ALPAS kontra Covid

 

Mga bagong oportunidad at pamamaraan na makatutulong sa mga apektadong magsasaka ang hatid ng apat na proyektong kasalukuyang isinasagawa ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC). Ito’y sa harap ng mga banta sa kanilang kabuhayan dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus.

Kabilang sa apat na nasabing proyekto ang Creating Opportunities through Value-Added Innovations for Development (COVID), Unlad Lahi Project (ULaP), Gatas, Gulay, at Karne (GGK), at Cara-Aralan. 

Isinasagawa ang mga ito sa ilalim ng inisyatiba ng DA na Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19 (ALPAS COVID-19) na ang layunin ay matiyak ang seguridad sa pangangailangan sa pagkain ngayong panahon ng pandemya.

Sinimulang isagawa ang mga nasabing proyekto noong Mayo kasabay ng selebrasyon ng buwan ng magsasaka at mangingisda at ngayo’y patuloy na isinusulong ng DA-PCC sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Kami ay nagbibigay-pugay sa ating mga magsasaka. Kung ang ilan ang tawag sa kanila ay frontliners, at ang iba naman ay backliners, para sa amin, sila ay mga bagong bayani,“ ani dating DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio.

Sa ilalim ng proyektong COVID, sisikaping iangat ang mga pamamaraan sa produksyon sa pamamagitan ng mga angkop na teknolohiya at inobasyon upang mapataas ang kita ng mga makikinabang na mga magsasaka.

Sa ULaP naman itinutuon ang pagpapataas ng produksyon ng gatas at karne samantalang bagong mga mapagkakakitaan ang hatid sa mga magsasakang nawalan ng kabuhayan.

Pang-apat sa mga proyekto ay ang Cara-Aralan na nagpapalaganap ng mga impormasyon o kaalaman at nagsasagawa ng mga pagsasanay gamit ang internet o e-learning platform upang patuloy na magkaroon ang mga magsasaka ng kaalaman at pagkatuto sa mga impormasyong may kinalaman sa pagkakalabaw.

Binabantayan at sinisiguro ang pagsasagawa ng mga naturang proyekto sa lahat ng mga panrehiyong tanggapan ng DA-PCC sa buong bansa.

 

Author

0 Response