr. Paraguas sa Luzon para lumahok sa 3rd National Carabao Conference (taunang kumperensiya na isinasagawa ng PCC). Bumisita kami noon sa mga mauunlad na magsasakang maggagatas at lalo akong nahikayat sa programa. Napag-alaman ko rin kasi na lubha itong makatutulong sa aming pamumuhay, pagnenegosyo, at makakapagbigay pa ng trabaho sa ibang tao”.

Napansin din niya, aniya, na mas magandang gawin ang pagkakalabawan sa Bukidnon kaysa sa Luzon.

“Mas malawak ang lupain ng mga magsasaka dito sa Bukidnon kumpara sa Luzon. Ibig sabihin, hindi problema sa amin ang pakain sa kalabaw dahil may lupa kami na p’wedeng pagtamnan ng napier grass at mapagkukuhanan ng iba pang pakain na tulad ng “sugarcane tops”, “molasses” na mula sa tanim naming tubo, at dayami naman mula sa tanim naming palay”, sabi ni Ifraim.

Sa kasalukuyan, nasa 28 ang gatasang kalabaw na may lahing Italian Mediterranean Buffalo ang inaalagaan ni Ifraim. Katulong niya sa pag-aalaga ang dalawa niyang pamangkin na sina Albert at Jorem Pugoy na ayon sa kanya ay hinahatian niya sa kita sa kanilang paggagatasan.

Ang mga alaga nilang mga kalabaw ay may konkretong kulungan na ang sukat ay 18 x 24 metro kwadrado. Ipinatayo niya ito noong Nobyembre hanggang Disyembre 2017 matapos siyang lumahok sa 3rd NCC.

 Labing-lima sa mga alaga niyang kalabaw ay babae,  ang isa ay bulugan, at ang 12 naman ay mga bulo.

Pagdating sa produksiyon ng gatas, karaniwang ani niya ay humigi’t kumulang sa 80 litro kada araw.  Mula ito sa kanyang 12 ginagatasang kalabaw na gamit ang nabili niyang“milking machine”. Ibinebenta niya ang 30 litrong gatas sa halagang Php60 kada litro sa PCC sa CMU.

“Ibinibigay namin sa mga bulo ang ibang gatas. Tataas pa ang aming maibebentang gatas dahil tatlong buwan lang naman naming susustentuhan ng gatas ang aming mga bulo,” masayang sabi ni Ifraim.

Tuwing ika-lima hanggang ika-anim ng umaga at ika-apat hanggang ika-lima ng hapon ang kanilang paggagatas.

“Itinuro kasi ng PCC na mas marami ang makukuhang gatas sa kalabaw kung dalawang beses na maggagatas. Ito ang  sinusunod namin,” ani Ifraim.

Pagdating naman sa ipinapakain sa mga kalabaw, karaniwang napier grass at sariling likhang  feeds ang ipinapakain nila sa mga kalabaw, dagdag pa niya.

“Nanggagaling ‘yong napier grass sa dalawang ektaryang lupa ko na ginawa kong forage area. Iyong feeds naman ay sarili naming pormulasyon dahil marunong na rin kaming gumawa nito,” ani Ifraim. “Hinahaluan namin ng molasses ang feeds na ginagawa namin para mas maging masustansiya at kumpleto ito sa mga alaga naming hayop,” dagdag pa niya.

Ayon kay Ifraim, ang kita niya sa dalawang ektaryang tubuhan sa isang taon ay katumbas lang ng dalawang buwang kita niya sa paggagatasan.

Si Carlo Magno Abellanosa

Tulad ni Ifraim,  si Carlo Abellanosa ay nahikayat din sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw. Siya ngayon ang chairman ng MUSBUDA.  Kaagapay niya sa pag-aalaga ng mga kalabaw ang kanyang  asawang si Nida at isang katuwang.

Ayon kay Carlo, na-engganyo siya  dahil sa nakikita niyang siguradong kita sa gawaing ito kumpara sa iba niyang gawain.

“Sa aking kumputasyon, maliit lang ang kita sa pagtatanim ng mais at palay at pagbebenta ng buko. Sa pagtatanim ng tubo, halos break-even ang ganansiya,” sabi ni Carlo. “Pero sa paggagatasan, iba talaga kaya hindi ako nag-atubili na sumama sa programa,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, 10 ang inaalagaan niyang Italian Mediterranean Buffalo na ang lima sa mga ito ay nagagatasan na. Karaniwang 6-8 litro kada kalabaw ang naaani nila bawa’t araw.

Umabot na sa Php376,201 ang halaga ng naibenta nilang gatas sa PCC sa CMU mula lang noong Setyembre ng nakaraang taon.

Naging dagdag na panghihikayat ang magandang balita mula sa pamahalaaang-bayan ng Don Carlos at PCC sa CMU.

“Magtatayo ng Dairy Box outlet sa Don Carlos na mapagbebentahan ng produktong mula sa aning gatas,” ayon kay Dr. Paraguas.

Sabi ni Carlo, manghihikayat pa sila ng marami na magkalabawan at magproseso ng gatas para sa iba’t ibang produkto.

Si Julito Cuaton

Taong 2017 din ng mapahiraman ng gatasang kalabaw si Julito Cuaton na miyembro ng MUSBUDA. Tulad ng mag-asawang Carlo at Nida, na nakapanghikaya’t sa kanya, katuwang din niya ang asawang si Femar sa pag-aalaga ng kanilang mga gatasang kalabaw.

Mayo nang nakaraang taon ng

mapagkalooban sila ng PCC sa CMU ng limang gatasang kalabaw. Pagkaraan lang ng anim na buwan, nagsimula na silang umani ng gatas.

Umabot na sa halagang Php339,708 ang naibenta nilang gatas sa PCC sa CMU. Nagproseso din sila ng kanilang aning gatas.

“Sa loob ng dalawang buwan na pagpoproseso ng gatas, katulong ang aming anak, ay  kumita kami ng mula Php2,000 hanggang Php3,000,” anang mag-asawang Julito at Femar.

Dadag pa nila:

“Patok sa mga bata sa eskwelahan ang chocomilk at fresh milk naman sa mga may edad na.

Anila pa, dahil sa pagkakalabawan, sigurado ang kita sa araw-araw.

Ginagamit nila na panggastos sa eskwelahan ng nag-aaral pa nilang anak at pambili ng pagkain ang kinikita nila sa paggagatas.

Sumigla ngang muli ang pagkakalabawan sa ilang bayan sa  Bukidnon. At, sa nakikita ng PCC sa CMU, tinitiyak nito na hindi maglalaon at gagaya na rin ang iba pang mga bayan sa probinsiyang ito sa paglahok sa programa sa pagkakalabawan. 

 

Author

0 Response