PAGs sa gatas mainam na pantukoy sa pagbubuntis

 

Isa sa kalimitang hamon na kinahaharap ng magkakalabaw ang pagtukoy kung buntis na ang alaga. Kumpara sa rectal palpation o pagkapa na ginagawa nang nasa tatlo hanggang apat na buwan buhat ng mapalahian ang alaga, ngayo’y maaari nang malaman kung nagtagumpay na makapagpabuntis gamit ang gatas pagkaraan ng nasa 26 araw lamang.

Ito ay  posible base sa pag-aaral ng Philippine Carabao Center (PCC) na “Early Pregnancy Diagnosis in Buffaloes through Detection of Pregnancy-Associated Glycoproteins (PAGs) in Milk Using Enzyme-Linked Immunosorbent Assay”. Nakasaad dito na nagtatataglay ang gatas ng kalabaw ng PAGs.

“Ang PAGs ay protina na inilalabas ng kalabaw sa panahong buntis ito,” ani Dr. Edwin Atabay, isa sa nagsagawa ng pag-aaral.

Patunton ang mga inisyatiba ng nasabing pagsasaliksik na maipaikli ang calving interval o haba ng panahon mula nang huling manganak hanggang sa kasalukuyang panganganak ng alaga. Ito ay mahalaga lalo’t makatutulong ito upang maiwasan ang pagkalugi ng magkakalabaw sa panahong hindi pa gumagatas ang alaga.

Isinailalim ang 37 babaing kalabaw na inaalagaan sa PCC Gene pool sa Fixed Time Artificial Insemination (FTAI). Kaiba sa tradisyunal na pamaraan na di likas na pagpapalahi, sa FTAI hindi na kinakailangan na maghintay pa sa natural na paglalandi ng kalabaw upang maisagawa ang pagpapalahi.

Walo sa mga nai-FTAI na kalabaw na nabuntis at pumili ng walo pang hindi buntis na babaing kalabaw na siyang pinagkunan ng 5ml samples na gatas. Kasabay rin nang pagkuha ng gatas ay kumuha rin ng dugo.

Pagkaraa’y sinuri ito sa laboratoryo gamit ang IDEXX Milk Pregnancy Test. Ang IDEXX ELISA ay gumamit ng “monocolonal antibodies” laban sa PAGs. Ito ay nasa microplate na nagpapakita ng PAGs sa gatas.

Gumagamit rin ng ultrasound at kumukuha ng dugo upang makita kung may relasyon ang resulta na mga nabanggit at ng pagsusuri sa PAGs sa gatas.

Nakita sa pag-aaral na accurate ang resulta sa pagdetermina ng PAGs sa gatas kumpara sa paggamit ng ultrasound sa pag-alam kung buntis ang kalabaw, 26 araw pagkatapos palahian.

Base sa resulta ng pag-aaral, unti-unting tumataas ang lebel ng PAGs sa bawa’t paglipas ng araw na buntis ang hayop.

Nagkakaroon rin ng pagbabago sa kulay ng plate na nagiging mas matingkad na dilaw o kahel habang tumatagal lulan ng PAGs. Unti-unting bumababa ang lebel ng PAGs sa gatas sa ika-46 hanggang ika-76 araw, pagkaraang sumailalim sa insemination ng kalabaw.

“Nais namin na sa hinaharap ay makagawa ng kit kahalintulad ng pregnancy kit sa tao na madaling dalhin kahit saan at madali ring gamitin,” saad ni Dr. Atabay,

Kasama rin ni Dr, Atabay sa pagsasaliksik sina Danica Matias, Dr. Eufrocina Atabay, Dr. Annabelle Sarabia, Roseline Tadeo, Zeshalyn Fajardo, Dr. Jessica Gay Ortiz,  at John Paul Apolinario.

Nagsimula ang pag-aaral noong Mayo 2018 at natapos nitong Enero 2019.  

Author

0 Response