'Burobooster' para sa de-kalidad na pakain sa hayop

 

De-kalidad na silage ang inaasahang magagawa ng mga magsasaka kung gagamitan ng Buro Booster Silage Inoculant (BBSI). Gawa ng Department of Agriculture –Philippine Carabao Center (DA-PCC) Production Systems and Nutrition Section (PSNS) ang nasabing Buro Booster.

Ayon sa PSNS, mababawasan ang posibilidad ng pagkabulok ng ineensilo kung gagamitan ng inoculant na may baktiryang Lactobacillus plantarum. Kung magkagayon, tataas ang inaasahang ani mula sa produksyon ng silage.

Ang BBSI ay maaaring gamitin sa inensilong mais, sorghum, at damong pakain sa mga ruminants (kalabaw, baka, kambing, tupa).      

Ayon kay DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio, napagaganda ng BBSI ang kalidad ng pakain sa kalabaw na nakapagpapataas ng produksyon ng gatas para mabawasan ang epekto ng pandemya sa kabuhayan ng mga magsasakang maggagatas. 

Ang Buro Booster ay ipinakilala sa mga magsasakang-kasapi ng Lupao Corn Farmers Association (LCFA) noong Agosto 13 sa Lupao, Nueva Ecija. 

Buro Booster sa silage na mais

Sa isang onsite demonstration, ibinahagi ni Reynald Amido ng DA-PCC PSNS na ang 10 ml ng BBSI ay sapat na para sa isang handheld spray solution na magagamit sa isang toneladang silage. Nangangahulugan ito na ang 1 litrong botelya ng Buro Booster     ay maaaring magamit sa 100 toneladang silage.

Ang University of the Philippines-Los Baños National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ang nagbigay ng baktirya na pinarami ng DA-PCC para sa Buro Booster. 

Ang naturang inoculant ay maaaring iimbak ng hanggang sa anim na buwan sa refrigerator upang mapreserba ang baktirya.

Samantala, ayon naman kay Rogelio Antiquera, DA-PCC Science Research Technician III, ang bagaso ng mais ay nakapagbibigay enerhiya at magandang i-ensilo dahil may 65%-70% moisture content ito na nakababawas ng posibilidad ng pagkabulok.

Inaani ang mais pagkaraan ng 75-80 araw habang ang pag-eensilo ng bagaso ay tumatagal naman ng 21 araw. Ang magandang silage na mais ay tumatagal ng isa hanggang tatlong taon.

Ang pag-eensilo ay isang teknolohiya na ginagamit sa pakain para sa mga ruminants gaya ng mais at mga damo na naiprepreserba gamit ang anaerobic fermentation.

Isa pang magandang bagay sa pag-eensilo ng bagaso ay kalimitang inaani ang mais tuwing tag-init o sa      panahong kalimitang kulang ang pakain sa kalabaw.

Bukod pa rito, nakatutulong din ang teknolohiya sa pagprotekta ng kalikasan. Halimbawa, ang bagaso na isang by-product sa panahon ng anihan ng  mais at sinusunog lamang ay hindi na makadadagdag pa sa polusyon kung ieensilo.

Negosyong pag-eensilo sa gitna ng pandemya

Nakita ni LCFA chairman Isagani Cajucom ang kahalagahan ng Buro Booster sa pagpapanatili ng negosyo sa pag-eensilo ng mais.

Ang LCFA ay nakagagawa ng 100-300 tonelada ng silage sa loob ng isang buwan tuwing panahon ng maisan. Subali’t, dahil sa bumagsak na demand nito dulot ng pandemya, kinailangan nilang bawasan ang kanilang produksyon at gawing 50 tonelada. Ang isang sakong silage ay naibebenta sa halagang Php30-Php40. 

“Sa pamamagitan ng paglalagay ng inoculant sa silage ay napahahaba ang panahon na maaaring iimbak ito habang hindi pa nabibili. Binibigyan kami nito ng sapat na panahon para makahanap ng buyer,” ani Cajucom.

Sinimulan ni Cajucom ang kaniyang negosyo sa pag-eensilo noong 2013. Ito ay pagkaraan ng kaniyang partisipasyon sa proyektong “Commercialization of Grass/ Forage Corn Silage for Dairy Buffaloes in Lupao Through Technomart.”

Ang naturang proyekto ay sa pagtutulungan ng DA-PCC at ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD). 

“Pinagaganda ng silage ang body condition ng mga kalabaw. Ang mga malulusog na hayop ay nakapagbibigay ng higit na maraming gatas,” ani Cajucom na isa ring magkakalabaw.

Samantala, ilan sa mga magsasaka ng San Jose City ang nakatanggap din ng Buro Booster mula sa DA-PCC. Ayon kay Dr. Del Barrio, ang inoculant ay makatutulong sa pagbibigay ng adisyunal na pagkakakitaan sa mga magsasaka sa kanilang pangangailangang      pinansyal lalo’t may laganap na krisis pangkalusugan.

 

Author

0 Response