Caravan sa mga oportunidad na hatid ng CDP

 

DA-PCC sa MLPC — Isang caravan na may temang “Economic Opportunities Beyond the Carabao Development Program (CDP): Sa Gatasang Kabaw ang Kita Kada Adlaw”, ang isinagawa ng DA-PCC sa Mindanao Livestock Production Center (DA-PCC sa MLPC) katulong ang Sindangan Municipal Agriculture Office noong Pebrero 12 sa bayan ng Sindangan, Zamboanga Del Norte, na naitalagang Regional Impact Zone (RIZ) ng DA-PCC sa Rehiyon IX.

Kabilang sa mga lugar na inikutan ng caravan ay ang barangay Fatima, Sto. Niño, Dumalogdog Labakid, Dicoyong at Bago, na ang iba rito ay nagsisimula na ring makinabang sa programa ng ahensya.

“Isa itong oportunidad para sa mga magsasaka na makalahok sa programa upang magkaroon sila ng karagdagang kita at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo,” ani Fe Emelda Academia, coordinator ng Carabao-Based Enterprise Development Program (CBED) ng DA-PCC sa MLPC.

Ayon naman kay DA-PCC sa MLPC Director Cecelio Velez, patuloy na susuporta ang ahensya sa lokal na mga magsasakang maggagatas at palalakasin ang ugnayan nito sa mga lokal na pamahalaan para sa paglago ng industriya ng paggagatasan.

Sa naturang kaganapan, nakatanggap ang mga residente ng iba`t ibang barangay ng mga babasahin para mas maunawan ang programa habang ang mga bata naman ay pinagkalooban ng gatas at tinapay.

Hinikayat din ng DA-PCC sa MLPC ang mga magsasakang may alagang crossbred na babaing kalabaw na lumahok sa programa ng paggagatasan para magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan sa pagbebenta ng gatas. Maaari rin silang makakuha ng libreng bitamina, pampurga, mga serbisyong pangkalusugan at AI para sa kanilang mga alaga.

Maliban sa mga empleyado ng DA-PCC sa MLPC at Sindangan Municipal Agriculture Office, lumahok din sa caravan sina AI technician Angelito Blando, Agricultural Technologist Delecia Crieta, President Allan Ton-ogan ng Sindangan Crossbreed Buffalo Raisers Association (SinCroBuRA) at mga miyembro nito.

Layunin ng caravan na dagdagan ang kamalayan ng mga residente tungkol sa CDP at itampok ang iba’t ibang mga oportunidad na hatid ng programa at mga teknolohiya ng DA-PCC, partikular na ang artificial insemination (AI) at mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw. 

Author

0 Response