Nabagong buhay dahil sa gatasang kalabaw

 

Kung ilalarawan ang pamumuhay ngayon ng pamilya Zenith ay malayung-malayo na sa kanilang kinagisnan. Ang lungkot ay napawi na ng saya, ang problema ay napalitan na ng pag-asa, at ang kahirapan ay naibsan na ng kaginhawahan.

Mula sa sitwasyong naghihikahos at hirap tustusan ang mga pangunahing pangangailangan, ngayon ay ramdam na ng mag-asawang Melgin at Claro Zenith ng Canahay, Surallah, South Cotabato at ng kanilang pamilya ang maginhawa at komportableng pamumuhay.

“Noon, madalas talagang walang laman ang pitaka ko. Pero ngayon, walang araw na wala akong madudukot na pera mula rito,” nakangiting wika ni Melgin.

“Kung gaano kahirap ang naging buhay namin noon, ibayong saya naman ang nararanasan namin ngayon,” dagdag niya.

Ang lahat, aniya, ay dahil sa paghihikayat sa kaniya ng kaniyang pinsan na si Loida na sumali sa programa sa gatasang kalabaw ng DA-PCC sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM).

Kwento ni Melgin, noong hindi pa siya sumasali sa programa ay malaki ang pinansiyal na problema nilang mag-asawa. Aniya, hindi niya malilimutan ang mga araw na kinailangan niyang tapangan ang kaniyang hiya na manghingi sa kamag-anak at mangutang sa mga kapitbahay para lamang may maipakain sa kaniyang pamilya dahil sa kahirapan.

“Sobrang hirap ng buhay namin noon, ultimo pambili ng kape at asukal ay hinihingi ko pa sa nanay ko. Madalas walang baon sa eskwelahan ang mga anak ko at nararanasan din namin na dalawang beses lang kumain sa isang araw,” emosyonal na sambit ni Melgin.

Palibhasa’y nakaasa lamang sila noon sa kinikita ni Claro bilang construction worker, madalas hindi ito sumasapat para sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya at pangangailangan ng kanilang tatlong anak.

Batid ng kaniyang pinsan na si Loida ang pinagdadaanang hirap nina Melgin kaya naman ibinahagi niya ang mga magagandang karanasan niya mula sa pag-aalaga ng kalabaw at hinikayat niya si Melgin na subukan din ang ganitong gawain.

“Sabi niya sa’kin, magpamiyembro daw ako sa association para magkaroon ako ng kalabaw at magbago ang buhay namin. Nakikita ko rin kasi na simula noong nagkaroon sila ng kalabaw, gumanda rin ang pamumuhay nila,” ani Melgin.

Nagpamiyembro sina Melgin at Claro sa Canahay Dairy Farmers Association at noong Hulyo 25, 2019 ay mapalad silang napahiraman ng DA-PCC sa USM ng isang buntis na Italian Mediterranean buffalo.

Nanganak ang alagang kalabaw ng mag-asawa noong Disyembre 2019, nagbigay ito ng maraming gatas at doon na tuluyang nagbago ang buhay ng pamilya Zenith.

Siyam na litro araw-araw ang nakukuha ng mag-asawa mula sa dalawang beses na paggagatas na binibili naman sa kanila sa halagang Php75 kada litro ni Dominic Paclibar, isa rin sa mga inaasistehang magsasakang maggagatas ng DA-PCC sa USM. Sa limang araw ay nasa 45 hanggang 49 na litro ang naipagbibili nila.

Dahil sa programa sa pagkakalabaw, nakasumpong ng hindi inaasahang biyaya ang pamilya na naging susi para makaahon sila sa kahirapan.

Madali nang nasusuportahan nina Melgin ang pag-aaral ng kanilang anak at naibibigay ang lahat ng mga pangangailangan na hindi na kailangang ipangutang pa. 

“Nakatutuwa na kahit papaano ay naibibigay na rin namin ‘yong mga kaunting luho ng mga anak namin. Lubos ang pasasalamat namin sa Diyos, sa DA-PCC at sa pinsan kong si Loida na naghikayat sa amin,” ani Melgin.

Nakahanda na rin ang pambili nina Melgin ng bahaging halaga (share) para sa anak ng kalabaw na ipinahiram sa kanila ng DA-PCC sa USM. Ayon kay DA-PCC sa USM Center Director Benjamin John Basilio, nakasaad sa kontrata sa paiwi program ng DA-PCC na kapag nanganak ang ipinahiram na kalabaw ay hati (50-50) ang magsasaka at ahensiya sa magiging presyo ng bulo hanggang sa ika-apat na anak ng ipinahiram na kalabaw. Maaaring bilhin ng DA-PCC ang share ng magsasaka o ‘di naman kaya’y magsasaka ang bibili ng share ng DA-PCC para mapasakanya na ang bulo.

“Napakaswerte po namin kasi babae po ang anak ng kalabaw na ipinahiram sa’min kaya naman pinag-ipunan talaga naming mag-asawa ang pambili para mapasaamin ‘yong bulo at kami ang mag-aalaga at magpapalaki,” ani Melgin.

Bakas sa mukha ng mag-asawa ang pag-asa at hindi matitinag na determinasyon na mas umunlad pa sa gawaing pagkakalabaw. 

Gaya ng ipinahihiwatig ng kanilang apelyidong “Zenith” na sa salitang ingles ang ibig sabihin ay “rurok” o “kaitaasan”, patuloy silang magsusumikap at magtitiyaga hanggang sa maabot ang rurok ng inaasam-asam nilang tagumpay.

 

Author

0 Response