Mga katangi-tanging gawi, pagmamahal sa mga alagang kalabaw

 

Kung tuturingan ang mag-asawang Benedicto “Benny” Dela Torre, 55, at Evelyn, 38, ng barangay Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan, ay may kakaibang mga gawi sa pagpapakita ng tunay at malalim na pagmamahal sa kanilang mga alagang kalabaw.

 

Na ang mga “kakaibang” mga gawing ito naman ay nagdudulot ng magandang biyaya sa kanilang buhay. 

Isang halimbawa, nang magkasakit ang isa sa kanilang mga kalabaw ay pumunta si Benny sa simbahan para ipagdasal na gumaling na ang kanyang alagang kalabaw.

Binigyan din niya ng karampatang gamot ang kanyang kalabaw at pinalad namang gumaling.

Ang mga alaga nilang kalabaw ay kinabibilangan ng lahing crossbred, Italian, Bulgarian at Indian Murrah. Bagama’t karaniwang nakakulong at doon pinakakain ang mga alagang kalabaw, isinusuga rin niya ang mga ito sa pastulan para kumain ng sariwang damo at madama ang samyo ng natural na kapaligiran.

Sa koral, may sariling linya ng tubig para sa inumin at pampaligo ang mga alaga nilang kalabaw. Kung nakasuga naman ay nirarasyunan nila ang mga ito ng malinis na tubig.

Minsan nga, ani Benny, kinapos siya ng rasyon ng tubig na malinis kaya’t dali-dali siyang nagtungo sa tindahan at bumili ng isang galon ng mineral water para ipainom sa mga nakasugang mga alagang kalabaw.

Ayon sa pagsasalaysay ng mag-asawa, mula alas singko ng umaga hanggang alas otso ng gabi ay nakatutok sila sa mga alagang kalabaw. Regular nila itong binibigyan ng bitamina at ginagawan ng kaukulang check-up.

“Kapag nakasuga, isa-isa namin silang iniikutan para tiyakin ang kanilang kalagayan. Sa gabi naman, tinitingnan din namin sila. Kasi, sa gabi karaniwang mapapansin kung may sakit ‘yong hayop. Mukhang lungkutin sila at mukhang hindi masigla. Kapag ganoon ang nakikita namin ay tumatawag kami agad ng beterinaryo,” ani Benny.

Gayunman, inihayag niyang mayroon naman siyang basic na kaalaman sa paggagamot ng hayop. 

Para naman kay Evelyn, itinuturing na niyang tunay na kapamilya ang mga alagang kalabaw. Aniya, kailangang may tunay na pagmamalasakit sa mga alagang kalabaw at dapat na ganap silang ukulan ng panahon at atensyon.

“Kapag may sakit ‘yong kalabaw at tila ‘umiiyak’, kulang na lang na kalungin ko sila para malaman ang tunay nilang dinaramdam. Parang nanay talaga nila ako. Ganoon ko sila kamahal,” ani Evelyn.

“Kapag may okasyon, gaya ng Pasko, binabati ko silang isa-isa ng ‘Merry Christmas’,” dagdag pa niya.

Hindi naman nasayang ang pagpapakita nila ng labis na pagmamahal sa kanilang mga alaga. Nagbibigay ng gatas ang mga alagang kalabaw na ang napagbibilhan ay naipantutustos naman sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Nakapag-iimpok din sila dahilan para magkaroon sila ng iba pang pagkakakitaan tulad ng pagsasaka at pagsusuplay ng construction materials. Dahil dito, nakapagpundar sila ng apat na motor, isang owner-type jeep, nakabili ng isa pang bahay, maliliit na lote, at isang truck.

Dahil sa malalim na pagmamahal ng mag-asawa sa mga alagang kalabaw ay naging tampok na ang kanilang istorya sa iba’t ibang programa sa telebisyon gaya ng ABS-CBN “Magandang Buhay” at “Tapatan ni Ka Tunying”.

Mobile milking parlor

Isa pa sa kakaibang gawi ng mag-asawa ay ang paggamit ng kanilang lumang jeep bilang milking parlor o gatasan sa mga inahin nilang kalabaw.

Ayon kay Benny, mas nakatitiyak siya na malinis ang “mobile milking parlor” na ginagamit niya dahil maaari siyang humanap ng magandang lugar na malinis ang paligid, walang amoy, at sariwa ang hangin at doon ginagatasan ang mga alagang hayop.

Gayunman, hindi naman naging madali ang pagsisimula niya sa paggagatasan sa kanyang mobile milking parlor. Ginawa muna niya ang kaukulang pagsasanay na sumampa sa sasakyan ang kanyang mga hayop. Sa simula ay nakita niyang takot ang kanyang mga alaga dahil nagmumukha nga namang ibibiyahe sila para dalhin sa ibang lugar at katayin.

“Ang ginawa ko, kinausap ko sila isa-isa at sinabing ‘hindi, hindi kita kakatayin’,” ani Benny.

Tila naman nakauunawa, napasampa naman niya sa mobile milking parlor ang kanyang mga alaga. Pagkatapos sumampa, may nakahanda nang feeds at inumin sa jeep bilang kanilang pabuya.

“Doon ko na rin sila pinaliliguan saka ko hinihimas-himas ang kanilang ulo para mawala ‘yong takot nila,” wika niya.

Kapag natapos na ang paggatas, ibinababa na niya ang mga alaga at hinihimas ulit at tinatapik-tapik pa saka malumanay na dinadala sa koral, dagdag ni Benny.

Sinabi rin niyang hinding-hindi niya pinagagalitan ang mga alaga. Kaya naman, sanay na ang mga ito na sumampa sa kanyang milking parlor.

Apat na kalabaw ang kasalukuyan niyang ginagatasan. Karaniwang apat na litro ang gatas na kinokolekta niya sa bawa’t isa sa dahilang inaamutan din niya ang mga bulo.

Pagmamalasakit sa iba

Kinalakihan na ng mag-asawa ang pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw mula pa sa kani-kanilang mga magulang at angkan. Ang gawaing ito nga, anila, ang pamana ng kanilang pamilya sa kanila.

Parehas na sinubok ng kahirapan ang buhay ng mag-asawa kung kaya’t nang sila ay nagkaroon ng pagkakataon na guminhawa ang buhay ay hindi sila nag-atubiling ibahagi ang mga biyaya sa mga kapwa nila magsasaka.

Miyembro ng Sta. Maria Dairy Farmers Multi-Purpose Cooperative ang mag-asawa kung saan dito nila ipinagbibili ang mga nakolektang gatas.

Sila ri’y tinutulungan ng National Dairy Authority (NDA).

Mayroon silang mga kalabaw na napagsikapan nilang maparami sa tulong ng kaibigan at dating kapitan sa kanilang lugar na si Simplicio “Plecy” Hermogenes.

Nagsimula sa isang crossbred na kalabaw na pinangalanan nilang “Kulasa”, ngayon ay higit-kumulang sa 30 na ang inaalagaang kalabaw ng mag-asawa at ni Plecy. Ilan sa mga kalabaw na ito ay nakapaiwi na sa ibang mga magsasaka na sinuri nilang karapat-dapat na mabigyan upang matulungan din sa kanilang kabuhayan.

“Nais pa namin na maparami ang aming mga kalabaw. Target namin ang 50 inahin para maraming mabenepisyuhan. Kaya lang, mukhang hindi sila hiyang sa artificial insemination dito, kaya sana mapahiraman kami ng bulugang kalabaw,” ani Benny.

Sa kasalukuyan, naging tulay sila para matulungan ang walo nang magsasaka na guminhawa ang buhay dahil sa kita sa pinaiwi nilang mga kalabaw.

“Pasa-pasa ang tulong. Kapag nanganak at natulungan sila, ipapasa naman ‘yong mga anak sa iba kapag p’wede na para matulungan din sila. ‘Yong kita ng gatas, hinahayaan na rin namin na sa kanila nang buung-buo,” ani Benny.

“Dati kasi walang nagtitiwala sa’kin na magpaalaga ng kalabaw nila dahil mahirap nga ako. Iniisip nila na may puhunan sila kaya’t ayaw ipagkatiwala sa akin. Kaya ngayon, ang basehan namin, ‘yong hirap namin no’ng araw ay hindi dapat na danasin din ng iba,” dagdag niya.

Ayon naman kay Evelyn,ang pagiging mapagpakumbaba at mapagmalasakit sa mga nangangailangan ang nagsisilbi nilang gabay sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.

Sina Benny at Evelyn. Marami silang mga kakaibang gawi’t sariling prinsipyo sa pagkakalabawan kaya’t hindi naman imposibleng marami pang balik-biyaya na darating sa kanilang buhay.

 

Author

0 Response