Teacher at seaman noon, 'Caraprenuers' ngayon

 

Kilala ang bayan ng Alaminos Pangasinan sa dinarayong Hundred Islands National Park. Tampok itong puntahan ng mga turista dahil sa natural nitong ganda.

Dahil sa turismong dulot ng mga isla sa lugar, maraming residente ang nakikinabang sa oportunidad na kumita sa dagsa ng mga turistang nais mamangka sa mga isla na pinaniniwalaang mahigit dalawang milyong taon na.

Sa kabilang banda, ang mag-asawang Manuel at Olivia Palazo mula sa Brgy. San Roque sa Alaminos ay mas piniling magmina na lamang ng “white gold”. Nguni’t hindi ito isang metal na ginagawang alahas o mga palamuti kundi gatas ng kalabaw na sagana sa protina at iba’t ibang bitamina.

“Sa pagkakalabaw madali ang pera, hindi kailangang maghapon magtrabaho kaya mas maraming oras para sa pamilya”ani Olivia. Tunay ngang gumagaan ang anumang gawain kapag ang isang pamilya ay nagtutulungan. Para sa mag-asawa, ang pagkakalabaw ay hindi lamang isang simpleng hanapbuhay. Bagkus ay nakasanayang gawi na kanilang patuloy na pagyayamanin sa abot ng kanilang makakaya.

Pagsisimula

Nagsimulang magbenta ng gatas ang mag-asawa noong 2013 at gaya ng iba pang dairy farmers sa probinsya, mga crossbred na dati ay pambukid lamang ang kanilang ginatasan. Nguni’t tumamlay ang negosyo ng mag-asawa hanggang sa tuluyan nilang ihinto ang pagbebenta ng gatas.

Sinubukan nila ang ibang negosyo gaya ng pagiging dealer ng sofdrink, distributor ng poultry supplies at pag-alaga ng iba’t ibang mga hayop para ibenta. Bagama’t natutugunan ng mga negosyong ito ang kanilang mga pangangailangan, naging kapalit nito ang maraming oras at malaking capital na kailangan nilang ituon sa negosyo.

Dahil dito, napagdesisyunan ng mag-asawa na bumalik sa paggagatas ng kalabaw.

Bagong Pag-asa

Sa kagustuhan ni Olivia na mabenta ang mga gatas, nag-display siya at nag-alok ng gatas sa gilid ng kalsada upang mapansin ng mga nagdadaang motorista. Madali itong napansin ng mga Indian nationals na nakatira sa kanilang barangay at karatig lugar. Sa maghapon, kumikita si Olivia ng halagang Php900 hanggang Php1,100.

“Hindi pa sapat ang aming nakukuhang gatas para masuplayan sila (Indian). Kailangan pa namin ng mas maraming gatas” dagdag pa ni Olivia.

Hindi man ganoon kaganda ang kanilang panimula sa dairy, hindi nawalan ng pag-asa sina Olivia at Manuel...patuloy pa ring nakikita ang magandang potensyal na dala ng pagkakalabaw. Muling sumigla ang kanilang paggagatas taong 2017 at nagdesisyon silang ibenta ang halos lahat ng alagang hayop para madagdagan ang kanilang alagang kalabaw at tuluyan nang mag-focus dito.

MABUNGANG pagsasamahan

Mahalaga ang pagtutulungan sa buhay-pamilya at pagnenegosyo ng mag-asawang Manuel at Olivia. Si Manuel ang nagsasakate ng mga damong pakain habang si Olivia naman ang naghahanda ng mga kalabaw para gatasan.

Bagama’t hindi na nagtuturo si Olivia, hindi pa rin maiaalis sa kanya ang likas na pagkahilig sa pagtuturo at pagkatuto. Sa kanilang mag-asawa, si Olivia ang nakatokang dumalo sa mga seminars  at training. Kanya namang ibinabahagi ang kanyang mga natutunan hindi lamang sa kanyang asawa kundi pati na rin sa iba pang nag-aalaga ng kalabaw sa kanilang lugar. Siya ay sinanay ng PCC upang maging facilitator ng Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production o FLS-DBP. Isa siya sa mga tagapagturo sa kauna-unahang FLS-DBP sa Pangasinan.

Plano para sa hinaharap

Nais ng mag-asawang Palazo na pagdating ng panahon ay magproseso din ng gatas at gumawa ng iba’t ibang produkto mula rito at sa karne ng kalabaw. Nais din nilang magtayo ng kahit isang simpleng tindahan para rito. Planonilang magpatayo ng kitchen type na pasilidad para sa pagpoproseso ng gatas at karne ng kalabaw.

Ang mga pangarap nilang ito ay hindi lamang para sa ikauunlad ng kanilang sariling pamilya kundi upang mahikayat din ang iba pa na subukan ang negosyo ng paggagatas hindi lamang para sa sailing kabuhayan,  kundi para rin makatulong na matugunan ang pangangailangan sa gatas sa kanilang lugar.

 

Author

0 Response