Ugnayang pantawid COVID

 

Sa panahon ng krisis, ang lakas ng bawa’t isa ay lalong tumitindi kung pagsasama-samahin.

Napatunayan ito sa inisyatibang nabuo sa pagtutulungan ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC), San Miguel Corporation (SMC) at San Miguel Foundation Inc. (SMFI), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Education, Agriterra Philippines, AgriCOOPh Federation, National Dairy Authority (NDA), at Philippine Coconut Authority (PCA).

Sa tibay ng nilagdaang memorandum of agreement, layon ng nagkakaisang gawain na umalalay sa mga magsasakang maggagatas at mga pamayanang lubhang naapektuhan ng COVID-19. 

SMC at SMFI

Nitong Hunyo, naglaan ang SMC ng Php500,000 na ginamit sa pagbili ng gatas ng kalabaw para sa milk supplementation program.

Ang DA-PCC ang naghanap ng mga grupo ng maggagatas na magiging supplier para sa nasabing programa. Kabilang sa mga napili kasama ang halaga ng aangkating gatas ang Nueva Ecija Federation of Dairy Cooperatives (Php300,000), Catalanacan Multi-Purpose Cooperative (Php100,000), Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (Php50,000), at Pulong Buli Multi-Purpose Cooperative (Php50,000).

Nagpamahagi ng 25,000 na 200 ml-sachets ng toned carabao’s milk sa mga benipisyaryo mula sa Pampanga, Bulacan, Navotas, Manila, Malabon, Cavite, Quezon City, San Juan, at Mandaluyong. Kabilang sa mga nakatanggap ay mga frontliners, matanda, at bata.

Ayon kay SMC president at chief operating officer Ramon Ang, sisikapin nilang makatulong sa kabuhayan ng mga magsasaka samantalang inilalapit ang masustansiyang gatas ng kalabaw sa mga komunidad kung saan may kakulangan sa nutrisyon. 

Nagbigay din ang SMC ng tulong teknikal sa Carabao Enterprise Development Section (CEDS) ng DA-PCC kung saan nakita nila ang operasyon ng San Miguel Yamamura Packaging Corp. (SMYPC)  sa Pampanga.   Ang SMYPC ay nakatakdang maging toll manufacturer ng gatas ng kalabaw na gagamitin sa mga milk supplementation  at  community feeding programs. 

Ipinakita ng SMYPC sa CEDS ang pagpoproseso hanggang sa pagsasadelata ng sterilized na gatas. Sa 650 litro ng gatas ng kalabaw na dinala ng grupo para sa testing, 600 pirasong 180 ml na gatas na naka-aluminum cans ang nagawa. Ang mga canned milk ay isinailalim sa sensory testing at minomonitor na rin ang shelf life nito.

“Ang sterilized na gatas ay maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang dalawang taon. Mainam ang pagsasadelata dahil tumatagal lang ng pitong araw ang gatas ng kalabaw bago ito masira,“ ani Mina Abella, PCC-CEDS head.  Dagdag niya, posibleng icommercialize na ang sterilized canned carabao’s milk sa darating na Disyembre.

Samantala, nagbigay naman ang SMFI ng harinang magagamit sa paggawa ng Milkybun para sa community feeding. Ang CAMPCI at Bohol Dairy Cooperative ang mga napiling benepisyaryo na parehong nakatanggap ng Php50,000 na halaga ng harina.

“SMFI ang pinanggalingan ng harina habang ang kooperatiba ang nagpoproseso nito. Kalahati ng produksyon ang ipapasa sa community feeding na tatapatan naman ng kooperatiba bilang tulong sa pamayanan,” ani  Dr. Ericson Dela Cruz, OIC-Chief ng Planning and Information Management Division ng DA-PCC.

Inisyal nang nakapagpamahagi ng 2,500 Milkybun sa Bohol (Talibon, Unay, at Inabanga) sa feeding na isinagawa ng mga lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga piling bayan. May kabuuang 4,000 pirasong Milkybun naman ang ibinigay sa mga batang mag-aaral sa Cabiao, Nueva Ecija.

DAR

Opisyal na pinasinayaan ang kauna-unahang Milkybun processing facility sa Nueva Ecija sa pagtutulungan ng DA-PCC, DAR, at ng CAMPCI, na siyang namamahala rito.

Nagbigay ang DA-PCC ng mga sangkap para sa pagpoproseso ng mga produkto at mga kagamitan na nagkakahalaga ng Php400,000. DAR naman ang pinanggalingan ng Php300,000 para sa makinarya at  iba pang pangangailangan sa pasilidad. Aabot naman sa Php300,000 ang inilaan ng CAMPCI para sa pagpapatakbo ng nasabing facility.

Nagkaroon ng ribbon cutting sa naturang pasilidad noong Setyembre sa Dairy Box sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Ito’y sinundan ng MOA signing na ginanap sa DA-PCC national headquarters.

Ang Milkybun ay masustansiyang tinapay na may gatas ng kalabaw. Halos katumbas ng isang tinapay ang isang basong gatas. Ito ay isa sa mga produktong ginawa ng DA-PCC upang maging adisyunal na mapagkakakitaan ng mga magsasaka o carapreneurs at para sa mga milk supplementation at community feeding programs. 

Kaugnay ng pagpapatupad ng RA 11037 o Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, kasama ang gatas ng kalabaw sa mga ipamamahagi ng DepEd sa mga batang kulang sa nutrisyon.

Sa ilalim nito, target ng DA-PCC na mapunan ang 23.46 porsyento o 446,628 batang mag-aaral sa higit sa 1.7 milyong piling benepisyaryo ng nationwide School-Based Feeding Program (SBFP).

Ang Milkybun processing facility ay magsisilbi rin na  training facility para sa mga nais na maging carapreneurs at  bilang adisyunal na mapagkukunan ng kita ng kooperatiba.

DepEd

Bukod sa MOA sa pagitan ng DepEd at DA-PCC sa pagpapatupad ng naturang batas ay mayroon ding mga operating MOAs (OMOA) na nilagdaan sa pagitan ng ahensiya at Schools Division Offices (SDO) ng DepEd.

Kabilang ang mga sumusunod na grupo ng mga maggagatas sa mga magiging suppliers:  Ilocano AI Agri Coop, Northern Ilocos Sur Agri Coop, Bantog Samahang Nayon MPC, Rosario Dairy Farmers Coop, San Agustin Dairy Coop (SADACO), Integrated Farmers Coop, Eastern PMPC, Catalanacan MPC, NEFEDCCO, Pulong Buli MPC, Bataan Farmers Agri Coop, Tapulao MPC, Llano Farmers MPC, LGU Magdalena Processing Facility, Gen Trias Dairy Raisers MPC, The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative, Yamang Bukid Farm Palawan, Mindoro Dairy Coop, Gubat St. Anthony Cooperative/Albay Dairy Plant, Calinog Farmers Agriculture Coop (CAF-AGRI COOP), LAMAC MPC, San Julio Agrarian Reform Beneficiaries Coop, Bohol Dairy Coop, Baybay Dairy Cooperative, Siari Valley Agrarian Reform Beneficiaries MPC (SVARBEMCO), Baclay MPC, Muleta Side Buffalo Dairy Farmers Association MUSBUDA, at D & L Paclibar Dairy farm.

Taong 2018 nang maisabatas ang RA 11037 na nagsusulong ng National Feeding Program para sa mga kwalipikadong bata na nasa Kindergarten hanggang Grade 6. Gagawin sa loob ng 20 araw ang feeding.

AgriCOOPh Federation, Agriterra Philippines, at NDA

Sa hinaharap ay mas magiging progresibo ang industriya ng paggagatasan sa Nueva Ecija at Visayas lalo’t isinusulong na ang mga  proyektong  “Establishment of the Nueva Ecija Sustainable Dairy Hub”  at “Improving the Dairy Value Chain in the Visayas Region thru GROW COOP”.

Kasama ng DA-PCC ang AgriCOOP Federation sa implementasyon ng unang proyekto sa Nueva Ecija. Nakapaloob dito na gagawing mas madali ang pag-access ng ani at mga serbisyong teknikal sa gatasan ng mga maliliit na magsasaka. Patataasin din ang produksyon ng gatas at palalawigin ang pakikipagtulungan ‘di lamang sa pribado kundi sa pampublikong sektor sa nasabing probinsya.

Mas paiigtingin pa ang ugnayan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga polisiyang makatutulong sa pagkakaroon ng sustainable dairy hub. Iaangat din ang entrepreneurial spirit ng mga kooperatiba ng maggagatas sa Nueva Ecija.

Ang ikalawang proyekto na saklaw sa mga rehiyon ng Visayas ay isasagawa ng DA-PCC, Agriterra Philippines, at NDA. Anim na kooperatiba ang palalakasin at 1,000 miyembro ang target na benepisyaryo sa proyekto.

May dalawang bahagi ito. Sa Component 1 o Improvement of GOACs Organizational Performance ay palalakasin ang abilidad ng mga benepisyaryo sa agricultural management, governance, marketing, financial management, at members engagement. Dito nais na mapainam ang organizational performance ng kooperatiba.

Samantala, sa Component 2 o Expanded Cooperative Business Opportunities naman isasagawa ang mga gawaing magsusulong sa aktibong pakikilahok ng mga magsasaka sa kabuuan ng value chain.

PCA

Karagdagang pagkakakitaan naman para sa mga coconut farmers ang layon ng  Coconut-Carabao Development Project (CCDP) sa pagtutulungan ng DA-PCC at DA-PCA.

Ayon kay Paul Andrew Texon, DA-PCC focal person para sa proyekto, ang CCDP ay isusulong sa 17 project sites sa loob ng dalawang taon. 

Sa proyektong ito mamamahagi ng mga gatasang kalabaw, magpapatayo ng mga processing facility at magkakaloob ng kagamitan at supply, magpapatayo ng market outlets, sasanayin ang mga value chain players, makikipag-ugnayan sa mga kasangkot, at imomonitor at susuriin ang implementasyon ng lahat ng salik ng proyekto.

Tinukoy na ang mga kuwalipikadong magsasaka na maglalaan ng lupa para sa pagtatayo ng kawan at taniman ng damong pakain. Ang mga cooperative conduits naman ay inaasahang maglalaan ng resources na makatutulong sa pagpapaunlad ng carabao enterprise value chain.

Ang DA-PCC at DA-PCA ay makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang siguruhin na maibibigay ang karampatang teknikal na serbisyo, monitoring, at paglalaan ng lugar para sa marketing facilities.

Nagkaroon na ng online orientation hinggil sa implementasyon ng CCDP noong Oktubre 8. Ito ay dinaluhan ng mga kaagapay sa national at regional na sangay ng DA-PCC at DA-PCA.

Inaasahang makapag-aambag ng aning gatas sa pagpapatupad ng National Feeding Program ang mga magsasakang kalahok sa CCDP.

Bukod sa mga nabanggit, nakatakda ring magtulungan ang DA-PCC at DSWD sa milk feeding programs para sa mga batang nasa daycare. Mayroon ding inihahandang panibagong inisyatiba kasama ang SMC.

Author

0 Response