Bagong gawi sa gitna ng Pandemya

 

Sa kabila ng limitadong mapagbebentahan ng gatas ng kalabaw dahil sa enhanced community quarantine, nakakita ng oportunidad ang Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) sa gitna ng kasalukuyang krisis.

Ang mga hindi naibentang gatas mula sa ilang kooperatiba ng magsasaka ay ginamit ng Carabao Enterprise Development Section (CEDS) sa paggawa ng mga produktong Milkybun at Milk Pops na inilabas sa ilalim ng tatak ng Milka Krem.

“Alinsunod sa direktiba ni DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio, nagdebelop kami ng mga produktong may gatas na may mahabang shelf life. Gumawa kami ng mga pagkaing katulad ng Milkybun na ang bawa’t piraso’y katumbas ng sustansiya ng isang basong gatas. Ang layunin namin ay maipamahagi ito sa community milk feeding program,” ani Mina Abella, hepe ng CEDS.

Dagdag niya, ang mga produkto ay tinatangkilik ng mga mamimiling nagnanais na patuloy na maging malusog sa gitna ng  malawakang krisis-pangkalusugan.

Ang dalawang produkto ay inilunsad bilang parte ng mga aktibidad na isinagawa noong Farmers’ and Fisherfolks’ Month celebration noong Mayo 28.

Nasa 500 pirasong Milkybun at 200 ml na toned carabao’s milk  ang ipinamahagi sa mga bata sa Brgy. F.E. Marcos, San Jose City (SJC) upang mapainam ang kanilang nutrisyon. Ang  iba pang benepisyaryo ng community feeding ay 60 senior citizens  na inaalagaan sa Tahanan ng Damayang Kristiyano sa SJC.

Alinsunod sa inisyatiba, 2,400 na mga bata mula naman sa Science City of Muñoz ang nabigyan ng Milkybun at 200 ml toned carabao’s milk.   Binigyan din ang 300 na bata sa Brgy. Concepcion, Sto. Domingo.

“Habang tumutulong kami sa ating mga magsasaka na maibenta ang kanilang gatas sa gitna ng pandemya, masaya rin kaming maging instrumento sa pagpapalakas ng immunity ng mga  mamimili laban sa COVID-19,” saad ni Abella.

Ang mga community feeding programs ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng DA-PCC sa mga lokal na pamahalaan.

Paggawa ng mga produkto

Noong Marso, inilabas ng DA-PCC CEDS ang Milk Pops. Ito ay matamis, malambot at chewy flavored na pastillas balls.  Mabibili ito sa mga flavors na melon, honeydew, strawberry, chocolate, mango, at blueberry.  

Kalaunan ay inilabas din ng CEDS ang Milkybun na mas pinainam na bersyon ng nutri-bun. Naging unang basehan ng naturang bun ang konsepto ng pandesal na may gatas ng kalabaw.

Ani Abella, ang Milkybun ay isang kakaibang produkto dahil ito ay mayaman sa sustansyang dulot ng gatas ng kalabaw. Kinausap ng DA-PCC ang isang lokal na panaderya na siyang gagawa ng bun para sa mga feeding program ng ahensiya at upang maibenta na ito sa mga mamimili.

Ayon naman kay DA-PCC food technologist Teresita Baltazar, ang bawa’t isang pirasong Milkybun ay mayroong 250 calories habang ang isang pakete (40 g)  na may sampung  Milk Pops ay nagtataglay ng 170 calories.

Ang calorie content ay pinagmumulan ng enerhiya na kailangan ng katawan upang mag-function ito. Bukod sa enerhiya, protina, at taba, ang gatas ng kalabaw ay mayaman din sa magnesium, potassium, calcium, at phosphorus.

Maaaring mabili ang Milkybun sa Milka Krem, sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, sa halagang Php10 kada piraso o Php60 kada pakete na may lamang anim na piraso. Ang Milkybun ay mabibili rin sa DA-PCC Kadiwa Buffalo Milk on Wheels na lumilibot sa Nueva Ecija.

Planong isagawa sa hinaharap

Ibinahagi ni Abella  na balak ng DA-PCC na ipasa ang teknolohiya sa mga inaasistehan nitong mga kooperatiba ng magsasaka. Sa ganitong paraan, aniya, makakukuha pa ng higit na maraming mapagkakakitaan ang mga magsasaka lalo’t ang mga produkto ay malimit nang nagagamit sa community feedings.

 

Author

0 Response