Pangarap na natupad

 

Naiiyak sa tuwa at halos hindi makapaniwala si Juanito Dumale, 59, ng barangay Licaong, Science City of Muñoz, Nueva Ecija nang matanggap ang balitang siya ang hinirang bilang “2019 Outstanding Dairy Buffalo Farmer” sa ilalim ng kategoryang “smallhold” ng DA-PCC.

Sa wakas, aniya, sa 16 na taong pag-aalaga niya ng kalabaw ay nabigyang katuparan ang isa sa kaniyang mga pangarap.

“Sobrang saya ko kasi sa aming magkakapatid na nagkakalabaw ako na lang ang hindi pa nananalong ‘best dairy farmer’,” ani Juanito.

Bunso sa siyam na magkakapatid, dalawa sa mga kapatid niya ay naging benepisyaryo rin ng programa sa pagkakalabaw. Si Warlito, pang-apat sa kanila, ay pinarangalan ng DA-PCC bilang “Outstanding Dairy Buffalo Farmer” sa parehong kategorya noong 2007 at si Victoriano, pangpito, bilang “Outstanding Dairy Buffalo Farmer” sa ilalim naman ng kategoryang “Family Module” noong 2017. 

“Naging inspirasyon at motibasyon ko sila para mas pagbutihan pa ang pag-aalaga ng kalabaw,” wika ni Juanito.

Bagama’t naroon ang pagnanais niya na magawaran ng nasabing parangal, para kay Juanito ay “bonus” lamang ang mga pagkilalang kagaya ng natanggap nilang magkakapatid. May gantimpala man o wala, aniya,      dapat maayos pa rin ang pag-aalaga ng kalabaw dahil pangmatagalang biyaya ang hatid ng ganitong gawain. 

Nabagong Kapalaran

Nagsimulang mag-alaga ng kalabaw si Juanito noong 2004 nang mapagkatiwalaan siya ng DA-PCC ng gatasang kalabaw.

“Noong una, naiinggit ako sa ibang mga magkakalabaw na naisusulat ‘yong kwento nila. Tinatanong ko sa sarili ko kung kailan kaya ako makikita o mababasa diyan sa mga dyaryo at magasin ng DA-PCC kasi pinangarap ko talaga ‘yon,” salaysay niya.

Natupad naman ito nang maisulat ang kwento ng buhay niya at ng kaniyang pamilya noong 2017 sa NIZ Balitaan na ngayon ay CaraBalitaan, isang pahayagan ng DA-PCC sa ilalim ng pamamahala ng Knowledge Management Division-Applied Communication Section na inilalathala isang beses kada dalawang buwan.

Kwento ni Juanito, hindi siya nawalan ng pag-asa na darating ang panahon na magbubunga ang lahat ng kaniyang pagsisikap sa pag-aalaga ng kalabaw. Hindi nga siya nabigo dahil inaani na niya ang mga benepisyong hatid ng gawaing ito.

Napagtapos niya at ng kaniyang asawang si Emilia, 57, sa pag-aaral ang kanilang dalawang anak. Ang panganay na si Jaycelyn ay nakatapos ng kursong Business Administration habang ang bunso namang si Jerome ay kumuha ng degree sa Animal Science.

“Noong wala pa akong kalabaw at umaasa lang sa iba’t ibang pagkakakitaan, ang hiling ko lang ay kumita ng Php2,000 kada buwan para may maipantustos sa pamilya. Sa pagkakalabaw pala ay sobra-sobra ang kita mula rito. Dati kasi puro utang kami sa hirap ng buhay, ngayon ay wala na kaming utang, nakakaipon na, at nakapagpupundar pa,” sambit ni Juanito habang nangingilid ang luha.

Ngayon, lubos ang kagalakan ni Juanito na nakapagpapahiram at nakatutulong na rin siya sa ibang mga nangangailangan habang napauunlad niya ang sariling pamumuhay.

Taong 2018, sabay-sabay na nagbigay ng saganang gatas ang anim niyang kalabaw dahilan para bumili siya ng sarili niyang milking machine. Umaani siya noon ng 36 na litro sa isang araw. Nasubukan pa niyang kumita ng Php36,000 hanggang Php42,000 sa loob lang ng dalawang linggo.

Paraan ng pag-aalaga

Kapansin-pansin ang magagandang pangangatawan ng mga alagang kalabaw ni Juanito, na ayon sa kaniya ay resulta ng maayos niyang pagpapakain sa mga ito.

“Mahal ko ang mga alaga ko dahil malaking tulong sila sa amin kaya nagsisikap ako na pagandahin ‘yong mga katawan nila at alagaan silang mabuti,” ani Juanito.

Sa katunayan, para mas matutukan ang pagbibigay ng maayos na pakain sa mga alaga, tinaniman na niya ng Napier ang 6,000 sqm na bukirin na dati niyang taniman ng palay. Nagpaipon na rin siya ng mandala ng dayami para sa karagdagang pakain.

Sa mga gatasan, nagbibigay siya ng tig-apat na kilo ng feeds sa mga ito tuwing umaga habang ginagatasan at tuwing alas tres ng hapon.

“Hindi ko sila pinababayaan sa pakain. Kung konti ang pakain mo, konti lang din ang bigay na gatas ng kalabaw mo,” aniya.

Kahanga-hanga rin ang maayos na pangangasiwa ni Juanito sa kaniyang talaan (record keeping).

Karaniwang nagsisimula ng alas kwatro ng umaga ang trabaho ni Juanito sa kaniyang kalabawan. Sa oras na iyon ay paliliguan na niya ang mga alaga, lilinisan ang kulungan, at ihahanda ang mga gamit na kailangan sa paggagatas.

Patuloy ang pagpupursige at pagsisikap ni Juanito na maabot ang target na magkaroon siya ng 15 hanggang 20 ginagatasang kalabaw at madagdagan pa ang taniman niya ng pakain.

Miyembro ng Licaong Agricultural Cooperative, layunin din ni Juanito na makahikayat pa ng ibang magsasaka na sumali sa kanilang kooperatiba at mag-alaga ng kalabaw.

“Kinakausap ko rin ‘yong kapitan namin na ibahagi sa iba ‘yong kwento ng kooperatiba kung paano kami natulungan ng programa sa pagkakalabaw para maraming maengganyo at matulungan,” sabi ni Juanito.

Sa taglay niyang kasipagan at dedikasyon sa pag-aalaga ng kalabaw, hindi maikakaila na talagang karapat-dapat si Juanito   sa nakamit na parangal. Bakas din ang nag-uumapaw niyang damdamin sa nararanasang kaginhawaan ng kaniyang buong pamilya dahil sa pagkakalabaw, na itinuturing niyang isang gawain na nakapagpabago ng kanilang kapalaran.

 

Author

0 Response