Pagtutulungan, Paggamit ng teknolohiya tungo sa mas maunlad na negosyong gatasan sa N.E.

 

Bagama’t dayuhan, si Dr. Asuka Kunisawa, 34, mula sa Osaka, Japan, ay pinili niyang maging isa sa mga Japan Overseas Cooperation Volunteers (JOCV) sa Pilipinas, at iwan ang bansang sinilangan upang makatulong sa mga maliliit na magsasakang maggagatas.

Gamit ang kanyang bisikleta ay tinatalunton niya ang daan tungo sa mga barangay ng Licaong at Catalanacan sa Muñoz, Nueva Ecija. Kanyang isinasagawa ang iba’t ibang inisyatibang kaugnay ng programa ng PCC na “Dairy Herd Improvement” (DHI) na nakaangkla sa pagpapaunlad ng  kabuhayang salig sa pagkakalabaw.

Nakapaloob sa DHI ang mga gawaing social at technical services ng PCC. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga pagsasanay sa wastong pangangalaga ng kalabaw, pagpapahiram ng kalabaw, pag-organisa ng kooperatiba, at iba pang tulong na kailangan ng magsasakang maggagatas.

Primaryang isinasagawa ito sa Nueva Ecija na siyang tinaguriang National Impact Zone (NIZ) ng PCC. Ang mga magagandang pamamaraaan na na-determina at sinubukan sa NIZ ay ipinapasa din sa mga regional centers ng PCC.

Sa pagboboluntaryo

Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng PCC, Japan International Cooperation Agency (JICA) at Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) ay naging isang JOCV sa PCC si Dr. Kunisawa.

Isa siya sa mga boluntaryong napiling ipadala ng JICA sa Pilipinas noong nakaraang taon. Ang kanyang pagsuong sa pagpapasulong ng DHI sa NIZ ay mula Hunyo 2018 hanggang Hunyo 2020.

Sa ngayon, 42 magsasaka ang inaasistehan ni Dr. Kunisawa. Nasa 200 mga kalabaw ang kanyang tinututukan buhat sa dalawang kooperatibang inaasistehan ng PCC sa Licaong at Catalanacan.

May tatlong pangunahing nakasaad na tuntunin sa activity plan ni Dr. Kunisawa. Una ay ang pag-determina sa mga teknolohiya na ginagamit at maaaring gamitin ng mga nagkakalabawan; ikalawa, ang pagseguro sa paggamit ng mga bagong teknolohiya mula sa PCC sa pamamagitan ng pagtuturo nito; at ikatlo, makita ang epekto ng paggamit ng mga teknolohiya.

Tutok din si Dr. Kunisawa sa gawaing ukol sa pagpapalahi, pagpapaikli ng panahon bago mabuntis muli at pagtukoy ng pagbubuntis ng kalabaw.

Matiyaga niyang itinatala ang mga suliranin na dapat na bigyang-pansin at kanya ring kinukunan ng pahayag ang mga indibidwal na magsasaka.   

 “Base sa datos na kanyang nakalap, ang kalimitang problema ng mga magsasaka ay ang pagtatala ng obserbasyon sa kanilang kalabaw pagdating sa aspeto ng pagpapalahi,” ani Mario Delizo ng PCC NIZ.

Bilang sagot sa nasabing suliranin, ibinahagi ni Dr. Kunisawa ang kaalaman sa pinainam na disenyo ng breeding calendar na isang monitoring and recording tool mula sa Japan. 

Makikita rito kung kailan maaaring matiyak ang pagbubuntis, at kung nagtagumpay, kung kailan ito inaasahang manganak.

Sa tulong din ng kalendaryo ay maaaring mapaikli ang calving interval lalo’t alam na ng mga magsasaka kung kailan ang mainam na araw na isagawa ang mga aktibidad sa pagpapalahi ng kalabaw.

 “Kung maigsi ang pagitan ng panganganak, mas maraming bulo ang maipapanganak sa loob ng productive life span ng kalabaw na mapakikinabangan ng magsasaka. Mas maraming gatas din ang makukuha kung kaya’t tataas ang kita ng magsasaka,” ani Wilma del Rosario, tagapamuno ng PCC NIZ.

Author

0 Response