Kainaman ng may kaalaman

 

Isang prinsipyo ni Arnold Cunanan, 45, ng barangay Porais, San Jose City, Nueva Ecija, na kung papasukin niya ang isang negosyong katulad ng pagkakalabawan, hindi pera lang ang kinakailangang puhunan kundi maging talino at kakayahan.

Nagsikhay si Arnold na pagyamanin ang sariling kaalaman at nagkusang matuto sa maraming bagay patungkol sa pagkakalabawan. Aniya, ito ang kaniyang paraan para mas maging mahusay sa pag-aalaga ng kalabaw at hindi lubusang umasa sa serbisyo ng gobyerno.

Nagawa niyang matutunan ang mga pangunahing pamamaraan sa pag-aalaga ng kalabaw sa pagdalo niya sa mga pagsasanay na isinasagawa ng DA-PCC. Maliban dito, malimit din siyang nag-oobserba at nagtatanong sa mga beterinaryo o teknisyan na bumibisita sa kaniyang kalabawan.

Ilan sa mga natutunan niya ay kung paano malaman kapag buntis na ang kalabaw, magsuri ng kalidad ng gatas gamit ang alcohol precipitation test, magpurga, magbakuna, mag-iniksyon ng bitamina, at matukoy ang body condition score (BCS) nito.

“Kapag talagang pursigido ka sa pag-aalaga ng kalabaw, aalamin mo lahat ng dapat gawin para masigurong maayos ang mga kalabaw mo. Ang mainam sa DA-PCC, hindi lang sila basta nagbibigay ng serbisyo, itinuturo rin nila kung paano ito gawin,” ani Arnold.

Aplikasyon ng mga natutunan

Kabilang si Arnold, isa sa mga miyembro ng  board of directors ng Simula ng Panibagong Bukas Producers Cooperative (SIPBUPCO), sa napahiraman ng DA-PCC ng Brazilian Murrah buffalo sa ilalim ng programang paiwi nito noong 2009.

Magmula noon hanggang ngayon ay ibayong kasipagan at dedikasyon na ang ipinamamalas ni Arnold sa pag-aalaga ng kalabaw, dahilan para kilalanin siya bilang “Outstanding Dairy Farmer” ng DA-PCC noong 2014.

Hindi niya sinayang ang oportunidad na maging benepisyaryo ng ganitong programa sa halip ay patuloy niyang hinasa ang kaniyang kakayahan at kaalaman para umunlad ang kaniyang kalabawan.

Ayon kay Arnold, lubos ang pasasalamat niya kay Mario Delizo, isang dating teknisyan at project development officer ng DA-PCC na matagal umasiste sa kaniya bago ito nagretiro. Dahil, aniya, kay Mario marami siyang natutunan na patuloy niyang inaaplay sa kaniyang kalabawan gaya ng pagtukoy kung buntis na ang kalabaw, pagbibigay ng vitamin ADE para maglandi ang mga ito, at pagpapakain ng feeds base sa litro ng gatas na nakukuha.

Masinsinan ang ginagawang pagmomonitor ni Arnold para malaman kung may naglalandi na sa kaniyang mga alaga, kaagad niya itong pasesemilyahan o ‘di naman kaya’y ipabubulog.

Isa ito sa mga pamamaraan kaya hindi nawawalan ng buntis na kalabaw sa kaniyang kawan.

“Kapag babae ang anak, hindi ko siyempre ibinebenta kasi sila ang mga susunod na inahin. Nakaprograma ako na dapat buwan-buwan ay may manganganak akong kalabaw,” ani Arnold.

Mayroon siyang kalahating ektaryang taniman ng pakain ng kalabaw gaya ng Napier. Maliban dito, pinakakain niya rin ang mga alaga ng dayami, ipil-ipil, kamoteng baging, sakate, at feeds.

Para masiguro ang maayos na kalusugan ng mga alaga, regular ang pagpupurga, pagbibigay ng bitamina, at pagbabakuna ni Arnold sa mga ito kapag malapit na ang tag-ulan o pabagu-bago na ang klima.

Nakatutulong na rin siya sa ilang mga miyembro ng kanilang kooperatiba sa pagbibigay ng paunang lunas kung sakaling magkasakit ang mga kalabaw nila. 

Bilang resulta ng kaniyang maayos na pag-aalaga, magaganda ang pangangatawan o BCS ng kaniyang mga kalabaw, madalang magkasakit, at maraming magbigay ng gatas na umaabot sa 14 na litro.

Benepisyo ng mga natutunan

Sa kasalukuyan, 34 ang alagang kalabaw ni Arnold; 10 rito ang buntis at anim ang ginagatasan. Nakakukuha siya ng 22 litro araw-araw dahil pa-dry na ang karamihan sa mga ito. Ibinebenta niya sa halagang Php70-Php75 ang aning gatas sa DVF, Milka Krem, at NEFEDCCO.

Karaniwang kumikita siya ng Php50,000 kada buwan mula sa pagbebenta ng gatas. Dahil dito, mabilis siyang nakapagpagawa ng bahay at tuluy-tuloy na nakapagpapaaral ng dalawang anak na sina John Carlo sa kursong engineering at DJ Rafi na nasa Grade 4.

Katulong din niya sa pag-aalaga ang kaniyang asawang si Angelita, 40, at mga anak.

Bagama’t may iba pang pinagkakakitaan ang pamilya ni Arnold gaya ng pagtatanim ng sibuyas at palay, napatunayan niya, aniya, na mas sigurado ang kita sa pagkakalabaw.

“Hangga’t nabubuhay ako hindi ko bibitawan ang pagkakalabaw, kasi mas secure ang kita rito kaysa sa bukid. Kapag nanganak ang kalabaw, may pera na kaagad hindi katulad sa bukid na magtatanim ka pa at kung ulanin o bagyuhin pa’y siguradong mababa ang kita. Sa kalabaw, tuluy-tuloy at walang pinipiling panahon ang kita,” aniya.

“Lahat ng kinikita ko sa bukid ay naitatabi ko na sa banko. ‘Yong panggastos sa eskwela at mga pangunahing pangangailangan namin sa araw-araw ay natutugunan na ng kita sa pagkakalabaw,” nakangiting sambit ni Arnold.

Plano ni Arnold na paramihin pa ang inahing kalabaw at taniman ng pakain ang isa niyang ektaryang bukid para doon na rin manginain ang iba pa niyang alaga. Kampante siya na mabibigyang-katuparan ang mga naisin niyang ito lalo pa’t nasimulan na niyang pagyamanin ang kakayahan at kaalaman niya sa wastong pag-aalaga ng kalabaw.

 

Author

0 Response